Inday TrendingInday Trending
Dahil Anak Lamang ng Hamak na Traysikel Drayber ay Pinagbintangan ng Lolang Magnanakaw ang Bata, Inosente Pala Ito sa Ibinibintang Niya

Dahil Anak Lamang ng Hamak na Traysikel Drayber ay Pinagbintangan ng Lolang Magnanakaw ang Bata, Inosente Pala Ito sa Ibinibintang Niya

“Tatay, huwag niyo na po akong bigyan ng baon, hindi ko naman nagastos ang baon ko kahapon dahil binigyan ako ng kaklase ko ng pagkain.” Giit ng mabait na batang si Karl sa amang si Marlon.

“Salamat naman, anak. Bilib talaga ako sa iyo. Ang laki ng malasakit mo sa amin ng nanay mo at pati na rin sa mga kapatid mo. Kaya nga pinagmamalaki kita sa lahat.” Sagot ni Marlon.

“Bukas po ‘tay puwedeng doon muna ako matulog kela Lola Narsing? Biyernes naman po at walang pasok kinabukasan. Para makalaro ko din ang mga pinsan kong si Seth at Lorine.” Wika ni Karl.

“Sige, anak. Walang problema.”

Kinabukasan ay hindi na makapaghintay si Karl na matapos ang klase. Palibhasa’y mag-i-isang buwan na mula nang huling makita niya ang mga pinsan.

Nang magkita-kita’y agad na sinalubong ng yakap ni Karl ang kaniyang mga nakababatang pinsan.

“Kuya, libre mo naman kami. Punta tayo ng 7-11, bili tayo ng inumin.” Lambing ni Seth sa kaniyang Kuya Karl.

Tila kilig na kilig naman ang tatlong taong gulang na si Lorine sa narinig.

“Naku, walang pera si kuya. Hingi tayo kay Lola Narsing.” Giit ni Karl.

Agad namang lumapit ang magpipinsan sa kanilang lola.

“Naku, hintayin niyo na lamang ang Daddy Robert ninyo. Hindi papayagan si Seth at Lorine ng kanilang Mommy Celine na lumabas. Mahirap na’t may mga nangunguha ng bata. Nakasakay raw sa puting van. Ikaw, Karl ay parating hinahayaan ng Tatay Marlon mong lumabas ng bahay. Para kang iskwater na tambay sa labas. Malamang pati ang mga nakababata mong kapatid eh maghapon sa layasan!”

Napakamot na lamang ng ulo si Karl sa inasta ng kaniyang lola. Sadyang lagi naman itong galit sa kaniya. Palibhasa’y hindi pa rin nito matanggap ang tatay niyang hamak na traysikel drayber lamang. Mataas kasi ang pinag-aralan ng kaniyang Nanay Janice at hindi matanggap ng kaniyang Lola Narsing na nagpakasal lamang ito sa isang kagaya ng tatay niyang si Marlon.

Tila sabik na sabik naman ang magpipinsan sa isa’t-isa kaya’t walang humpay ang paglalaro ng mga ito.

Maya-maya’y nagsisisigaw na si Lola Narsing at may hawak pang yantok na pamalo.

“Kaaaaaaaarl!!!!!! Sinasabi ko na nga ba! Kung ano ang puno’y siya ring bunga! Nasaan iyong isang daan ko sa ibabaw ng ref!? Ibalik mo! Huwag kang kukuha ng hindi iyo! Magnanakaw ka!!!”

“Lola, wala po akong kinukuha. Wala nga po akong pera dahil hindi na ako nanghingi ng baon kay tatay. Kahit kapkapan pa ninyo ako at halungkatin ang bag ko.” Pagtatanggol ng pobreng si Karl sa sarili.

Agad namang inundayan ng hataw ng hawak na yantok sa puwet si Karl ni Lola Narsing.

Naglililiyad ito sa sakit.

Iyak na ng iyak ang batang si Lorine sa nasaksihan.

“Yoya, ako po kuha pera. Bili 7-11.” Wika ni Lorine habang nanginginig ang mga kamay at inilabas ang isang daan sa kaniyang maliit na bulsa.

Nagkatinginan na lamang ang mga batang si Seth at Karl. Awang-awa si Seth sa kaniyang lumuluhang pinsan at agad niyakap ito.

“Tahan na, kuya. Sumbong natin si Lola kay Mommy at Daddy.” Pagpapagaan ng loob ni Seth sa pinsan.

Maya-maya pa’y inagaw ng batang si Lorine ang pamalo sa kaniyang lola. Pinaghahampas nito ang lola at sinabing “Bad ka, yoya! Sakit mo kuya ko! Bad sumbong mommy daddy!”

Pigil na pigil ang tawa ni Seth at Karl sa nasaksihan.

“Mga anak, andito na sila mommy at daddy.” Wika ng kanilang Mommy Celine.

“Oh, nak. Anong nangyari sa iyo, Karl?” Awang-awa si Celine sa pamangkin. Palibhasa’y anak na rin ang turing nito sa bata.

“Wala po…” Humihikbi pa si Karl habang nakatingin sa malayo at nakahawak sa mahapding puwet.

“Mommy, pinalo po ni Lola si Kuya Karl ng yantok sa puwet. Pinagbintangan po siyang nagnakaw ng 100 pesos.” Sumbong ni Seth sa ina.

Bigla namang pumasok ng pinto si Robert at napakamot ng ulo. Sinenyasan nito si Lola Narsing na pumunta sa salas kung saan hindi sila naririnig ng mga bata.

“Mama Narsing, huwag niyo naman po sanang idamay ang bata sa galit niyo kay Marlon. Isa pa, kahit ganoon lamang ang trabaho ni Marlon, malaki ang respeto ko sa kaniya. Napagaaral niya ang mga anak niya at kahit walang trabaho si Janice ay maayos ang kanilang simpleng pamumuhay.”

Agad din namang pinangaralan ni Celine ang bunsong anak na si Lorine. Hindi nito alam kung magagalit o matatawa sa ginawa ng inosenteng bata.

Pahiyang-pahiya si Lola Narsing sa kaniyang anak na si Celine at sa manugang na si Robert.

Sadyang may mga tao talagang mukhang pera. May kakilala ka rin bang ganito ang ugali? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement