Inday TrendingInday Trending
Nang Bumigay si Itay

Nang Bumigay si Itay

Lumaki si Chloe na nasusunod lahat ng gusto niya dahil sa nag-iisang anak lang siya kaya malaya niyang nagagawa ang lumabas-labas at sumama sa mga kabarkada niya. Ramdam na ramdam ng dalagita na napakasuwerte at kuntento na siya sa tinatamasa niya sa buhay.

Maaga siyang naulila sa ina dahil nasawi ito nang ipanganak siya at ang amang si Mang Gabriel na lamang ang kasama niya sa buhay. Masakit man sa ama ang pagkawala ng kanyang ina ay nagpursige pa rin itong buhayin at alagaan siya sa abot ng makakaya nito. Ngunit sa kabila ng pagsasakripisyo at pagiging abala ni Mang Gabriel sa trabaho ay may iba pa lang pinagkakaabalahanan ang anak na si Chloe.

Isang gabi nang dumating ang dalagita sa kanilang bahay…

“Bakit ngayon ka lang anak? Eksaktong alas dose na ng hatingggabi, a. Saan ka na naman nagpupupuntang bata ka?” tanong ng ama.

“Itay, galing lang po ako sa kaibigan kong si Tootsie. Kilala mo naman siya di ba? Siya iyong kaklase kong pumunta dito nung nakaraang araw,” sagot niya habang nagkakamot ng ulo.

“Oo kilala ko iyon. At wala akong tiwala sa kaibigan mong iyon. Hindi man lang marunong gumalang sa nakatatanda at ang dami pang bisyo sa katawan. Sa tuwing dumadalaw rito sa bahay ay palaging lasing o naninigarilyo,” anito.

“Ano pong ibig niyong sabihin, na masamang tao ang kaibigan ko?” aniya sa ama sa mataas na boses.

“Ang sa akin lang ay pumili ka naman ng mga kaibigan na may magandang impluwensiya sa iyo, anak,” hayag pa ni Mang Gabriel.

“Wala kayong karapatan para pagbawalan ako kung sino ang gusto kong maging kaibigan!” sigaw ni Chloe sabay pasok sa kuwarto nito.

Napapailing na lang si Mang Gabriel sa pagsagot sa kanya ng anak.

Noong nasa probinsiya naman silang mag-ama ay magalang at masunuring bata si Chloe ngunit nang lumuwas sila sa Maynila at natutong mabarkada ang anak ay unti-unti nang nag-iba ang ugali nito. Natuto na itong lumiban sa klase, palaging nagbababad sa bahay ng mga kaibigan para makipag-inuman at palaging umuuwi ng hatinggabi.

Nang sumunod na araw ay labis na naman ang pag-aalala ni Mang Gabriel dahil madaling araw na ay hindi pa rin umuuwi ang kanyang anak. Halos hindi siya mapakali na para bang pinapaso ang kanyang puwetan. Mayamaya ay dumating si Chloe na lasing na lasing at halos hirap nang maglakad, ngunit dahil sa kabaitang taglay at sadyang mapagpasensiya si Mang Gabriel ay ipinagwalang-bahala na naman niya ang ginawa ng anak.

“Anak, huwag ka kasing iinom kung hindi mo kaya. Kita mo ang sarili mo, hahandu-handusay ka na,” nag-aalala nitong wika.

“Itay, hayaan mo nga ako, hik! Malaki na ako kaya huwag niyo akong pinakikialaman ha!” sabi ng anak habang susuray-suray na pumasok sa kuwarto at nahiga na sa kama. Di nagtagal ay nakatulog na rin ito sa sobrang kalasingan.

Kinaumagahan ay kinausap ni Mang Gabriel ang anak tungkol sa nangyari nang nagdaang gabi.

“Anak, umuwi kang lasing kagabi. Hindi ba’t sabi ko sa iyo ay tigilan mo na ang pag-uwi ng gabi at pagsama sa mga barkada mong walang ginawa kundi mag-inom? Hindi ka naman dating ganyan nung nasa probinsya pa tayo. Maaari bang iwasan mo na ang pag-inom ng alak, makakasama iyan sa iyo, pakiusap anak,” pagsusumamo niya kay Chloe.

Kumunot ang noo ng dalagita sa sinabi ng ama.

“Puwede ba itay kung sesermunan niyo lang ako ay mas mabuti pang umalis na ako at papasok pa ako sa eskwela. Buwisit na buhay ito,umagang-umaga panira ng araw!” singhal ng dalagita at nagmamadaling lumabas ng kanilang bahay.

Naiwang mag-isa si Mang Gabriel sa hapagkainan na lumuluha.

“Kung hindi ka lang sana maagang nawala, Gloria, di sana ay natulungan mo akong gabayan ng tama ang ating anak,” bulong niya sa sarili habang pinapahid ang luha sa mga mata.

Sa araw-araw ay hinahati ni Mang Gabriel ang kanyang katawan sa mga gawaing bahay at pagtatrabaho bilang construction worker. Halos wala na itong pahinga sa paggawa buong araw na kahit sa edad niyang limampu’t walong taong gulang at may iniindang karamdaman sa katawan ay nagagawa pang kumilos ng sobra-sobra para sa kanilang mag-ama.

