Matagal nang nagtatrabaho si Obeth bilang hardinero sa ibang bansa at doon na rin niya nakilala ang babaeng nais niyang pakasalan, si Neriza. Nakilala niya ang babae sa mall at alam niyang Pinay kaya naman agad niyang kinausap, nagtatrabaho ang babae bilang kasamabahay.
“Baka naman pwede mo muna sagutin yung pang-uwi natin ngayon sa Pilipinas Obeth, alam mo naman na marami pa akong binabayarang utang nila nanay kaya naman kapos sa pera,” wika ni Neriza sa lalaki.
“E diba hindi ka pa nga bayad sa huling hiniram mo sa akin. Pasensya ka na Nerriza pero kailangan ko rin kasi ng pera,” sagot naman ng lalaki,
“Hindi mo naman yata ako mahal e, ngayon pa lang ay kinukwentahan mo na ako ng mga utang. Siya huwag na, hindi na ako uuwi dahil magbabayad na lang ako ng utang ko sayo, nakakahiya naman,” baling ng babae.
“Hindi naman sa ganoon pero kaya nga tayo nagtratrabaho para makapag ipon hindi ba? Sige na sasagutin ko na ang pag-uwi natin para maipakilala mo na rin ako sa mga magulang mo,” saad naman ni Obeth saka niya nilambing ang babae.
“Wala ka namang pamilya na pinag-iipunan diba? Yang pera na itinatabi mo ay para naman sa magiging pamilya natin, kaya ano ba yung ngayon pa lang ay maiparamdam mo na sa akin na kaya mo akong buhayin? Mamaya niyan ay makipagbreak ako sayo,” bulong ng babae at inikot pa niya ang mata sa lalaki.
“Sige na, hindi na,” maiksing sagot ni Obeth.
Alam niya sa sarili na noong makita niya ang dalaga ay ito na ang magiging ina ng kaniyang mga anak. Kaya nga lang minsan ay pakiramdam niya’y pineperahan lamang siya nito bagamat hindi na lang niya pinapansin. Wala na rin naman siyang pamilya dahil ulila na kaya naman lahat ng sahod ay iniipon niya para sa kaniyang hinaharap.
Nang makauwi sila sa Pilipinas ay sumama si Obeth kay Neriza at ipinakilala nga siya nito bilang nobyo. Sakto rin kasing magkababayan lamang ang dalawa.
“Anak, akala ko ba hindi mo sasagutin iyang hardinero na yan, bakit kasama mo pa ngayon?” tanong ni Aling Omelia, ang nanay ni Nerizza.
“Ano ka ba naman ma, hinaan mo naman ng kaunti ang boses mo baka marinig ni Obeth. Kaya ko lang naman isinama yan dito kasi siya ang sumagot ng pamasahe ko pauwi, saka diba siya ang nagpa-tiles nitong Bahay?
Kapag nakahanap na ako ng foreigner ay saka ko na siya hihiwalayan, sa ngayon ay pakitunguhan ninyo po siya ng maayos,” mahinang sagot ni Neriza dito.
“Baka mamaya naman ay sugurin tayo ng mga kamag-anak niyan kapag nalaman na pineperahan lang natin yung lalaki,” wika muli ng ale.
“Ma, wala nang pamilya yan kaya nga inuto-uto ko rin kasi walang maghahabol sa atin,” natatawang sagot ni Neriza at sabay silang nagngitian ng kanyang nanay.
Pinuntahan naman ng babae si Obeth para dalhin ito sa kaniyang tutulugan at nang makapagpahinga na rin.
“Mahal, bakit hindi nila alam na ikakasal na tayo? Bakit ang alam ng tatay mo ay kakasagot mo pa lang sa akin?” tanong ni Obeth sa babae.
“Ah, eh kasi ano. Alam mo na, ayaw ko naman mabigla sila. Marami pa kasi kaming utang na kailangan bayaran kaya naman hindi ko muna sinasabi na ikakasal na tayo saka huwag kang magmadali kasi hindi naman ako mawawala sayo,” baling naman ni Neriza.
Hindi nagsalita ang lalaki, hindi na rin pinansin pa ni Neriza ito dahil wala naman talaga siyang pakialam at pera lang ang habol niya sa lalaki.
“Mahal, aalis muna ako ha. Pupuntahan ko lang ang pamilya ko,” paalam ni Obeth sa babae.
“E diba sabi mo wala ka nang pamilya, sa puntod ka ba pupunta? Sasamahan na lang kita,” sagot naman ni Neriza sa lalaki.
