“Nakikiramay ang aming pamilya, Miko at Lani…” sambit ng isang matandang babae at saka marahang tinapik ang balikat ng lalaki.
“Condolences, ‘insan. Magkasama na sila ni mama…” ani Lorenz na anak ng kapatid ni Olivia na siya na ring ulila sa ina.
Ikatlong araw na ng burol ng kanilang inang si Olivia at ang magkapatid na Miko at Lani na lamang ang naiwang magkasama sa buhay. Lumaking walang kinagisnang ama ang magkapatid, at kahit kailan sa loob ng ilang dekada, ni pangalan ng kanilang ama ay hindi binanggit ng kanilang ina.
Makalipas ang limang araw ay inihatid na sa kaniyang huling hantungan si Olivia – minabuti na ng magkapatid na imisin at itago o itapon ang mga kagamitan ng kanilang ina. Sa paghahalungkat ni Lani sa loob ng damitan ni Olivia ay nakita nito ang isang itim na notebook – binuklat niya ito at saka nadiskubre na diary ito ng kaniyang ina. Napasinghap ng hangin si Lani at saka nagdalawang isip kung babasahin niya ba ito o pananatilihin itong pribadong pag-aari ng kaniyang ina.
Isinantabi muna niya ito at saka na nagpatuloy sa pag-iimis ng mga gamit. Si Miko naman ang siyang nagbaba ng mga kahong naglalaman ng mga gamit ng kanilang ina – plano nilang magkapatid na sunugin ang mga ito bilang parte ng tradisyon ng kanilang pamilya.
Pagdating ng tanghali ay siya nang sabay na kumain ang dalawa – habang tahimik ang paligid ay sinabi ni Lani sa kaniyang kuya ang tungkol sa nadiskubre niyang diary.
“Miko, hindi ko alam kung kailangan ba nating basahin ito,” tumigil sa pagkain si Lani at inilabas ang itim na notebook mula sa kaniyang bulsa – ipinakita niya ito kay Miko at saka ito kinuha nang lalaki. Binuklat paunti-unti ni Miko ang pahina ng kwaderno at saka binasa ang huling pahina nito.
“Agosto 24, 1998…” panimula ni Miko. Saktong apat na araw bago sumakabilang buhay si mama pakiwari nito at saka ipinagpatuloy ang pagbabasa.
“Naririto ako ngayon sa ospital, batid kong hindi na magtatagal ang aking buhay ngunit hanggang sa aking huling hininga ay hindi ko pa rin nais ipakilala si Rogelio sa kaniyang anak. Alam kong isang malaking kasalanan sa Diyos na hindi ko man lang naipakita ang kaniyang litrato, o nasabi man lang ang kaniyang pangalan sa batang kaniyang iniwan sa akin. Itinuring kong tunay kong anak si Miko, kahit siya’y bunga ng pagtataksil ng aking asawa. Kahit kailan ay hindi ko ipinaramdam sa kaniya na ang dugong nananalaytay sa kaniyang mga ugat ay hindi mula sa akin…” napahinto sa pagbabasa si Miko. Hindi niya alam kung paano niya tatanggapin ang mga rebelasyong nakasulat sa diary ni Olivia na tinuring niyang tunay na ina. Inilapag nito sa lamesa ang diary at saka mariing humawak sa kaniyang dibdib. Ilang dekada siyang nangulila sa kaniyang ama pagkatapos ay malalaman niyang bunga siya ng isang kasalanan. Tumayo si Lani mula sa kinauupuan at saka niyakap ang kaniyang nakababatang kapatid. Malalim na pagbuntong hininga ang isinuki nito sa kaniyang ate.
“Hindi ako makapaniwala, ate. Sa tagal ng panahong nabuhay ako sa mundo, minahal ako ni mama na para bang tunay niya akong anak. Kahit minsan ay hindi ako nagkaroon ng pagdududa na hindi ako galing sa kaniya, pero bunga pala ako ng kataksilan ng tatay nating magaling,” mahinahon ngunit may diin ang pagkakasabi ni Miko. Nanatiling tahimik si Olivia at saka umupo sa tabi ng kapatid. Kinuha nito ang diary at saka ipinagpatuloy ang binabasa ng lalaki.
“Mahal ko ang batang iyon, at lumaki siyang mabait at masunurin. Ang tangi ko lamang hiling, sana sa aking paglisan ay patuloy niyang tuparin ang kaniyang pangarap na maging isang piloto, at maging isang katotohanan ang kagustuhan niyang makarating sa iba’t-ibang panig ng mundo…” nakangiting pagbasa ni Lani. Marahan nitong tinapik ang balikat ng kapatid at saka ipinagpatuloy ang pagbabasa.
“Ang tanging nakintal sa aking isipan kung kaya nagtaksil ang aking asawa ay ang presensya ni Lani…” napalunok ang babae bago nito ipinagpatuloy ang pagbabasa. “Si Lani na anak ko sa aking pagkadalaga. Napakabait at napakagandang bata niya, kung kaya’t akala ko ay tanggap siya ni Rogelio tulad ng pagtanggap niya sa akin. Ngunit isang araw ay pinagtalunan namin ni Rogelio ang aking naging karamdaman. Nalaman naming pagkatapos kong manganak kay Lani ay hindi na ako maaaring magkaanak pang muli. Iyon siguro ang naging dahilan ng paghahanap niya ng ibang babaeng makapagbibigay sa kaniya ng sariling anak. Hindi ko kahit kailan pinagsisihan na inilayo ko ang dalawang bata kay Rogelio. Batid kong kung magsasama kami ay hindi lamang kami magkakasundo, at siyang magiging miserable ang buhay ng mga bata. Masaya akong bago man lamang ako kuhanin ng Panginoon ay nakita kong nakatapos si Lani, na siyang mahal na mahal ang kaniyang bunsong kapatid. Hanggang dito na lamang. Olivia,” maluha-luhang isinara ni Lani ang kwaderno at saka muling niyakap ang noo’y umiiyak niyang kapatid.
“Naintindihan ko na kung bakit hindi ginusto ni mama na makilala natin ang tatay natin, Miko. Tama siya na kung hindi niya tayo pinalaki nang nag-iisa ay hindi ganito ang naging buhay natin. Sobrang swerte natin kay mama, at kung hindi dahil sa katapangan niya, wala tayo rito ngayon. Malamang ay lumaki tayong kinamumuhian ang isa’t isa kung nagkataong sinabi niya sa atin ang katotohanan,” pagpapaliwanag ni Lani habang pinapatahan ang kapatid. Tumango-tango lamang ito at saka ngumiti.
Nagdaan ang mga araw at paunti-unti ay binabasa ni Lani at Miko ang bawat pahina ng diary ni Olivia – may mga panahong sila’y natatawa, mayroon din namang panahong sila’y naiiyak sa kanilang mga nababasa. Dito sa diary nila lubos nakilala ang kanilang ina, at habang papalapit sa pagtatapos ng bawat entry ay siya nilang nararamdaman ang bawat sakripisyo nito. Kahit wala na si Olivia sa kanilang tabi ay patuloy na nararamdaman nina Lani at Miko ang pagmamahal nito, na siyang habambuhay na nakatatak sa kanilang puso at isipan sa pamamagitan ng kaniyang naiwang diary.