Minsan ay pinuntahan siya ng isa sa mga guro ni Chloe at kinausap siya nito. Sinabi ng guro na halos araw-araw na hindi pumapasok ang anak sa eskwela. Ikinagulat niya ang nalaman dahil araw-araw naman itong umaalis ng bahay at kung minsan kahit hindi pa sumisikat ang araw ay nagpapaalam na ito na papasok sa klase. Isang malaking kasinungalinan lang pala ang lahat kaya pagdating niya sa kanilang bahay ay inabangan niya ang pag-uwi ng anak para komprontahin ito.

Alas nuwebe ng gabi nang dumating si Chloe at ang paghingi ng pera na pangbaon agad ang bungad nito sa kanya.

“Itay, pahingi naman ng pera. Wala na akong baon bukas, e!” anito.

“Saan mo gagamitin ang pera gayong hindi ka naman pumapasok sa eskwela? Ipang-iinom mo na naman?” bungad ring tanong ni Mang Gabriel.

“Ha, ano pong sinasabi niyo itay?” nagmamaangan pang tanong dalagita.

“Pinuntahan ako kanina ng iyong guro at sinabi niya na ilang araw ka ng hindi pumapasok sa klase mo. Anong ginagawa mo sa perang ibinibigay ko sa iyo araw-araw? Bakit hindi ka pumapasok sa eskwela gayong alam mo na hirap na hirap akong magtrabaho para mapag-aral lang kita. Alam mo ba ang pagtitipid na ginagawa ko sa sarili ko maitawid ko lang ang pag-aaral mo? Nagtitiis ako ng gutom na ang pambili ko sana ng pagkain sa pananghalian ay itinatabi ko para sa pangbaon mo sa eskwela? Kulang pa ba ang ginagawa ko para sa iyo, anak kung kaya’t ginagawa mo akong lokohin at ginagawa mo pang miserable ang buhay mo? Ibinibigay ko na sa iyo ang lahat ng makakaya ko, kulang pa ba?” patuloy na hayag ni Mang Gabriel sa mangiyak-ngiyak na tinig.

Nagpanting ang tainga ni Chloe sa mga inihayag ng kanyang ama kaya pabalang niya itong sinagot.

“Bakit sinabi ko bang pag-aralin niyo ako, sinabi ko bang magtrabaho kayo para sa akin? Hindi naman, e kaya huwag mo akong pagsabihan ng ganyan itay,” mariing sagot ng dalagita.

Sasagutin pa sana siya ng kanyang ama nang biglang unti-unting nagdilim ang paningin ni Mang Gabriel. Nanikip ang dibdib nito at tuluyang nawalan ng malay.

Agad na humigi ng tulong si Chloe sa mga kapitbahay para dalhin sa ospital ang ama. Nang masuri ito ng doktor ay sinabing di na nakayanan ng kanyang ama ang matinding pagod at sama ng pakiramdam dulot ng pagtaas ng dugo kaya bumigay na ito. Napag-alaman ng dalagita na pinilit pa ring magtrabaho ng kanyang ama kahit na may nararamdaman na itong kakaiba sa katawan para lang may kitain sa araw na iyon. Sinabi pa ng doktor na masuwerte ito dahil kung hindi agad naagapan at nadala sa ospital ang ama ay maaaring may masamang mangyari rito.

Labis ang pagsisisi ni Chloe sa lahat ng ginawa niyang kamalian sa ama. Napagtanto niya na nakalimutan niyang mahalin at pahalagahan ang kanyang ama na tanging natitirang tao na handang isakripisyo ang sariling buhay at kalusugan para sa kanya.

“Patawarin mo po ako itay. Pinagsisisihan ko na po ang mga ginawa ko at ang pagsasalita ko sa inyo ng hindi tama. Ayoko pong mawala ang kaisa-isang taong nagmahal sa akin ng walang kondisyon at kapalit. Hindi ko po kakayanin kung pati kayo ay mawawala pa sa akin, itay,” hagulgol ni Chloe sabay yakap nang mahigpit sa ama.

“Pinatawad na kita anak. Sana ay ituwid mo na ang iyong buhay. Pumasok ka na sa eskwela at magpakabait ka na,” wika ni Mang Gabriel.

“Ipinapangako ko itay na babalik na ako sa pag-aaral at ihihinto ko na po ang mga bisyo ko,” ani Chloe.

Nang makalabas sa ospital ay inalagaan ni Chloe ang ama hanggang sa gumaling ito. Tinupad ng dalagita ang pangako nito. Nagsimula na siyang mag-aral, hindi na siya umiinom at ginagabi ng uwi. Palagi na rin siyang gumagawa ng mga gawaing bahay.

Mula noon ay natuto na si Chloe na pahalagahan ang ama. Ipinagpasalamat niya na binigyan pa siya ng pagkakataon na maiparamdam kay Mang Gabriel kung gaano niya ito kamahal.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement