Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Amang Tomador ang Pamilya Upang Magpakalasing, Ito ang Nadatnan Niya Pag-uwi ng Bahay

Iniwan ng Amang Tomador ang Pamilya Upang Magpakalasing, Ito ang Nadatnan Niya Pag-uwi ng Bahay

Sabado ng umaga.

Pitong taong gulang na ngayon si Janine. Matagal niya na ring hinihintay ang araw na ito! Sabi ni nanay Lora, mamamasyal silang tatlo ni tatay Jerry sa SM. Pagkatapos, kakain daw sila sa jalibi. Wow! Makakatikim na rin sa wakas si Janine ng Chickenjoy, yung lagi niyang nakikita sa mga komersiyal na lumalabas tuwing nakikinood siya sa TV ng kapitbahay. Hindi siya mapakali.

“Janine, ano ba! Pumirmi ka jan,” sabi ni nanay Lora habang nagsasampay. “Tatapusin ko lang itong pinapalaba nila Misis Reyes.”

“Ehhhhh nanay, gusto ko nang mag-jalibi!”

Nilagay ni nanay Lora ang mga kamay niya sa bewang habang tinatago ang ngiti. “Sige, ganito. Hanapin mo nalang muna ang tatay mo. Para kapag tapos na ako, didiretso na tayong SM.”

“Yehey!” Agad namang tumakbo papunta sa kalsada si Janine. Madalas niyang mahanap sa tindahan ni aling Aida si tatay Jerry, pero wala siya dun ngayon. Naglakad-lakad pa siya ng kaunti… hanggang makarinig siya ng ingay. May nag-iingay kila manong Eric. Baka andun si Tatay?

“Ohhhh, Jerry! Yung anak mo andito!” hiyaw ni manong Eric.

Takot si Janine sa mga lalaking malalaki at maiingay. “T-tatay… hinahanap ka ni nanay.”

Nagtawanan naman ang mga lalaki. Bakas ang inis sa mukha ni Jerry. Binatukan niya ang anak. Naamoy ni Janine ang hindi maitatagong amoy ng alak. Lasing na ang tatay.

“Bumalik ka doon sa nanay. Sabihin mo, di ako uuwi ngayon!”

Tumakbo pauwi si Janine at sinabi sa nanay ang nangyari.

“Aba’t… ang aga-aga pa ah!” Binuhos ni nanay ang tirang tubig. “Di ba niya naaalala kung anong araw ngayon?”

Biglang may narinig silang kalabog sa loob ng bahay. Andito na kaya si tatay? Naalala kaya niyang birtdey ko ngayon? isip ni Janine. Sinundan niya si nanay Lora papasok sa bahay, umaasang makakapunta na sila sa wakas sa SM. Pero sigaw naman ang sinalubong ni Jerry sa kanila.

“Ano ba yan! Dahil sa inyo, inaasar ako ng mga kaibigan ko na ander-de-saya raw ako!” Hinampas ni Jerry ang maliit nilang lamesa. “Wala kayong kuwenta!”

“Aba, kami pa ang walang kwenta?” sagot ni Lora. “Sino ba dito ang alas-diyes pa lang ng umaga lasing na? Ni hindi ka na nakakapasok sa construction! Paano naman natin dadalhin ang bata sa Jalibi, aber?”

“Jalibi? Anong Jalibi? Kaartehan lang yan,” sabi ni Jerry. At sigurado na si Janine na hindi nalimutan ni tatay ang kaarawan niya. Wala lang talaga itong pakialam. Hindi niya napigilan ang umiyak.

“O, bansot? Ang ingay mo! Tumigil ka nga sa pag-iyak!” Pinatong ni Jerry ang kamay niya sa bibig ni Janine. Pumalag agad ito at tumakbo sa likod ni Lora. Akmang papaluin siya ni Jerry pero pinigilan siya ni Lora.

“Jerry, ano ba!? Bakit mo sasaktan ang bata!?”

“EWAN KO SA INYO!” Tinulak ni Jerry si Lora. “AALIS NA AKO DITO! PERWISYO KAYO SA BUHAY KO!”

Padabog nitong sinara ang pinto. Nakakabingi ang katahimikang sumunod.

“O, Jerry? Tagal mo nawala, sabi mo iihi ka lang?”

“Malamang pinagalitan ng asawa, hahaha!” asar ng kaniyang mga kaibigan. Namula si Jerry. Pero inakbayan na lang siya ni manong Eric.

“Mukhang badtrip ka, parekoy. Alam mo ang solusyon jan?”

Nakasimangot si Jerry na tumuon. “Ano?”

Inabutan ni manong Eric si Jerry ng baso. “Alak, at babae. Kalimutan mo muna si Lora.”

Tinitigan ni Jerry ang baso nang saglit, at saka niya ininom tanda ng pagpayag niya. Naghiyawan ang mga lalaki.

Sa bahay, nag-iimpake na si Lora ng mga gamit.

“Nanay, sabi mo pupunta tayo sa SM?” sabi ni Janine.

“Dadaan tayo doon anak. Pasensya na, hindi na muna tayo magja-Jalibi kasi hindi sapat ang pera ni nanay, ayos lang ba?”

Tumango si Janine. Nararamdaman niya ang kalungkutan ng nanay. “Aalis tayo nang wala si tatay?”

Napatigil si Lora. Hinarap niya ang anak at niyakap ito. “Anak, hindi mo muna makikita si tatay nang medyo matagal ah? Sinaktan ka niya. Hindi ko mapapalampas yun.” Hindi na napigilan ni Lora ang mga luhang tumulo sa mga mata niya. “Kailangan muna kitang ilayo sa kanya bago ka niya masaktan ng tuluyan. At baka sakaling matauhan ang tatay mo pag nawala na tayo.”

Medyo masakit pa nga ang mukha ni Janine, kasi napahigpit ang hawak ni tatay Jerry sa mukha niya. “Saan tayo pupunta, nanay?”

“Sa bahay ng lolo at lola mo, sa probinsya. Hindi pa nakakarating ang tatay mo doon, hindi niya tayo masusundan.”

Tapos nang mag-impake si Lora. Hinawakan niya ang kamay ni Janine at lumabas sila ng bahay, papunta sa sakayan ng bus.

“Ano, pare, nag-enjoy ka ba?” nakangiting tanong ni Eric kay Jerry.

“Oo naman,” sagot ni Jerry, pero hindi siya mapakali. Alam niyang naubos na niya ang pera niya. Paglulutuin ko nalang si Lora, isip niya. May pera pa naman siguro yun.

Nagpaalam na siya sa mga kasamahan. Pero nung papalapit na siya sa tahanan, napansin niyang walang nakailaw na lampara. Tulog na ba ang mag-ina niya? Parang unti-unting nawawalan ng kalasingan si Jerry. Wala ang mag-ina niya sa loob ng bahay. Wala na rin ang mga gamit nito. Walang tao sa likod, kung saan naglalaba si Lora. Wala na ang mag-ina niya.

Saka niya napansin ang papel na nasa lamesa. Kinuha niya ito at lumabas ng bahay para basahin ang nakasulat sa ilalim ng lamppost.

“Jerry, Pagod na ako. Hindi na ba kami mahalaga ni Janine sa iyo? Puro ka nalang inom. Nalimutan mo ba na kaarawan ngayon ni janine? O wala ka na bang pakielam? Kinuha ko na ang lahat ng gamit namin ni Janine. Hindi mo na kami makikitang muli. Paalam, Lora.”

Napaluhod si Jerry. Bumalik ang lahat ng plano nila para sa kaarawan ni Janine, at bumnalik din sa kanya ang lahat ng masasayang alaala nila bilang pamilya na, dahil sa bisyo ni Jerry, ay kakaunti lamang.

Mag-isang umiiyak si Jerry sa loob ng bahay, gutom, walang pera, at walang pamilya. At hindi na nga niya nakita pang muli ang kaniyang mag-ina.

Advertisement