Bawat Piraso ng Pagkain ay Mahalaga
“Pare, nakalagay sa supot yung mga tira-tirang pagkain. Itapon mo na lang sa basurahan,” bulong ng katrabaho ni Juan sa kaniya.
“Sige p’re. Ako na lang ang matatapon,” sagot naman nito.
“Sir Allan, ako na lang ho ulit ang magtatapon ng mga pagkaing basura. Okay lang po?” tanong ni Juan sa bisor nito.
“Medyo napapadalas na yan ha? Para ba sa aso mo? Sige kuha ka lang, itatapon lang din naman ‘yan,” sagot ng bisor nito.
Ilang gabi na kasing nanghihingi si Juan ng mga basurang pagkain na naipon mula sa mga tira-tira ng mga bumibili sa kanila. Mga hindi naubos na kanin at spaghetti, may kaunti pang laman ng manok at burger na wala nang palaman.
Halos dalawang plastic na malaki rin ang nahingi ni Juan na tirang pagkain sa araw na ‘yon. Masaya at nakangiting uuwi si Juan sa kanila.
“Anong ginagawa mo sa mga tira-tirang pagkain na ‘yan? Dami niyan eh,” pagtatakang tanong nga kanyang babaeng katrabaho.
“Basta kapaki-pakinabang ang mga tira-tirang ito,” sagot ni Juan.
Nang makapaglinis na at sarado na ang shop ay nagsi-uwian na ang lahat. Si Juan ay bitbit pa rin ang nga basurang pagkain pauwi.
Ilang araw pa ang lumipas at napapadalas na ang pag-uuwi ng tirang pagkain ni Juan. Isang beses ay sinundan siya ng kaniyang dalawang ka-trabaho.
“Ang layo pala ng inuuwian ni Juan,” sabi ng babaeng katrabaho ni Juan na si Mae.
Sa may iskwater area nakatira si Juan. Kahit madilim ay madaming mga bata ang nasa labas na naglalaro at dikit-dikit ang bahay, kaya naman hindi natakot at nag-alinlangan ang mga katrabaho ng binata na sundan pa rin siya. Maya-maya ay nakita nilang may mga sumalubong kay Juan na bata at binati ito. Pumasok ito sa isang maliit na bahay.
“Nandiyan na si Kuya Juan! Makakakain na tayo! Yehey!” sabi ng bata sa kalaro nito at inabangan si Juan sa labas ng bahay.
Narinig at nagtaka ang mga ka-trabaho ni Mark sa narinig. Tila ba inaabangan ng mga bata ang pagdating ni Juan na may bitbit na tirang pagkain. Pagkalabas ni Mark sa maliit nilang barong-barong na bahay ay pumasok na ito sa isang iskinita at sinundan siya ng mga bata.
Agad din naman sumunod ang dalawa nitong katrabaho at laking gulat nila ng makarating sila sa dulo ng iskinita, ilog na pala ito na may maraming nakatayong kahoy-kahoy na bahay. At dito ay mas nagulat sila sa kanilang nasaksihan.
Nakita nila si Juan na pinapaghati hati ang tirang pagkain at nilalagay sa mga kawali, kaserola at pinggan ng hawak ng mga taong nakatira doon.
“Ayan, medyo madami-dami ang paghahatian nating pagkain ngayon,” sabi nito habang patuloy na pinapaghati-hati ang mga pagkain.
“Salamat Juan ha! Kanina ka pa inaabangan ng mga bata. Hindi pa sila nakakain simula kaninang umaga,” sagot ng isang ale bitbit ang kaserola na nilagyan ni Juan ng kanin at manok.
“Kuya Juan! Salamat sa fried chicken ha? May baon na ako sa iskul bukas,” nakangiting sabi ng batang lalaki habang hawak ang wala nang balat na pritong manok.
“Pasensiya ka na Juan ha? Sa sobrang hirap ng buhay ay karamihan sa amin ay umaasa na lang sa nadadala mong pagkain,” sabi ng isang matandang lalaki na tumutulong sa kanyang maghati ng mga pagkain.
