Inday TrendingInday Trending
Ang Naligaw na Hikaw

Ang Naligaw na Hikaw

“Tao po! Tao po!”

Natigil sa paglalagay ng moisturizer cream sa mukha si Bonita. Bago lumabas ng silid upang alamin kung sino ang tumatawag sa labas ng bahay, saglit niyang pinasadahan ang kanyang sarili. Ang ganda mo, puri niya sa sarili. Kunwa’y kinuha niya ang roba at saka bumaba.

Isang kartero ang bumungad sa kanya. “Magandang araw ho. Kayo ho ba si Bonita Madlang-Bayan?”

“Yes ako nga,” matamlay na tugon ni Bonita. Hindi kasi gwapo ang kartero.

Isang imbitasyon ang dala ng kartero. High school reunion. Mula sa pangulo ng alumni ang paanyaya sa lahat ng kanilang batchmate. Inanyayahan si Bonita, bilang pinakasikat na mag-aaral noon dahil sa taglay na kagandahan.

Habang sinisipat ng babae ang laman ng imbitasyon, nanariwa sa kanya ang kanyang gunita. Siya ang laging pambato ng kanilang paaralan pagdating sa pagandahan. “Miss Intramurals”, “Prom Queen”, at “Miss Sapang Alat High School” ang mga titulong nakamit niya.

Hindi na mabilang ang mga binatang nagtangkang maningalang-pugad sa kanya, subalit sadyang pihikan si Bonita. Mas tinitingnan niya kung “makapal ang pitaka” ng kanyang manliligaw.

Sa gulang na 42 ay mababakas pa rin ang kagandahan ni Bonita. Ang napakapalad na lalaking nakabingwit sa kanyang pihikang puso ay ang manunulat na si Gani. Exception to the rule, ika nga. Nabihag ang kanyang damdamin sa mga titig nitong nakapang-aakit. Nakabubulag, sa puntong hindi niya nakitang mahirap lamang ito, at halos hindi maibigay ang mga luho niya sa katawan.

Wala siyang magagawa kundi harapin ang katotohanan. Isang mahirap na lalaki ang kanyang pinakasalan. Ipinagpapasalamat na lamang niya sa Diyos na hindi pa sila biniyayaan ng anak. Hindi dahil sa ayaw niyang magkaanak, ngunit mas iniisip pa niya na mapanatili ang kanyang alindog sa kabila ng edad, pagkakaroon ng stretch marks lang daw kasi ang dulot panganganak. Gusto niya, makatulad niya sina Dawn Zulueta, Alice Dixson, at Ina Raymundo.

Pagdating ng kanyang asawang si Gani mula sa trabaho, agad niyang sinabi rito ang high school reunion.

“Pumunta ka mahal. Para naman malibang ka,” untag ng lalaki.

Lumabi si Bonita. “Ayoko. Wala naman akong susuoting damit. Wala akong bag na maganda. Gusto ko, bongga ako kapag pumunta ako roon.”

Nag-isip ang lalaki. Gusto niyang maging masaya ang asawa. Alam niyang gusto nitong magtungo sa reunion.

“Ako ng bahala sa susuotin mo.”

At tinupad nga ni Gani ang pangako sa asawa. Kinabukasan, binigyan siya nito ng pera para makapamili ng mga kakailanganin niya sa reunion. Tinanong niya ang asawa kung saan nito nakuha ang pera. “Ipon daw,” tugon nito. Agad naman siyang nagtungo sa mall at namili ng bestida, sapatos, at bag.

Halos mapalatak si Bonita nang makita ang repleksyon sa salamin nang sukatin niya ang damit at sapatos. Napakaganda niya! Karapat-dapat siya sa ganitong hitsura. Kung hindi rin lamang kasi inuna niya ang puso kaysa sa isip, sana’y mayaman na siya ngayon. Laman ng mga sosyal na party at kasiyahan. Tunay na nakabubulag ang pag-ibig!

