Inday TrendingInday Trending
Ako ang Naghirap, Tiyahin Ko ang Nagpakasarap

Ako ang Naghirap, Tiyahin Ko ang Nagpakasarap

Sanggol pa lamang si Ireece ay wala na ang kaniyang mga magulang, kaya naman ang Tiya Hilda na niya ang nagpalaki sa kaniya.

“Ireece, ngayong tapos ka na ng kolehiyo ay baka pwedeng magtrabaho ka na. Alam mo naman na napakadami ng ginastos namin sayo simula noong sanggol ka at baka kapag kinuwenta ko pa’y kulangin ang isang notebook sa haba ng illilista ko,” wika ni Aling Hilda sa dalaga.

“Alam ko naman po iyon tiyang. Huwag po kayong mag-alala dahil lahat ng sahod ko ay sa inyo po mapupunta,” sagot naman ni Ireece sa ale.

“Dapat lang talaga saka lagi mong tatandaan na kung hindi dahil sa amin ngayon ay wala ka na sa mundong ito,” baling muli ng ale saka ito lumabas ng kanilang bahay.

Napabuntong hininga na lang si Ireece dahil kahit na matagal na silang nagsasama sa iisang bahay ng ale ay hindi pa rin niya maiwasan ang masaktan sa mga sinasabi nito. Lalo na sa tuwing ipapamukha sa kanya na utang niya ang buong pagkatao rito.

Kaya naman agad na nagtrabaho si Ireece, call center ang kaniyang pinasukan dahil mas malaki ang sahod roon kaysa sa regular na trabaho.

“Friend, hindi naman sa ano ha pero ang laki ng sahod natin tapos laging de lata lang ang ulam mo? Bakit? May pinag-iipunan ka ba, may pamilya ka na, may sakit?” tanong ni Agot, katrabaho ng dalaga.

“Wala naman pero kasi lahat ng sahod ko napupunta sa tita ko at siya na rin ang nagbubudget ng mga kinakain ko at pinapabaon sa akin,” sagot ni Ireece dito.

“Bakit naman ganun? Hindi ka man lang ba magbigay ng kahit kalahati lang sa kaniya kasi may buhay ka rin naman at may sariling pangangailangan,” saad naman muli ni Agot.

“E kasi buong buhay ko utang ko sa kanila, sa kaniya kaya ngayon na may trabaho na ako ay kailangan sa kanya ang sweldo. Pati nga ATM at payslip ko siya ang humahawak,” sagot naman ni Ireece.

“Ay! mas malalala pa iyang tita mo kay Ms. Minchin e. Alam mo ang akin lang naman ay matuto kang magtabi ng kaunting pera para sa magiging kinabukasan mo kasi hindi ka naman habangbuhay na sasandal ka sa kaniya diba?

Saka dapat hindi ka niya ganyan kung ituring kasi magkamag-anak kayo. Para tuloy hindi ka niya mahal sa ginagawa at inaasal niya,” baling naman ni Agot.

“Kung hindi niya ako mahal sana hindi niya na ako inalagaan, iyan ang sasabihin niya panigurado,” natatawang sagot ni Ireece sa katrabaho at saka sila kumain ng tanghalian. Kanin at century tuna ang ulam ng dalaga kahit na lagpas bente mil ang sinasahod niya.

Kinaumagahan ay maaga siyang umalis ng kanilang bahay upang magpunta ng bangko, napagtanto kasi niyang tama ang katrabaho na kailangan din niyang magtabi para sa sarili. Hindi niya magagawa ito kapag sa bahay niya lang tinago ang pera dahil makikita at makikita ng kaniyang tiyahing mahilig magbungkal sa gamit niya.

Matagumpay naman siyang nakapagbukas ng account at agad niyang inilagay doon ang mga itinabing pera mula sa mga binibigay sa kanya ng tiyahin at kapag may bonus din na natatanggap ay doon na nya inilalagay . Idinadahilan niya na lang na walang payslip dahil online na lahat sa kanilang opisina.

Habang masarap ang tulog ng dalaga ay nagulat na lang siya ng magising sa hampas sa kaniya ni Aling Hilda.

“Ang kapal ng mukha mong bata ka! Ano itong passbook na nakita ko ha? Kelan ka pa nangungupit sa akin, kelan ka pa nagnanakaw?” galit na sabi nito.

“Anong ninanakaw tiyang, sahod ko po yung nilalagay ko diyan,” baling naman ni Ireece na kakagising lang at medyo tumaas ang kaniyang boses dahil sa sama ng gising mula sa kaniyang pang gabing trabaho.

