Sinisisi ng Ama ang 7-anyos na Anak Kung Bakit Naging Miserable ang Buhay Niya, Isang Sulat ang Iniwan Nito nang Lumisan sa Mundo
Mataas ang pangarap ni June, nais niyang maging Engineer at yumaman. Kaya naman ginagalingan niya talaga sa pag-aaral at ang kanyang nobya ang nagsisilbi niyang inspirasyon. Akala niya ay perpekto na ang lahat pero isang ‘di inaasahang pangyayari ang naganap.
“Sigurado ka ba?” kinakabahang sabi ni June. Kanina lang ay napakaaliwalas ng ngiti niya pero nang sabihin ng nobya niya ang dinaramdam nito ay nawala ang ngiti niya.
“N-nakailang tests na ako, positive talaga. June, ano nang gagawin natin?” natatakot na sabi ng babae.
Buntis ito.
“Hindi ko rin alam…” mahinang sabi niya. Ulilang lubos na si June. Sarili niya nga ay hirap na hirap siyang buhayin, paano na lang ngayon na dalawa na ang nakaatang na responsibilidad sa kanya?
“June wag mo kong iiwan,” sabi ng nobya niya. Niyakap niya naman ito habang umiiling-iling.
Dahil bata pa sila ay itinakwil ng magulang ang babae at pinauwi na ito kay June. Dahil daw ginawa nila ang bagay na iyon ay panindigan na nila. Kahit isang kusing ay wala raw silang matatanggap sa mga ito.
“Pwede na siguro ‘to,” sabi ni June, pinagpag niya pa ang maalikabok na kama. Swerte dahil nakahanap sila ng mumurahing apartment.
Sinubukan niyang mag-part time job pero kulang pa rin ang kinikita para sa gastusin nilang dalawa at sa pag-iipon para sa panganganak ng nobya nya. Kaya labag man sa kalooban ng lalaki ay tumigil na sila sa pag-aaral. Naghanap siya ng doble-dobleng trabaho.
“Tay! Tatay, sabi ko ho papasok na ako.” sabi ng pitong taong gulang na si Jericho, ang anak ni June.
“O anong gagawin ko? Dalian mo na at nabubwisit ako sa pagmumuka mo.” masungit na sabi ng lalaki. Di pinansin ang paglalambing ng anak at ang nakaumang nitong nguso na nais humalik sa pisngi niya.
Malungkot naman na tumalikod ito pero bago tuluyang lumayo ay muling lumingon, “Tay, pupunta ka ba sa school?” umaasang tanong nito.
“Hindi.” simpleng sagot niya.
Malungkot na tumango ito at naglakad na. Ayon dito, may patimpalak daw sa eskwela ang mga ito ngayong araw at pinapupunta ang mga magulang para manood.
Malayo ang loob nya sa bata. Hindi niya man sadya ay parang ito ang sinisisi niya kung bakit nagkandaletse-letse ang buhay niya. Binawian ng buhay sa panganganak rito ang pinakamamahal niyang nobya. Nangarap siyang maging Engineer at dahil dito, heto siya ngayon, isang pipichuging electrician. Sana ay matayog na ang narating niya at hindi tulad ngayon na nagkukumpuni ng mga sirang appliances.
Bago magtanghalian ay hindi niya alam kung ano ang naisipan niya, pumara siya ng tricycle at nagpahatid sa eskwelahan ng kanyang anak.
“Noy, bakit ang tagal?” tanong niya sa tricycle driver. Dahil medyo traffic, kadalasan ay mabilis lang ang byahe.
“May nabangga raw batang naglalakad. Kanina pa ‘yang komosyon dyan eh. Ang hirap tuloy makaliko,” sabi nito.
“Sige noy, lalakarin ko nalang.” sabi niya. Di niya alam, pero may kakaiba siyang nararamdaman.
Nilakad niya na lamang ang palapit sa eskwelahan, nagulat pa siya nang may dalawang magulang ang lumapit sa kanya.
“Kayo ho ang tatay ni Jericho? Sinakay ho ng ambulansya! Nahagip ng truck,” malungkot na sabi ng mga ito.
Nataranta naman si June. Agad niyang tinungo ang ospital pero nangatog ang kalamnan niya nang sabihin ng doktor na dead on arrival ang bata. Wala na itong buhay nang makarating sa ospital ang katawan. Hindi malaman ni June kung paanong iyak ang gagawin niya. Ni hindi niya man lang nasabi sa anak kung gaano niya ito kamahal.
Ikalawang araw ng burol ni Jericho nang dumalaw ang mga kaklase nito at guro. Nangingilid ang luha ng guro nang lapitan siya, iniabot nito sa kanya ang isang papel.
“Sir, ito ho dapat yung ire-recite ni Jericho sa unahan bago siya nabangga,” nakatungong sabi nito.
Umiiyak si June na binuklat ang papel, tumambad ang isang tula na ginawa nito sa kanya. May ilang bura pa doon, nahaplos ni June ang bawat salitang nakasulat.
Ang Tatay Ko
Hindi siya palangiti, pero mahal ko siyaHindi niya ako nilalaro, tulad ng tatay ng ibaHindi natupad ang pangarap niya dahil sa aking pagdatingKaya paglaki ko, sabay namin iyong aabutin
Mahal ko si Tatay, kahit masungit siya sa akinAalagaan ko siya sa kanyang pagtanda, aking aakayinHindi ko pababayaan, di ko bibitawanDahil ang aking tatay ay aking kayamanan
Tigib ng luha ang mata ni June, alam niyang huli na ang lahat para umiyak pa siya.
“Patawad anak..” bulong niya sa kawalan. Hindi niya na maibabalik pa si Jericho, ang tangi niyang ligaya.
Sana ay nasabi niya rito na higit pa ito sa kanyang pangarap at kung uulitin ang lahat ay pipiliin niya pa rin ito. Sana, naiparamdam niya ang kanyang pagmamahal dito. Sana ay hindi niya ito sinisi.