Nagulat si Mae at Jopet ng masaksihan ang nangyari. Hindi nila lubos maisip na ang tira-tirang pagkain na halos ay araw-araw ay tinatapon lang nila ay biyaya pa rin pala para sa ibang tao. Napamangha ang dalawa sa kabutihan ni Juan, dahil araw-araw ay nagtiya-tiyaga itong bitbitin ang mga supot ng tirang pagkain para lang maibigay sa mga higit an nangangailangan sa kanilang lugar.
Hinintay nilang matapos ang pagbibigay ni Juan ng pagkain. Kitang-kita nila ang mga ngiti ng mga tao dahil sa natanggap na pagkain. Hindi nila iniinda kung tira-tira lamang ito dahil para sa kanila ay biyaya ito.
Maya-maya ay bigla silang nakita ni Juan.
“Hoy, bakit kayo nandito?” tanong nito sa dalawa.
“Ay eh…” uutal-utal na sagot ni Mae.
“Nagtataka kasi kami kasi ilang araw ka nang nag-uuwi ng tirang pagkain, kaya naisipan ka naming sundan,” sagot ni Jopet.
“Nagulat nga kami na sila pala ang inuuwian mo ng mga tirang pagkain,” dagdag naman ni Mae.
“Oo. Isang kahit isang tuka lang halos ang mga taong nakatira sa’min. Nais ko man silang tulungan ay kapos din kami sa buhay,” kwento niya habang palabas ng eskinita.
Nagtungo sila sa bahay ni Juan, at doon nila nakita ang pamilya nito. Masayang nagsasalo-salo ang mga kapatid nito at magulang sa ulam na tuyo at sardinas. Simple man ang buhay ay nagagawa nilang ngumiti ng malalim at masaya.
Habang nasaksaksihan nila Mae at Jopet ang pamilya at lugar na kinalakhan nito ay mas lalong namangha ang dalawa sa ka-trabaho. Habang hinahatid ni Juan ang mga ka-trabaho sa sakaya at nagkwentuhan pa ang mga ito.
Kinabukasan, nagpaalam na naman si Juan sa kanilang bisor na siya ulit ang magtatapon ng tirang pagkain.
“Oo, pinaaayos ko na rin kay Jopet yung tirang pagkain,” sagot ni bisor nito.
Takang-taka naman si Juan sa naging sagot nito at maya-maya nga ay nakita niya na nakahiwalay na ang tira-tira patapon na kanin, manok at iba pang tirang pagkain.
“Naikwento sa’kin ni Mae kung saan mo dinadala ang mga basurang pagkain. At kahit na patapon na to ay iniuuwi mo pa ito sa inyo para maibahagi sa mga nangangailangan,” sabi ng kanyang bisor.
“Kaya sabi ko sa kanila ay paghiwahiwalayin na, para mas madali itong maibahagi sa kanila,” dagdag pa ng bisor nito.
“Salamat po, sir. Pasensiya na po kayo sir sa abalang ito. Pero napakalaking tulong nito sa kanila. Kahit patapon na po ito, ay may halaga pa po ito sa mga tao katulad nila,” sagot naman ni Juan.
“Hindi ito abala. Masarap sa puso na kahit sa maliit na paraan na ito ay makakatulong pa rin sa iba. Sa susunod, planuhin natin na mag outreach at feeding program sa lugar niyo para mas matulungan natin sila,” sagot ng bisor.
Muli ay umuwi na naman si Juan na may uwi-uwing munting biyaya sa kayang mga kapitbahay.
Nang magkaroon ng pagkakataon ay nagkapagdaos din ng outreach at feeding program ang mga kasamahan ni Juan sa trabaho, at plano nila na doon din magdiwang ng Christmas Party sa darating na pasko, para maibihagi ang saya at makatulong sila sa mga tao.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!