Maging ang asawang lalaki ay napahiyaw nang makita ang kanyang hitsura. Niyakap siya nito at hinalikan sa pisngi. Subalit napakunot ang noo nito.

“Bakit?” tanong ng babae.

“Parang may kulang. Wala kang alahas!” sagot naman ni Gani.

Nawala ang ngiti ni Bonita. Hindi kompleto ang pagiging sosyal kung walang alahas! Bigla namang nakaramdam ng lungkot ang babae.

“Huwag kang malungkot mahal. May paraan pa. Humiram ka kaya kay Ninang Sitas?” payo ni Gani. Si Sitas ay ang kanilang ninag sa kasal.

Mistulang alahas na kumislap ang mapupungay na mga mata ni Bonita. “Oo nga no!”

Bago tumuloy sa reunion ay dumaan muna si Bonita sa bahay ng kanilang ninang. Pinahiram siya nito ng isang mamahaling hikaw na may diyamante na bumagay naman sa kanya.

Hindi naman nagkamali ang babae dahil siya ang tampulan ng paghanga ng kanyang mga batchmates sa reunion. Ang mga manlliligaw niya, na may mga asawa na rin, ay nagsilapitan sa kanya at pinuri ang kanyang kagandahan. Ang mga babae naman na naiinggit sa kanya ay panay ang irap.

Parang nakalutang pa rin sa alapaap ang pakiramdam ni Bonita matapos ang reunion. Nasabik siyang muli na maging sentro ng atraksyon. Muli, nakaramdam ng panghihinayang ang ginang.

Pagkauwi sa bahay, agad siyang nagbihis. Nagitla siya nang mapansing nawawala ang hikaw na hiniram niya sa kanyang ninang. Hinalughog nila ang buong kabahayan. Wala. Muli silang nagtungo sa mga lansangang dinaanan. Wala. Bumalik sila sa venue ng reunion, baka sakaling may nakakita, pero wala talaga ito.

Nasindak ang mag-asawa. Saang kamay ng Diyos naman sila kukuha ng pambayad sa isang mamahaling hikaw? Nagtungo sila sa isang mall na nagtitinda ng mga alahas upang tanungin kung magkano ang halaga ng hikaw na iyon. Pakiramdam nila ay pinagbagsakan sila ng langit at lupa nang malaman nila na ang naturang hikaw ay nagkakahalagang isang daang libong piso.

Gumawa ng paraan ang mag-asawa. Nangutang sila sa iba’t ibang mga bangko, nangutang sa bumbay, sa mga nagpapa-cash loan, at lahat ng maaaring mahiraman upang mabili lamang ang naturang hikaw at maibalik ito. Sa kabila ng pangungulit ng kanilang ninang na ibalik na ang hikaw, sinabi nilang saka na muna dahil marami pang dadaluhang party si Bonita.

Hanggang sa makakalap sila ng isang daang libong piso na pambili sa naturang hikaw. Matapos mabili ang mamahaling hikaw, tumakbo sila sa bahay ng kanilang ninang at ibinigay ang hikaw.

Nagulat sila sa sinabi nito.

“Mabuti na lamang at bumagay sa iyo ang hikaw na ito. Hindi halatang peke haha,” sabi ni Ninang Sitas.

Napamaang ang mag-asawa. “Ano pong ibig n’yong sabihin?”

“Pwet ng baso lamang ang hikaw na ito. Nabili ko lang sa Divisoria. 100 pesos lang. Ang ganda diba?”

Nang marinig ito ni Bonita, siya ay nawalan ng ulirat. Saka niya napagtantong nabaon sila sa utang dahil sa kanyang mga kapritso.

Umabot ng halos pitong taong bago nabayaran ng mag-asawa ang lahat ng kanilang pagkakautang, pati na ang mga tubo at interes dahil sa hindi pagbabayad sa oras.

Natuto sa kanyang pagkakamali si Bonita. Naisip niyang walang idudulot na maganda ang pagiging mapagpanggap, maluho, at makasarili.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement