Nagsikap sa Buhay ang Lalaking Ito Upang Suportahan ang Bulag na Kapatid; Ito Pa Pala ang Igaganti Nito sa Kanya
Lumaki sa probinsya ang magkapatid na si Nestor at Bobby. Kahit magkapatid ay magkaibang-magkaiba ang ugali ng mga ito. Dahil ipinanganak na isa lamang ang matang nakakakita ay hindi na nagpursigi sa pag-aaral si Nestor. Pirmi na lamang itong nakahiga at umaasa sa pag-aasikaso ng kanilang ina.
Dahil sadyang napakahirap ng buhay ay nagpursigi ng husto si Bobby. Hindi nito iniinda ang matinding sikat ng araw tuwing ito’y nangingisda upang may maipangbaon sa eskuwela. Palibhasa’y kulang na kulang ang kinikita ng kanilang ama sa pagtitinda ng gulay.
Lumipas ang dalawang dekada, isa nang matagumpay na negosyante si Bobby. Nagbabagsak ito ng gulay at isda sa iba’t-ibang palengke sa kanilang probinsya sa Bicol at sa Maynila. Si Nestor naman ay nakapag-asawa at nagkaroon ng apat na anak.
Napakasarap ng buhay ng mga magulang ng magkapatid na sila Aling Beth at Mang Resty sapagkat lahat ng pangangailangan ng mga ito ay ibinibigay ni Bobby. Hinihikayat naman ni Bobby si Nestor na tumulong sa kaniyang negosyo ngunit palagi na lamang idinadahilan nito ang kaniyang kapansanan.
Tila wala namang magawa si Bobby at mga magulang nito. Imbes makatulong si Nestor ay lumalaki pa lalo ang gastos ni Bobby sapagkat siya ang sumasagot sa pangangailangan ng pamilya ni Nestor. Nagdesisyon na rin si Bobby na tustosan ang pag-aaral ng mga anak ng kapatid upang hindi na niya maging sagutin pa ang mga ito kapag nagsipag-asawa na.
Palibhasa’y palaging naaambunan ng grasya’y natuto na ring magsugal si Nestor. Mula umaga hanggang gabi ay nasa sabungan ito. Nagiging dahilan na rin ito ng madalas na pag-aaway nila ng kaniyang asawa. Nasasaksihan iyon ng kanilang mga anak kaya naman lumalaking mga magagaspang ang ugali ng mga ito.
“Nestor! Baka naman puwedeng huwag mong ipakita sa mga bata ang pag-aaway ninyo ng asawa mong si Maricar! Kung kaya mo rin namang mag-sugal bakit hindi ka na lamang tumulong sa gulayan at palaisdaan?” Hindi naman na nakatiis si Bobby kaya’t sinita nito ang kapatid.
“Oh, ano? Lumalabas na ang tunay mong kulay! Bakit? Kasi may pera ka na!” Galit na galit na saad ni Nestor sa nakatatandang kapatid. Tinapik pa nito ng napakalakas si Bobby sa dibdib kaya’t napaupo ito sa semento.
Pagbangon ni Bobby ay agad nitong inundayan ng suntok si Nestor. Palibhasa’y punong-puno na siya sa kapatid. Sa edad niyang 40 ay hindi pa siya nakakakapag-asawa samantalang ang kapatid niyang ito’y walang ibang ginawa kung hindi magsugal at umasa sa kaniyang kinikita.
“Mga anak, nakita niyo iyon? Walanghiya itong tiyuhin ninyo! Palibhasa’y kumikita na ng malaki kaya ang laki na ng ulo! Isa pa, wala namang ibang magaling sa mga mata ng lolo’t lola niyo kung hindi iyang Bobby na yan!”
Tarantang-taranta naman ang matandang mag-asawa sa nasaksihan at agad inawat ang magkapatid.
Dahil sa patuloy na paninira ni Nestor sa kaniyang Kuya Bobby ay tila sumama na rin ang tingin ng mga ito dito.
“Hindi bale, Tay… Mag-aaral akong mabuti para hindi na tayo maapi ng kapatid mo!” Giit pa ng mapagmalaking panganay na anak nitong si Rico.
Sa kabutihang palad naman ay naikasal na rin si Bobby sa edad na 48. Pinagpala siyang magkaroon ng isang napakabuting asawa’t agad naman silang biniyayaan ng kambal na anak. Isang babaeng pinangalanan nilang Pauline at isang lalakeng pinangalanan nilang Paulo.
