Nasaktan ang Dalaga Dahil may Liligawan Nang Iba ang Bestfriend Niya, Nagulat Siya Nang Makilala ang Ma-Swerteng Babae
Simula pagkabata pa lamang ay tanggap na ni Francine na hindi siya maganda, minsan nga naiisip niya ay baka hindi siya mahal ng Diyos. Pwede naman kasing gawing normal na tao lang siya, iyon bang ordinaryo at hindi pansinin, pero hindi eh. Ubod ng haba ng baba niya, tipong noong nagpaulan ng baba ang Diyos, nasa labas siya, open arms pang sinalo ang lahat ng iyon.
Sabi naman ng tatay niya, ang ganda ganda niya raw. Noong maliit pa siya ay naniwala siya pero nang magsimula na siyang mag aral ay doon siya nasampal ng masakit na katotohanan sa lipunan, pag di ka maganda, kawawa ka.
“Psst, Chin-Chin Gutierrez, pasok na tayo,” sabi ng bestfriend niyang si Harvey. Natatawa pa ito habang nakatingin sa kanya. Inirapan niya naman ito at inambaan ng suntok.
“Aba talagang binigyan mo ng nickname ang anak ko ha, Chin-chin short for Francine ba iyan?” tanong ng tatay ni Francine, nakangiti pa ito habang nagla-lagari.
“Hindi po tito. Chin chin kasi mahaba ang chin chin niya,” sabi ng binata sabay takbo. Hinabol naman ito ni Francine pero sadyang malalaki ang hakbang ng lalaki kaya di niya ito inabutan. Ganoon sila araw araw, palaging nag aasaran.
Pero infairness rin naman kay Harvey, ito ang kasama niya hindi lang sa masasaya kung hindi maging sa malungkot na bahagi ng buhay niya. Hindi siya iniwan nito noong pumanaw ang nanay niya, noong hindi siya nakuha sa school play dahil hindi raw siya maganda, at sa marami pang eksena na kailangan niya ng balikat na masasandalan.
Ito at ang ama niya ang pinakamahalagang lalaki sa buhay niya. Oo.. mahal niya si Harvey. Kahit pa imposibleng masuklian nito ang pagtingin niya.
“Tingin-tingin naduduling,” sabi ng lalaki dahil nakatulala na pala siya rito.
“Male-late na tayo! May klase ako ng 7am g*go ka!” sabi niya na lang, itinago ang pagkailang. Gwapo kasi ang bestfriend niya, marami ngang naghahabol rito.
Marami rin ang nagtataka kung bakit kinakaibigan siya nito, eh para siyang naglalakad na payaso dahil bawat makasalubong niya ay natatawa sa hugis mangga niyang mukha.
Nasa huling taon na sila ng kolehiyo, at bago sila gumraduate ay may isang party na inihanda ang eskwelahan sa mga magtatapos. Parang JS Prom rin, pero sa kolehiyo.
Magkasama silang naglalakad ni Harvey papasok sa unibersidad nang biglang tila nabalisa ang lalaki. Para bang may gusto itong sabihin pero hindi mailabas.
“Ano ba, natatae kaba?” tanong niya rito.
“Ano kasi, wag ka ngang magulo diyan uututan kita sa mukha.” sabi nito, bumuntong hininga pa.
“Eh ano nga? Dalian mo na, mangungutang ka no?” pangungulit ni Francine.
“Ano, malapit na ang party, wala ka pang escort diba kasi wala namang nag-iinvite sayo, ang sinasabi ko lang, baka.. baka maging kawawa ka sige, baka mamaya hindi ka makapunta pag mag-isa ka lang. O baka alam mo yun maisipan mo pang hindi umattend dahil sa sobrang lungkot dahil wala kang kasama. Malungkot kaya yu-“
“HOY!” sigaw ni Francine, nagkakabuhul-buhol kasi ang sinasabi ng lalaki at hindi niya maintindihan.
“Ano ba’ng pinagsasabi mo? Para kang nabubulunan!” asar na tanong ni Francine.
“Ako ang kunin mong escort sa party.” sabi ng binata sabay talikod at mabilis na naglakad palayo.
Iyon lang pala ay bakit naiilang pa ito, parang timang.
Mabilis lumipas ang mga araw at sumapit na ang gabi ng party nila. Bumili ang tatay ni Francine ng napakagandang bestida para sa dalaga. Ang tanging problema lang ay wala sa kanilang dalawang mag ama ang marunong magmake-up.
Mabuti na lang, may ka-batch ang tatay niya, isang matandang bakla na dating nagtatrabaho sa beauty parlor.
“Ay ayan! Pak na pak! Kanina parang manggang kalabaw, manggang hinog ka na ngayon!” sabi ng bakla. Inayos pa nito ang pagkaka-spraynet ng buhok niya.
Dahan dahan siyang tumayo at tumingin sa repleksyon niya sa salamin.
Susmaryosep! Para siyang halimaw na nakawala sa pinagtataguang banga!
