Ipinagdamot ng Ginang ang mga Pinaglumaang mga Damit ng mga Anak sa mga Kamag-anak na Nangangailangan, Siningil Siya sa Kaswapangan Niya
Walang ginawa si Mindy kung hindi ipost ang mga suot na damit ng kaniyang mga babaeng anak sa Facebook. Kaya naman hangang-hanga ang mga kamag-anak nila sa magagarang gamit at kasuotan ng mga ito. Halos hindi na nag-uulit ng damit ang mga ito at talaga namang wala ring pakundangan sa pagbili si Mindy sapagkat malakas kumita ang kaniyang asawang caregiver sa Amerika.
“Anak, baka naman sobra-sobra na iyang mga binibili mong damit. Ayoko naman sanang makialam. Suggestion lang, baka gusto mo ay ibigay na lamang natin sa kapatid at pinsan mo iyang mga maliliit na sa kanila o iyong mga hindi na ninyo magagamit. Para naman lalong masulit at mapakinabangan pa ng iba.” Saad ni Aling Gloria sa panganay na anak.
“Ma, pera po naming mag-asawa ang ipinangbili sa mga ito. Kahit anayin pa to o sunugin ko eh wala na kayo doon. Ano sila sinusuwerte? Ibebenta ko na lang ang mga ito nang makabili pa ako ng bago.” Sagot ng napakataray na si Mindy sa ina.
“Ayun naman pala, anak. Magandang ideya iyan. Tama ka, ibenta mo na lamang. Papapuntahin ko sila dito para naman makapili sila.” Sagot ni Aling Gloria sa anak.
Agad namang ipinamalita ni Aling Gloria sa mga anak at pamangkin na ibebenta ni Mindy sa mas mababang halaga ang mga pinaglumaang damit ng mga ito kaya naman agad pumunta ang mga ito sa bahay ni Mindy.
Nang makita ang mga kamag-anak ay nakasambakol kaagad ang mukha ni Mindy.
“Sigurado ba kayong kaya niyong bilhin ang mga pinaglumaan namin? Mga branded ito ha?” Sabay ibinagsak ang mga kahong naglalaman ng mga magagarang damit, bag, sapatos, at kung ano-ano pa.
Napanganga naman ang mga kapatid at kamag-anak nito sa dami at kanya-kanya sila sa pagpili.
“Iyan, 1000. Ito, 2000. Ito naman 4,500.” Isa-isa nang prinesyohan ni Mindy ang mga pinaglumaang gamit.
“Naku, Mindy. Isasauli na lamang namin ito. Hindi namin kayang bumili sa halagang iyan. Isa pa, medyo luma na rin naman ang mga ito. Baka puwedeng ibenta mo na lamang sa mas mababang halaga.” Giit ni Racquel ang nakakatandang pinsan ni Mindy.
Nakasimangot na rin ang ikalawang kapatid ni Mindy na si Joselle.
“Ate, kung tutuusin ay masasayang lamang ang mga ito. Baka naman puwedeng murahan mo na ang presyo.” Giit ng bunsong kapatid ni Mindy na si Roan.
“Huh? Sinasabi ko na nga ba’t sinasayang niyo lang ang oras ko. Sa iba ko na lamang ibebenta itong mga ito. Umuwi na lang kayo.” Nakataas pa ang isang kilay ni Mindy nang sagutin ang mga pinsan at kapatid.
Hiyang-hiya naman sa isang sulok ang ina nitong si Aling Gloria.
“Princess, Camilla, Dexter! Hindii ba sabi ko sa inyo huwag na muna kayong makipaglaro sa mga pinsan ninyo? Baka mahawa pa kayo ng sakit! Maraming may bulutong sa lugar nila! Hindi natin alam baka mahawa pa kayo!” Paninigaw ni Mindy sa mga anak.
Tila hindi na kinaya ng mga kamag-anak ni Mindy ang pagmamataas nito at isa-isang inihagis sa kahon ang mga kinuhang damit. Walang sabi-sabi ay umalis na ang mga ito at hindi na nagpaalam pa.
Lumipas ang sampung buwan at hindi na nagawa pa ni Mindy na ialok ang mga pinaglumaang gamit sa iba. Nakatambak na lamang iyon sa kanilang bodega.
Mainit na naman ang ulo ni Mindy sapagkat inaapoy ng lagnat ang anak nitong si Camilla.
“Mom! Aray! Ang sakit!” Namimilipit sa sakit ang bunsong anak ni Mindy na si Dexter.
“Mom, nag-play kami sa bodega. Nakagat po si Dexter ng rat!” Giit ng nagaalalang panganay na anak nito na si Princess.
Agad naman niyang dinala sa ospital ang bunsong anak.
Napagalamang may leptospirosis daw ito. Inaapoy na ito ng lagnat at hinang-hina.
Nang dumalaw sa ospital si Aling Gloria at mga kapatid nito’y nalaman nilang matagal na palang naglalaro sa bodega ang mga magkakapatid at ang anak nitong si Camilla ay may leptospirosis na rin.
Makalipas ang ilang araw ay agad namang gumaling ang bunso nitong anak na si Dexter ngunit dahil hindi naagapan ay binawian ng buhay ang pangalawang anak nito na si Camilla. Bago ito bawian ng buhay ay tila nawawala ito sa kaniyang sarili. Ilang araw na pala itong nilalagnat at masama ang pakiramdam ngunit hindi agad nadala sa ospital sapagkat ang akala ni Mindy ay simpleng lagnat lamang ito.
Halos hindi makausap si Mindy at wala itong ginawa kung hindi umiyak ng umiyak.
“Mommy, dapat kasi hindi na natin nilagay sa bodega yung mga gamit natin. Dapat shinare na lang po natin iyon sa mga tita at pinsan ko. Mommy… Miss na miss ko na si Camilla.. Wala na akong baby sister…” Humahagulgol na saad ni Dexter.
Hindi na lamang nakaimik si Aling Gloria at mga kapatid ni Mindy. Niyakap na lamang nila ng mahigpit ang mga pamangkin.
Agad namang umuwi ng Pilipinas ang asawa nitong si Jonathan. Hindi nito matanggap ang sinapit ng mga anak dahil lamang sa kadamutan ng asawa.
Hindi na magawang ibalik ni Jonathan ang pagmamahal sa asawa kaya’t nagpasya itong makipaghiwalay na.
Lumipas ang ilang taon, unti-unting naghirap si Mindy. Napunta ang kostudiya ng mga bata sa kanilang ama bilang nasa tamang edad na ang mga ito upang mamili kung kanino sasama.
Nagbalik na lamang si Mindy sa bahay ng ina nitong si Aling Gloria kasama ng kaniyang mga kapatid.
Unti-unting nagbago ang pag-uugali nito at ngayo’y namamasukan itong saleslady sa isang sikat na mall sa Maynila.
Binigyan naman ito ng karapatan ni Jonathan na madalaw ang mga anak tuwing Sabado at Lingo.
Wala talagang magandang maidudulot ang pagdaramot sa kapwa, lalo na sa mga taong kadugo mo. Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?