Biyayang Bunga ng Isang Pagkakamali
“Congratulations po Misis! Mahigit isang buwan na po kayong buntis,” nakangiting saad ng doctor kay Kath.
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Kath sa balitang kanyang narinig. Kahit na inaasahan naman na niya talaga na ito, dahil nararamdaman na niya ang mga sintomas ng pagbubuntis. Pero kahit na ganun ay umasa pa rin siyang mali ang kanyang hinala. Pero ngayon ay kompirmado na nga ang kanyang kinakatakutan. Buntis nga siya!
Lumabas ng hospital na nakatulala si Kath. Hindi niya na alam kung ano na ngayon ang mangyayari sa kanya at sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan.
Nagbunga na nga ang isang beses niyang pagkakamali. Ano na ang gagawin niya ngayon? Hindi naman niya pwedeng ipaalam sa kanyang pamilya dahil nasisigurado niyang itatakwil siya ng mga ito.
Napaka-konserbatibo kasi ng kanyang pamilya. Tsaka nasisigurado niyang palalayasin talaga siya ng mga ito sa oras na malaman nila ang katotohanan. Buti sana kung may nobyo siya, kaso wala eh! Kahit kailan ay hindi pa siya nagkaka-nobyo.
Napakasaklap nga naman ng kanyang tadhana. Isang beses niya lang nagawa, naka-bulls eye pa agad! Napahilot nalang si Kath sa kanyang sentido. Wala naman siyang magagawa kundi tanggapin ang bunga ng kanyang kapusukang nagawa.
Hindi man sigurado sa mga mangyayari sa hinaharap, isa lang ang nasisiguro niya, bubuhayin niya ang bata. Hindi niya ito idadamay sa pagkakamaling siya naman ang may gawa.
Pananagutan niya ito at magiging isang responsable siyang ina. Ibibigay niya sa anak ang pagmamahal na nararapat para dito. Lahat ay kakayanin niya kahit na mag-isa niyang palalakihin ang bata.
Lumipas ang ilang araw at wala pa ring napagsasabihan si Kath sa kanyang kalagayan. Pumapasok pa rin siya sa kanyang trabaho na para bang walang mali sa kanya. Na para bang wala siyang malaking problema na dinadala.
“Kath, pinapapunta ka ni Mr. Alfonso sa office niya,” saad ng isa sa mga kaopisina ni Kath. Si Mr. Alfred Alfonso ang anak ng may-ari ng kompanyang kanyang pinapasukan. Agad-agad namang pumunta si Kath sa opisina ng kanyang boss.
Kumatok muna siya bago pumasok sa opisina nito. “Magandang umaga po sir, pinapatawag niyo daw po ako,” magalang niyang bati sa kanyang boss.
“Umupo ka dito,” utos nito sa kanya habang nakatalikod kaya naman agad siyang lumapit at umupo sa upuang nasa harapan ng mesa nito. Biglang humarap sa kanya ang lalaki at tumambad sa harapan niya ang napakaguwapong mukha nito.
“Ano po iyon Sir? May ipag-uutos po ba kayo sa’kin?” saad ni Kath habang hindi pinapahalatang naaapektuhan siya ng taglay nitong kagwapuhan.
Seryoso ang mukha nito kaya naman bigla siyang kinabahan. May nagawa ba siyang kapalpakan? Bakit ganun nalang ito makatitig sa kanya.
“Nasaan ka noong gabi ng October 17?” seryosong tanong ng boss ni Kath sa kanya. Napakunot naman ng kanyang noo si Kath.
“Po?” Naguguluhang tanong ng dalaga sa gwapong binata. Nakatitig pa rin ito sa kanya na para bang hinihintay talaga ang sagot niya kaya naman napaisip ang dalaga kung nasaan at kung ano nga ba ang kanyang ginawa ng gabing iyon.
Nanlaki naman ang mata ni Kath ng mapagtanto niya na yun ang gabing nagpakalasing siya dahil nalaman niyang ikinasal na ang tanging lalaki na kanyang inibig. Iyon ang gabing nilunod niya ang kanyang sarili sa alak sa isang kilalang bar, na naging daan kung bakit naisuko niya ang bataan ng wala sa oras. Ang masaklap pa dito, isinuko niya ito sa taong di man lang niya kilala at matandaan!
Pagkagising kasi niya kinaumagahan noon, nagmadali siyang umalis at nagsuot ng damit upang takasan ang lalaking kanyang nakalaro ng apoy.
Alam niya din namang kasalanan niya din kung bakit umabot sa ganun, kaya kusa nalang siyang umalis at nagpanggap na para bang walang nangyari. Hanggang nga sa nalaman niyang nabuntis siya dahil sa kagagahan niya!
“Sayo ba ‘to?” may inabot na kwintas sa kanya ang boss niya. Kinuha niya naman ito at laking gulat niya ng makitang ang nawawalang kwintas nga niya! Akala niya nawala niya na ito ng tuluyan. Pamana pa naman ito sa kanya ng kanyang yumaong lola. Napakaimportante nun sa kanya.
“O-opo. Akin nga po ito. Saan at paano ninyo po ito nakuha?” kinakabahan niyang tanong. Hindi niya mabasa kung ano ang nasa isipan nito dahil napakaseryoso ng mukha ng binata.
“I want to be a part of my child’s life,” halos mabilaukan si Kath sa kanyang narinig. “Alam kong buntis ka, pinaimbestigahan kita. At ayon sa report na aking natanggap, siguradong akong ako ang ama ng dinadala mo.”
Hindi alam ni Kath kung ano ang dapat niyang maging reaksyon o maramdaman sa biglaang pag-kompronta sa kanya ng kanilang boss na siyang ama pala ng kanyang dinadala. Pinakalma muna ni Kath ang sarili bago magsalita.
“Noong iwan mo ako kinaumagahan, nag request kaagad ako sa security na tignan ang CCTV footage ng hotel na pinuntahan natin. Pero dahil nga malabo ang kuha ng camera noon at sobra ang akong kalasingan, hindi ako makasiguro kung sino ang babaeng aking nakatabi sa kama noon.
Pero nang ibigay sa akin ng isang nagtratrabaho doon ang kwintas na ito, ikaw agad ang naalala ko. Sa’yo ko ito palaging nakikita noon,” muling pahayag ng binata.
“Kung gayon, ikaw nga ang ama ng dinadala kong bata. Maitanong ko lamang po, ano ba ang plano niyo sa magiging anak ko?” binigyan niya ito ng mapanghamon na tingin. “What makes you think na ibibigay ko nalang ang anak ko sa inyo ng ganun ganun lang?” pagtataray ni Kath sa kanyang boss.
Bahagyang ngumiti ang boss niya. “And what makes you think na kukunin ko ang bata sayo?” ganting tanong ng binata kay Kath. “We’ll get married. You’ll get to keep the child too,” at saka ito tumawa.
Literal na napanganga naman si Kath sa sinabi ng binata. “Po?!” di makapaniwalang sigaw ni Kath sa boss niya.
“Yes. Ayokong maging illegitimate child ang anak natin,” paliwanag ng binata.
“Pero po…” tututol pa sana ang dalaga pero pinigilan siya ng boss niya.
“No buts. Susubukan natin. Para sa bata. Magiging pamilya tayo,” hindi maipaliwanag ni Kath ang kanyang naramdaman ng sinabi iyon ng binata habang nakatitig sa kanyang mga mata. Para bang wala siyang ibang pagpipilian kundi ang sumunod.
Lingid sa kaalaman ni Kath ay matagal na palang may pagtingin sa kanya ang boss niyang si Alfred. Masyado kasing napaka-workaholic ng dalaga kaya naman kahit matagal ng gustong makipaglapit ni Alfred ay hindi ito makatyempo. Hindi din alam ng binata kung bakit tila ba hindi siya nakikita ng dalaga, kung tutuusin, siya nga ang pantasya ng mga babae at binabae sa kanilang kompanya.