Kaya naman lalong nagpursigi sa pagnenegosyo si Bobby.
“Tutal ay nakatapos na naman ng medisina si Rico, baka puwedeng kayo na ang bahalang dumiskarte upang mapagtapos ang tatlo pang anak ninyo. May sarili na rin akong pamilya. Basta’t ako na ang bahala kay Nanay at Tatay.” Saad ni Bobby sa mag-asawang si Nestor at Maricar.
Tila hindi naman maipinta ang mukha ng mga ito na akala mo’y mga batang inagawan ng laruan.
Makalipas ang ilang buwan ay nagpasya na si Bobby na magpatingin sa doktor. Tila nananakit palagi ang kaniyang ulo at dibdib.
Napagalamang pneumonia daw ang sakit ni Bobby. Alalang-alala ang asawa nitong si Lorna.
“Nestor, baka naman puwedeng tignan ni Rico si Kuya Bobby mo. Iba pa rin kapag sariling pamangkin niya ang magiging doktor niya. Baka bumilis ang kaniyang paggaling.” Pakiusap ni Lorna sa kanyang bayaw.
“Hindi ko puwedeng pangunahan si Rico. May sarili na siyang utak at matanda na siya.” Pagmamatigas ni Nestor.
Hindi naman na ipinilit ni Lorna sa bayaw ang mungkahi nito. Nang malaman ni Bobby ang naging sagot ng kapatid ay nagpasya itong putulin na ang koneksyon dito.
Kahit tutol sa desisyon ng asawa’y wala namang magawa si Lorna.
Lumipas ang isang taon, bumalik na sa dating kalusugan si Bobby. Tuwang-tuwa ito nang malamang nagdadalang taong muli si Lorna.
“Sabi ko sa iyo, eh. Kahit may edad na ako ay matinik pa din ako.” Pangangantiyaw nito sa asawa. Namumula naman sa hiya si Lorna.
“Ano ka ba, baka marinig ka ng mga bata.”
Nagulat ang mag-asawa nang biglang may nag doorbell.
“Kuya Bobby, patawarin mo ako sa mga nagawa kong kasalanan. Pinagsisisihan ko lahat iyon. Kuya, wala na si Maricar. Natulog lamang siya noong gabi ngunit hindi na siya nagising. Wala na akong asawa… Wala nang ina ang mga anak ko….”
Awang-awa ang mag-asawa kay Nestor, niyakap na lamang ito ni Bobby.
Maya-maya pa’y nakasunod ang mga anak nito.
“Tito Bobby, patawarin niyo po ako sa mga pagkukulang ko sa inyo. Kinahihiya ko ang sarili ko. Ni hindi ko kayo tinignan noong naospital kayo. Babawi po ako sa inyo.” Giit ni Rico habang walang tigil ang agos ng luha sa mga mata nito.
“Nagpapasalamat ako sa Diyos at dininig niya ang panalangin namin ng tatay ninyo. Nestor, sana ay habangbuhay na iyang pagbabago mo!” Wika ni Aling Beth.
Matapos ang ika 40 araw ng pagkamatay ni Maricar ay agad na sumabak sa gulayan at palaisdaan si Nestor. Pinagpahinga nito ang kaniyang kapatid at pinilit na mag-bakasyon muna sila ni Lorna upang makalanghap ito ng sariwang hangin.
Inalagaan naman ng mga pamangkin ni Bobby ang kaniyang mga anak upang wala raw maging istorbo sa kanilang pagbabakasyon.
“Tito Bobby, Tita Lorna, huwag niyo na pong isipin ang kambal. Mag honeymoon ulit kayo at baka maging kambal ulit ang baby!” Pagbibiro ni Rico.
Nagtawanan na lamang ang buong pamilya.
Mula noon ay sadyang naging ibang tao na nga si Nestor. Halos hindi na ito magpahinga sa kakaasikaso ng kanilang negosyo. Tila wala na lamang ginawa ang mag-asawang sila Bobby at Lorna kung hindi magkulong sa kuwarto.
Hagalpak sa kakatawa ang lahat nang umuwi galing check up ang mag-asawa. Triplets naman daw ang anak ng mga ito!
Sadyang napakasuwerte ni Nestor na magkaroon ng kapatid na gaya ni Bobby! Huli mang nagbago si Nestor, ang mahalaga’y naitama niya ang kaniyang mali. Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?