“Hala! Anak ni Janice!” sabi niya pa, gustuhin man niyang burahin pa ang make up ay huli na, dumating na si Harvey. Gwapong gwapo sa suot nitong tuxedo.
“Halika na,” simpleng sabi nito. Saglit lang siya nitong sinulyapan, tila ba okupado ang isip nito ng ibang bagay.
Nang makarating sila sa party ay kung anu anong narinig na bulungan ni Francine, sandok, patalim, panahon ng mangga, may jackhammer pa nga. Dedma naman doon si Harvey at tahimik pa rin. Makalipas ang ilang sandali, tumugtog ang isang romantikong kanta at ilang magkapareha ang nagsimulang sumayaw.
“Francine, pwede ka bang isayaw?” seryosong tanong ni Harvey. Ano naman kaya ang nakain ng ugok na ito at pa-mysterious type ito ngayong gabi? Buti na lang, nagawang itago ni Francine ang kilig niya.
“Huy, ano’ng drama yan? Bakit ang tahimik mo?” tanong niya rito habang sumasayaw sila.
“K-kinakabahan lang ako, magtatapat kasi ako ng pag ibig sa .. babaeng minamahal ko ngayong gabi eh.” sabi nito.
Bigla namang kinabahan si Francine.
“May..may nililigawan ka na pala?” sabi niya, pilit itinatago ang sakit na gumuhit sa dibdib niya.
“Hindi pa, hindi niya pa nga alam na mahal ko siya eh.” sabi nito, biglang nagbago ang ekspresyon at ngumiti.
“Edi, go na. Ipagtapat mo na.” hindi niya alam kung bakit niya nasabi iyon. Masokista yata siya, bilang bestfriend naman ay tungkulin niyang palakasin ang loob nito diba? Kahit kapalit pa noon ay ang pagkawasak ng puso niya…diba? Pangungumbinsi niya sa sarili.
“Sige,” sabi nito at tinalikuran na siya. Naiwan siyang mag isa sa dance floor.
G*gong yon, at hindi man lang muna ako inalalayang makapaglakad sa gilid. Ang panget ko na nga, mukha pa akong tanga.
Pinipigil niya ang luha, tatalikod na sana siya nang biglang tumigil ang tugtog kaya naglingunan lahat ng sumasayaw sa gitna kung nasaan ang speaker.
“Ehem..ehem, mic test. Okay na ba kuya? Rinig ba ako?”
Teka, si Harvey iyon! At ang ugok, nag aayos ayos pa ng buhok.
“So eto na nga..maaaring naiinis ka sa akin. At naiinis din naman ako sayo palagi. Pero mahal kita, at hindi ko ma-imagine kung gaano kalungkot ang buhay ko kung wala ka..” sabi nito.
Kinilig naman ang mga babaeng naroon, bawat isa ay umaasang sila ang tinutukoy ng lalaki.
“Iniisip mo rin siguro na hindi ka maganda. Well physically oo, minsan nga hindi ka pa nang aasar, nakakaasar na ang mukha mo. Pero ang mas gusto kong maasar sa mukhang yan basta kasama kita araw araw kaysa mamasdan ang magagandang mukha ng ibang babae.” patuloy na sabi nito, bumababa na ito sa stage.
Unti unting naglakad ang lalaki..palapit sa kanya. Napahawak sa dibdib niya si Francine, Diyos ko..nananginip ba siya?
“Mahal kita, Chin-chin.” sabi nito nang tumapat na sa kanya. Di makapaniwala ang dalaga, kumukurap kurap pa.
Ilang bulungan ang umugong sa paligid nang mabunyag na siya pala ang iniibig ng lalaki pero bingi na ang dalaga doon.
“Pero..pero mahaba ang baba ko!” di maiwasang itanong niya, di kasi siya makapaniwala.
“Mas mahaba ang pag ibig ko.” nakangiting sabi ng lalaki.
At pinatunayan naman nito iyon, kahit pa nararamdaman nitong may gusto rin siya dito ay matyaga itong naghintay. Makalipas ang isang buwan ay sinagot niya rin naman. Sabay silang nangarap ni Harvey at unti unti nila iyong tinupad. Nang maka-graduate ay natanggap si Francine sa isang magandang kumpanya at ganoon rin naman si Harvey.
Hindi na nagkakarpintero ang tatay ng dalaga dahil napatayuan niya na ito ng isang mini grocery, ngayon ay abala na ang dalawa sa pag aasikaso sa kanilang kasal. Dahil ipinaparamdam ni Harvey kay Francine na maganda siya ay maganda na rin ang tingin niya sa sarili niya.
Ang pag iibigan nila ay isang magandang halimbawa na ang pag ibig ay hindi tumitingin sa panlabas na anyo. At hindi kailangang maging mala-artista sa ganda ang isang tao para makahanap ng tunay na magmamahal, minsan nariyan lang siya sa paligid, hindi pa lang ipinapakilala ng Diyos sa atin.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.