Hindi din niya sinasadya ang lahat ng nangyari sa kanilang dalawa nang gabing iyon. Nakainom din siya. Lalaki lamang siya at may presensya ng alak.
Alam niya naman na hindi sapat na rason iyon, pero pinangako niyang papanagutan niya ito ano man ang mangyari. Noong una’y kinakabahan siya sa resulta ng imbestigasyon, subalit lahat ng kaba ay nawala nang malaman niyang si Kath pala ang babaeng nakalaro niya ng apoy.
Pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon ay napagtanto ng dalaga na seryoso pala talaga ang boss niya na pakasalan siya.
Kinilala siyang mabuti ng lalaki at pormal na umakyat ng ligaw sa kanilang bahay bago tuluyang aminin ang biyayang kanilang nabuo.
Si Alfred ang nag-asikaso ng lahat para sa kanilang kasal na gaganapin sa susunod na buwan. Napag-usapan kasi nilang madaliin na ang kasal habang hindi pa lumalaki ang kanyang tiyan. Mabilis na lumipas ang mga araw at naikasal na nga sila. Habang tumatagal ay unti-unti ding napapalapit sa isa’t isa sina Kath at ang boss niyang si Alfred. Araw-araw ay sinusubukan ni Alfed na kunin ang pagmamahal ng dalaga na napagtagumpayan din naman ng lalaki.
Dumating ang araw ng panganganak ni Kath. Nagkaroon ng problema ang pagbubuntis ni Kath at sa di inaasahang pagkakataon ay naipit sa isang napakahirap na sitwasyon si Alfred. Kinakailangan niyang mamili kung sino ang bubuhayin niya. Ang asawa niyang si Kath o ang kanilang munting anghel.
“Sir, kinakailangan niyo na pong magdesisyon. Pag mas patagalin niyo pa po ay maaaring silang dalawa ang mawala sa inyo,” nagmamadaling pagpapaalala ng nars kay Alfred.
Hindi alam ni Alfred ang kanyang gagawin. Parehong mahalaga at mahal na mahal niya ang kanyang asawa at anak. Kung pwede sanang siya na lamang ang kunin. Di niya na nakontrol ang kanyang mga luha at nagpaunahan ang mga ito sa pagbagsak sa kanyang pisngi.
Hawak niya ang papel at ballpen sa kanyang mga kamay ay pinermahan niya ang mga papeles na nagpapatunay na binigay niya ang kanyang consent sa operasyon at ang pagpili niya kung sino ang bubuhayin. Pagkatapos niyang pumirma ay naluhod na lamang siya habang humahagulhol.
“Diyos ko po, kung nakikinig Ka, pakinggan mo ang dasal ko. Tulungan Mong masagip ang aking mag-ina. Pakiusap…” lumuluhang dasal ng lalaki.
Isang taon makalipas ang pangyayaring iyon ay nasa kwarto nilang mag-asawa si Alfred. Karga niya sa kanyang mga bisig ang kanilang munting anghel.
Napatingala si Alfred sa langit at napangiti. “Salamat, Panginoon,” mahinang dasal niya.
“Sweetheart! Tara na ba sa simbahan? Yung gamit ni baby wag mong kalimutan ha?” sigaw ni Kath mula sa kwarto.
“O baby Angelo, nag-iingay na naman si mommy mo. Wag natin siya kabati ha?” Pangungulit niya sa bata na sinuklian naman ng malalaking ngiti ng kanyang anak.
Tila ba isang milagro ang naganap nang gabing magdasal siya. Hanggang ngayon ay nagbabalik-tanaw pa rin siya sa nakaraan ng may mga ngiti sa labi. Buhay ang kanyang anak at asawa. Masaya pa niyang binubuo ang pamilya kasama ang babaeng tanging inibig niya, pati na ang batang hindi nila inaasahang ibibigay ng kalangitan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!