Inday TrendingInday Trending
Akyat Bahay, May Puso Ka Ba?

Akyat Bahay, May Puso Ka Ba?

Dahil sa hirap ng buhay ay hindi na nagawa pang makapag-aral ni Dave, elementarya lang ang tinapos ng bata at nagbulakbol na ito.

Napa-barkada sa mga tambay at nakatikim rin ng mga bawal. Bawal na gamot at bawal na gawain, naaalala pa niya ang kaniyang naging pagsubok upang pumasa sa samahan ng mga kabataang bulakbol.

“Ang kailangan mo lang gawin ay manghablot ng cellphone, kahit ano basta hindi ka mahuhuli,” wika ni Onyok, ang leader ng grupo.

Nagmasid muna si Dave kung paano ang ginagawa ng mga kasama niya. Sasaktuhan muna ng mga ito na traffic at saka iikot sa mga jeep na tila tumatawid tawid lamang sa kalsada. Lilingunin nito ang traffic light at kapag nagberde ang kulay ay saka nila hahablutin ang puntiryang tao, telepono, kwentas o hikaw. Tatakbo lamang ang kaniyang mga kasamahan na may ngiti pa sa kanilang mga labi dahil sa tagumpay na makapagnakaw.

Mabilis na nakadukot si Dave ng isang iPhone mula sa estudyanteng nanonood ng K-Drama sa jeep.

“Boss, anong gagawin natin dito?” tanong ng binata kay Onyok habang hawak ang telepono.

“Sayo na yan Dave kasi yan ang magiging remembrance mo! Ipapaayos lang natin iyan para magamit mo o pwede mo rin ibenta kung gusto mo,” sagot sa kaniya ni Onyok sabay tapik sa balikat ng binata.

“Welcome! Kasali ka na sa amin,” dagdag pa nito.

*Doon na nga nagsimula ang kaniyang pagiging kawatan, magnanakaw, snatcher at laslas bag. Noong una ay sumasama-sama lamang siya pero katagal ay ginawa na niyang hanapbuhay.

“Anak, saan ba talaga nanggagaling ang mga pera na binibigay mo? Hindi mo naman kailangan tumulong ng ganito, mas mabuti pa kung mag-aaral ka kahit hanggang high school lang sana,” wika ni Aling Lucy, ang nanay ng binata.

“Naku ‘nay napag- iwanan na po ako ng panahon saka hindi naman na importante ang diploma kasi ang importante ay iyong may mai-laman tayo sa sikmura,” baling ni Dave na tila akala mo nagra-rap habang kausap ang ina dahil may kasama pa itong hawi ng kamay.

“Anak, baka naman a*dik ka na?” saad ng ale.

“Nay hindi, huwag niyo na pong isipin pa kung saan ko iyan kinukuha kasi legal naman iyan saka naghihirap ako para lang may maiabot sa inyo,” sagot naman ni Dave at saglit niyang niyakap ang ale.

Alam ni Dave na hindi ito matutuklasan ng kanyang nanay dahil sa malayong lugar sila palagi nandurukot para hindi siya nakikilala.

“O makinig kayong mabuti, may bahay tayong aakyatin sa darating na Lunes. Sino ang gustong sumama?” tanong ni Onyok sa kaniyang grupo.

Nagtaasan naman lahat ng kamay at siya lang ang tanging naiwan.

“O Dave hindi ka sasama? Naduduwag ka ba?” natatawang wika ni Onyok sa binata.

“Hindi naman, para kasing unang beses nating gagawin ang mag akyat bahay. Natatakot lang ako na baka hindi natin makapa kung paano makakatakas,” baling naman ni Dave.

“Huwag kang mag-alala, yung nakatira doon sa bahay ay maga-outing at maiiwan yung lolong bulag. Walang kalaban-laban sa atin ang matanda kaya mabilis tayong makakatakas pero kung ayaw mo naman ay hindi kita pipilitin,” saad naman ni Onyok dito.

Natatakot man ngunit sumama pa rin si Dave, lima silang magnanakaw sa isang malaking bahay.