“E di nagnanakaw ka nga! Nangungupit ka sa sahod na dapat sa akin napupunta, wala kang utang na loob. Wala kang kwentang bata-” naputol na pahayag ng ale dahil mabilis na sumambit ang dalaga.

“Wala akong kwenta kasi simula bata ako ay kayo na ang nagpalaki at nag-alaga sa akin kaya kailangan bayaran ko kayo, tama? Ilang beses niyo na po bang sinabi sa akin ‘yan tiyang? Bakit ni minsan sa memorya ko ay wala akong matandaan na minahal niyo ako, na tinuring niyo akong kapamilya niyo? Ano bang kasalanan ko sa inyo?” galit na baling ni Ireece kay Aling Hilda.

Hindi nakasagot ang ale sa sinabi ng dalaga. Natahimik ito at tila nahiya nang makita niyang nakatayo rin ang kaniyang mga anak at nakikinig sa kanilang usapan.

“Kulang ba ang sahod na ibinibigay ko sa inyo? E kung tutuusin ay sahod ko na ang bumubuhay sa inyo, sa mga bayarin dito pero wala kayong narinig kahit na sardinas lang ipinapabaon ninyo sa akin. Bakit ako napilitang mag-ipon? Dahil din naman sa kahigpitan ninyo, kailangan kong magtabi para kapag tumanda na ako o di kaya hindi ko na kayang magtrabaho ay may pera akong madudukot. Dahil alam ko namang kapag wala na akong kwenta o kapag wala na akong kita ay papaalisin niyo na ako,” saad pang muli ni Ireece.

“Hindi na nga po ako nagrereklamo na lahat ng pinaghihirapan ko ngayon ay kayo ang nakikinabang dahil iniisip ko ang palagi niyong sinasabi na utang na loob. Pero minsan ay naiisip ko rin na sana hindi niyo na lang ako binuhay kung aalilain niyo lang din ako ng ganito o di kaya sana nagsinungaling na lang kayo at sinabi sa akin na hindi tayo magkamag-anak para hindi ako nasasaktan ng ganito,” napaluha na nang tuluyan ang dalaga.

Saka siya umalis, alam niya sa sarili na hindi pa niya kayang bumukod at natatakot siyang umuwi dahil sa ginawa niya sa kaniyang tiyahin. Ngunit mali nga bang maituturing na magsabi siya ng totoong nararamdaman?

“Umuwi ka mag-uusap tayo,” mensahe ng kaniyang tiyahin. Wala siyang magawa kundi ang bumalik sa bahay at inihanda niya ang sarili. Maaring palayasin na siya nito o di kaya naman pagalitan o ipahiya siya sa tao.

“Patawarin niyo po ako tiyang,” bati ni Ireece at siya na mismo ang nagpakumbaba.

“Ako ang patawarin mo Ireece dahil sa galit ko sayo. Ikaw kasi ang sinisisi ko kung bakit nawala ang mga magulang mo, ang nanay mo na kapatid ko. Nagmamadali silang umuwi noon para ihatid ka sa akin pero dahil malakas ang ulan ay naaksidente ang kanilang sinasakyan at ikaw lang ang tanging nakaligtas. Galit na galit ako sayo dahil bata pa ang nanay mo pero nawala na at sa akin napunta ang responsibilidad hanggang sa hindi ko na napansin na naging ganito pala ako ka-sama,” paliwanag ng ale.

“Tama ka, sobrang sama ko. Kaya ito na binabalik ko na ang lahat sayo, simulan mo na mag-ipon at magbigay ka dito sa bahay ng tama lang. Hindi na kita kokontrolin pa. Patawarin mo ako Ireece,” dagdag pa nito saka siya niyakap ng ale.

Hindi malaman ni Ireece kung ano ang dapat niyang maramdam. Magagalit ba siya sa ale dahil sa lihim na ngayon lamang niya binunyag o maawa siya dito. Ano’t-ano pa man ay mas ninamnam niya ang yakap ni Aling Hilda.

“Wala naman pong kaso sa akin na magtrabaho, ang akin lang naman ay ituring niyo rin po akong anak niyo o kapamilya dahil kayo lang naman ang meron ako,” bulong ni Ireece sa ale.

Napaiyak na lang din si Aling Hilda sa narinig at tumangoi ito. Ngayon ay malaki na ang pinagbago ng kanilang pagsasama, pamilya na ang turing kay Ireece at hindi isang tao na makakapag-akyat ng pera sa pamilya. Naiintindihan na rin niya ngayon ang galit sa kaniya ng dati ng tiyahin at mas pinagdasal na lang niyang matulungan pa lalo ito sa buhay.

Advertisement