“Hindi na, ako na lang,” saad naman ni Obeth na siyang pinagtakahan ni Neriza. Kahit na wala siyang pakialam sa lalaki ay nais pa rin naman niyang makilala ito, bukod kasi sa wala na daw ang mga magulang ay wala na siyang ibang alam sa lalaki.
Kaya naisipan niyang lihim na sundan si Obeth dahil baka mamaya ay siya pala ang niloloko ng lalaki at baka sumabit pa siya sa panghuhuthot dito.
Halos dalawang oras rin ang byahe bago bumaba si Obeth, nagtataka si Neriza dahil huminto ito sa palengke at namili ng maraming pagkain at laruan.
“Sabi ko na e, may anak na tong mokong na ito. Mabuti na lang talaga naisipan mong sundan siya Neriza dahil pag nagkataon ay ikaw pa ang maloloko,” saad pa ng dalaga sa sarili.
Patuloy pa rin niyang sinundan ang lalaki at nagulat siyang pumasok ito sa isang bahay ampunan at sinalubong siya ng mga bata doon.
“Ops, mali ka Neriza, magdodonate pala sya,” isip-isip niyang muli.
“Mga bata, pasensya na kung ito lang ang dala ni Kuya Obeth ha. May tinulungan kasi akong babae, kailangan niyang umuwi ng Pilipinas kaso wala siyang pera kaya naman ako muna ang sumagot,” wika ni Obeth sa bata.
Parang napunit ang puso ni Neriza sa kanyang narinig at bigla siyang natulala.
“Hija, anong maitutulong ko?” tanong ng Padre na nakapansin kay Neriza sa labas.
“Ah, yun po bang lalaki na iyon ay matagal ng tumutulong dito?” tanong ng dalaga sa padre.
“Ah, si Obeth ba? Dito galing iyang batang iyan, iniwan sa labas ng simbahan kaya kinupkop namin hanggang sa lumaki. Nagtatrabaho na iyan ngayon sa ibang bansa pero hindi pa rin nakakalimot na magpadala para sa mga bata. Lagi rin iyang dumadaan dito para magbigay ng mga regalo kapag umuuwi siya ng Pilipinas,” sagot sa kaniya ng padre.
At doon na lalong sumakit ang dibdib ni Neriza dahil ang mga batang walang magulang pala ang kaniyang inaagawan ng pera. Imbes na ang mga ulilang ito ang nakikinabang sa sahod ni Obeth ay ginamit lang niya ang tao upang huthutan ng pera.
Buong akala niya’y wala lang magulang ang lalaki pero hindi niya inaasahan na galing pala ito sa bahay ampunan. Hindi na siya nagtago pa at hinintay na matapos makipaglaro si Obeth sa mga bata saka siya lumapit sa lalaki.
“Paanong nandito ka?” nagtatakang tanong ni Obeth sa babae.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin na sa bahay ampunan ka pala galing? Bakit sabi mo lang ay wala kang magulang, bakit hindi mo sinasabi sa akin na nag-iipon ka pala para sa mga bata? Kaya pala naniningil ka ng utang ko kasi dito mo ibibigay ay di sana hindi na ako laging nagpapalibre o nangungutang sayo,” wika ni Neriza dito.
“Nahihiya kasi akong malaman mo na walang pamilya ang lalaking may gusto sayo kaya hindi ko na sinabi ang totoo. Saka pera lang naman iyon Neriza, ang importante yung pagmamahal ko sayo ay nararamdaman mo. Sa nakikita ko kasi ay inaasahan ka ng pamilya mo lalo na sa pera kaya naman naiintindihan kita.Para kasi sa akin ang pera kinikita pero ang pamilya at pagmamahal ay dapat iniingatan kaya yun ang ginagawa ko sayo,” sagot naman ni Obeth.
Sa hindi malamang kadahilanan ay biglang nahulog ang loob ni Neriza kay Obeth, nakita niya kung gaano kabusilak ang puso nito. Kaya naman tinigilan na niya ang panghihingi ng pera sa lalaki at sabay na silang nag-iipon.
Ngayon ay kasal na ang dalawa at sabay na rin silang bumabalik sa bahay ampunan. Hindi pinagsisihan ni Neriza na hindi foreigner o hindi mayaman ang kaniyang napangasawa dahil sigurado naman syang mahal na mahal siya ni Obeth at magiging mabuti itong asawa at tatay ng kanilang magiging anak.