Katulad ng plano ay mabilis silang nakapasok, nalimas nila ang mga gamit sa bahay, alahas at ilan pang pwedeng mabenta. Lalabas na sana sila nang bilang masagi ng kaniyang kasamahan ang upuan at nagising ang matanda na natutulog sa sofa.

“Sino yan!” malakas na wika ng matandang bulag.

“Kung sino man kayo ay naamoy ko kayo. Umalis kayo sa bahay ko!” dagdag pa nito at mabilis na tumayo at kinuha ang kanyang tungkod upang abutin ang kanilang kinatatayuan.

Masyadong mabilis ang pangyayari at binaril ni Onyok ang matanda.

“Takbo!” sigaw pa ni Onyok.

“Bakit may baril, bulag na nga yung tao binaril mo pa! Anong klaseng tao ka,” baling ni Dave ngunit paglingon niya ay wala na ang mga kasama at naiwan siyang nakatayo sa matanda na tinamaan sa tiyan.

“Tulungan mo ako,” nahihirapang sabi nito.

Hindi makakilos si Dave at iniisip niya kung ano ang gagawin. Kapag tinulungan niya ang matanda ay siguradong huli ang kaniyang aabutin ngunit kapag hindi naman ay baka maubusan ito ng dugo at mawalan ng buhay na siyang hindi naman ikakatahimik ng kaniyang konsensya.

Agad na tumawag si Dave ng ambulansya at tinulungan ang matanda.

“Pasensya na po kayo lolo, hindi ko naman talaga gustong magnakaw pero nandito na ako sa ganitong trabaho. Hindi ko na alam paano pa ako makakaalis at makakapagbago,” napaluhang saad niya sa matanda habang pinipigilan ang pag-agos ng dugo sa tama ng baril.

Dumating naman kaagad ang ambulansya at sinamahan na niya ang matanda sa ospital hanggang sa ito ay nagkamalay.

Hindi niya alam na nakatulog na pala siya sa pagbabantay at nagising na lang sa boses ng isang babaeng kausap ng matanda. Dahan-dahan siyang naglakad paalis upang hindi mapansin dahil baka ipakulong na sya nito.

“Hindi mo kailangan umalis,” saad ng matanda na si Lolo Ben.

“Siya ba papa yung sinasabi mong nagligtas sayo?” wika ng babaeng kausap ng matanda.

“Oo anak siya nga, ikaw na ang bahala sa kaniya,” pahayag pang muli ng lolo.

“Huwag po, parang-awa niyo na,” sabi ni Dave sabay luhod.

“Hindi mo kailangang magmakaawa, alam namin ang ginawa mo at kahit na nagnakaw kayo ay hindi ka gumaya sa mga kasamahan mo at iniligtas mo pa ang tatay ko. Gusto ko sana na magpunta sa pulisya pero sabi ni papa tulungan daw kita kaya sana tanggapin mo ang tulong namin.” sagot ni Andrea, ang anak ni Lolo Ben.

Hindi nakapagsalita si Dave nang malaman na isa palang retiradong militar ang matandang kaniyang iniligtas at ngayon ay pag-aaralin pa siya upang makapagbagong buhay.

“Bakit niyo po ginagawa sa akin ito?” tanong ni Dave sa matanda.

“Kasi kung pinadala kita sa pulisya ay makakalaya ka rin naman kaagad dahil menor de edad ka lang. Tapos babalik ka na naman sa ganoong klase mundo hanggang sa magiging paulit-ulit lang ang mangyayari at hindi ka makakapagbago. Naramdaman ko ang kabutihan ng puso mo noong tinulungan mo ako kaya naman tutulungan din kita,” sagot sa kaniya ng matanda at hinawakan ang kanyang kamay.

Ngayon ay nag-aaral na si Dave at malapit na rin makapagtapos. Pinangako rin sa kanya na pag-aaralin siya hanggang kolehiyo, pinagsasabay naman niya ang pagtratrabaho sa poder ng matanda bilang pasasalamat sa kanilang tulong.

Alam niya sa sariling wala na siyang dahilan pa upang mapariwara ang kaniyang buhay at labis na nagpapasalamat sa Diyos dahil hindi pa rin siya pinabayaan Nito.

Advertisement