Kabit na nga, Pintasera pa; Humiram tuloy Siya ng Mukha sa Aso Nang Sugurin Siya ng Legal na Misis
Magda-dalawang taon nang nagtatrabaho si Monique sa isang opisina sa Pasay, pero wala pa ring masyadong kasundo ang dalaga. Dalawang kaibigan lang ang mayroon siya, pareho pang plastik ang mga iyon. Sa kabila kasi ng ganda ng kanyang mukha, maputi at makinis na kutis ay nagtatago ang napakasamang ugali.
Mahilig siyang pumuna ng ibang tao, hindi niya alintana kung napapahiya na ang kausap basta masabi niya lang ang sa tingin niya ay dapat na marinig nito, kadalasan, puro pintas iyon.
“Basta ako friend, puro branded ang make up ko. As in, di ako nagamit ng mga nabibili lang sa drug store o kung saan saan, mamaya mangati ako no!” sabi ni Monique, sinundan pa iyon ng malakas na tawa. Rinig na rinig sa buong opisina nila ang usapan nilang iyon, di niya inisip na baka makasakit siya ng ilang officemates na bumibili ng make up sa mga drug store.
“Sis, pareho lang naman ‘yun. At hindi ka mangangati kasi syempre approved naman yan ng BFAD!” sabi ng bakla niyang kausap.
“Gaga! BFAD ba ang nag aapprove nun? Ah basta ayoko, ang isang lipstick ko nga nagkakahalaga ng 2,300 no,” nakangisi at taas ang kilay na nagmamalaking sabi niya.
Napangiti na lang din naman ang mga kausap. Totoo naman iyon, sa kabila ng sinasahod niyang 20,000 buwan-buwan ay nagagawa niya pang bumili ng set ng mamahaling make up kada buwan. Bakit kamo? Gano’n talaga.
Gano’n talaga dahil kabit siya ng operations manager sa kanilang kumpanya.
Kaya rin malakas ang loob ni Monique dahil alam niyang walang magtatangkang bumangga sa kanya. Hello, sa ganda niyang ito kahit operations manager nila nauulol maibigay lang ang lahat ng gusto niya. At pag sinabi niyang lahat, ibig sabihin non, LAHAT. Mamahaling make up, pinakabagong modelo ng cellphone, bag, sapatos, inuungutan niya na nga rin itong ibili siya ng sasakyan.
“Tignan mo to si Emma, ang cheap cheap ng sapatos. Sa’n kaya binili yan bakla, sa Baclaran?” natatawang sabi ni Monique sa kausap.
“Grabe ka sis, baka marinig tayo,” sabi ng kausap niya.
“Pake ko dyan! Gusto mo sabihin ko pa sa harap niya eh? Kasi naman look at her. Same age kami diba? Bakit parang anim na anak niya?” sabi niya, humahagikgik pa.
Lingid sa kanyang kaalaman ay naririnig iyon ni Emma, sadyang mabait lang ang dalaga kaya hindi siya pinapatulan. Dahil doon kaya si Emma rin ang paboritong punahin ni Monique sa opisina, tingin niya kasi ay tatanga tanga ang babae at walang palag.
Isang hapon, kakabalik lang ni Monique mula sa isang sosyal na coffee shop, bumili siya ng paborito niyang frapuccino at inilapag iyon sa kanyang mesa. Nagsuot siya ng earphones at nagpatugtog ng malakas kaya di niya napansin ang komosyon malapit sa kanya.
“Honey, you don’t have to do this. Let’s talk at home, iuuwi na kita.” namumula na si Ken, ang operations manager ng kumpanya na kinakalantari ni Monique.
“Ano’ng I don’t have to do this? Ni hindi mo binayaran ang tuition ng anak natin tapos ang babae mo ibibili mo ng kotse? Mga g*go kayo!” bulyaw ng galit na galit na babae, misis ni Ken.
Marahil na rin sa galit ay dumoble ang lakas nito at nagawang kumawala sa pagkakahawak ni Ken at ng mga security guards na nagtangkang harangan ito. Dire-diretso ito sa kinauupuan ni Monique, at huli na ng makita ito ng babae, nahablot na nito ang buhok niya.
“Hay*p ka, ito ang bagay sa inyo, eskandalo!” sabi ng galit na galit na misis at nginudngod ang mukha niya sa keyboard ng kanyang computer.
“H-help!” sabi niya sa dalawang ka-opisina na lagi niyang ka-kwentuhan pero hindi kumikilos ang mga ito, noong una ay natulala tapos at vinideohan na lang siya.
“Ayan! Ang yabang yabang kasi, akala mo maraming pera, kay Sir lang pala hinuhuthot,” bulungan ng ilang mga empleyado, rinig na rinig lahat iyon ni Monique. Sinubukan niyang lumaban pero mas malakas ang misis ni Ken, tiyak niyang wasak na rin ang itaas na bahagi ng damit niya dahil pinaghihila iyon ng babae.
Ang ginawa niya ay umupo na lang sa sahig at sinasangga na lamang ang mga kalmot nito sa mukha niya. Maya-maya pa ay naawat na ng mga security guard ang babae, inilabas ito ni Ken at inilayo sa lugar na iyon.
Naiwan siyang nakalupasay sa sahig, hiyang hiya at parang basang sisiw. Napapaligiran siya ng mga taong nagbubulungan ng kung anu-ano tungkol sa kanya, walang may gustong tumulong.
Nagulat pa si Monique nang isang sweater ang lumapag sa kanyang mga balikat. Tapos noon ay may dalawang kamay na umalalay sa kanya upang tumayo, paglingon niya ay hindi niya inaasahan kung sino ang taong iyon..
Si Emma.
Dinala siya nito sa CR at ini-lock muna ang pinto noon. Pinabayaan siya ng babae na umiyak nang umiyak hanggang maubos ang luha niya. Paglingon niya rito ay di niya akalaing ni walang bahid ng panghuhusga ang mga tingin nito, ang naroon ay awa.
Niyakap niya si Emma at nagpasalamat, humingi rin siya ng tawad sa mga nagawa niya rito dati.
Ang lakas ng loob niyang tumingin sa muta ng iba, mas malaki pala ang muta sa mata niya.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.