Lahat ay Inaagawan ng Upuan sa Bus ng Binatang Ito, Isang Seksing Babae ang Makakapagpabago ng Kanyang Pananaw
Ginagalang ng karamihan na dapat bigyan ng prayoridad sa pag-gamit ng upuan ng mga pampasaherong sasakyan ang mga matatanda, may kapansan, buntis, at may dalang mga bata. Ngunit naiiba si Daryl. Upang makapasok sa trabaho niya sa Makati ay araw-araw siyang sumasakay ng bus. Gayunpaman, kahit kailanman ay hindi pa siya nagpapa-upo ng mga taong nangangailangan ng upuan.
“O, paupuin ninyo si lola. Kuya, paupuin niyo si lola.” wika ng konduktor sa nasakyang bus ni Daryl. Isang uugod-ugod na matandang babae ang hirap na hirap na umakyat ng bus.
Nang panahong iyon ay sa unang hilera ng upuan nakaupo ang binata. Ngunit para hindi maistorbo ang komportable niyang pagkakaupo ay agad itong nagtulug-tulugan.
Napansin naman kaagad ito ng isang babae na nasa ikalawang hilera ng upuan sa bus na kanilang sinasakyan.
“Lola, dito na ho kayo maupo. Talagang may makakapal ho ang mukha eh. Pasensiya na ho,” sambit ng dalagang tumayo na lamang upang mapaupo ang hirap na matanda.
“Nako, hija. Salamat naman. Masakit na kasi ang tuhod ko. Pagpalain ka nawa ng Diyos,” nakangiting sabi ng matandang babae sa dalagang may mabuting loob.
Nakapikit na nangingiti si Daryl. Sa araw-araw na biyahe niya ay ganito ang kaniyang gawain.
“Kung maganda at seksing babae ‘yan e hindi niyo na kailangang magsabi pa,” bulong pa ng binata sa sarili. Wala siyang kamalay-malay na nalalapit na ang higanti ng tadhana sa kanya.
Kinagabihan, dali-daling sumakay ng bus si Daryl upang maagang makauwi. Buong araw ay walang humpay sa pag-uutos ang kaniyang boss kaya naman pagod na pagod ang binata. Agad itong umupo sa pinaka-unang bakanteng upuan na nakita niya.
Maya-maya pa, isang ina ang sumakay na may bitbit na dalawang maliit na bata. Nakita nitong bakante ang upuan sa tabi ni Daryl kaya agad niyang pinaupo ang dalawang anak. Imbis na tumayo si Daryl upang paupuin ang ginang nang makatabi nito ang mga anak, tulad ng dating gawi ay agad itong nagpanggap na tulog upang maiwasan ang pagtayo sa bus.
Hindi naman nagreklamo ang ina dahil kuntento na ito na makaupo ang dalawa niyang anak. Mabuti na lamang at may ilang pasahero ang bumaba kaya agad din nakalipat ang mag-iina.
Nang mahinto ang bus sa sumunod na istasyon, agad napansin ni Daryl ang isang maganda at seksing babae na sumakay ng bus at tatanaw-tanaw ng mauupuan. Nanlaki ang mata ni Daryl nang makita ang naglalakihang dibdib nito na halos lumuwa na sa lalim ng suot na pang-itaas na damit. Kaya naman agad niya itong tinawag.
“Miss! May upuan pa rito. Baka kasi mangawit ‘yang makinis mong legs sa pagtayo e. Hehe.” nakangising alok ng binata. Pinag-tinginan pa siya ng mga tao na nakasaksi kanina sa pagtutulug-tulugan niya noong naghahanap ng mauupuan ang mag-iina.
Agad naman siyang tinabihan ng dalaga. Labis itong ikinatuwa ni Daryl. Halos matunaw ang dilag sa malagkit na pagtitig ng binata. Ngunit dahil sa pagod, maya-maya pa ay tuluyang nakatulog si Daryl nang madantay ang ulo niya sa balikat ng babae.
“Kuya! Kuya! Gising. Nasa huling istasyon na ho tayo. Gagarahe na kami,” wika ng konduktor habang paulit-ulit na kinakalabit ang tulog na tulog na si Daryl.
Napabalikwas ng tayo ang binata.
“P*ta! Lumagpas pa,” inis na bulong ni Daryl sa sarili. Agad itong tumayo at naglakad pababa ng bus.
“Hijo, bukas ‘yang bag mo. Baka madukutan ka diyan,” sabi ng drayber sa binata.
Nang tingnan ni Daryl ang kaniyang bag, nanlaki ang mata niya nang makitang wala na ang kaniyang cell phone at pitaka. Agad nitong kinapa ang mga bulsa niya sa pagbabaka-sakaling nailagay lang niya roon ang kaniyang mga gamit, ngunit wala itong laman.
“T*ng*na!” napamura sa inis ang binata.
“Nako, kuya. Natabihan ka ata ni ganda kanina e,” wika ng kundoktor.
“Ha? Bakit?” nagtatakang tanong ni Daryl.
“Nalibang ka sa kakatitig, ano? Modus ata talaga niya ‘yon. E sabi ko rito sa konduktor ko huwag nang pasakayin ‘yon e. Kaso kapag punuan hindi na namin minsan napapansin,” iiling-iling na sabi ng drayber ng bus sa binata.
Noong mahimbing palang natutulog si Daryl kanina ay dahan-dahan nang sinisimot ng magandang babae ang laman ng bag niya.
“G*go pala kayo eh! Alam niyo palang mandurukot ‘yon, pinasakay niyo pa,” sa drayber at sa kundoktor na lamang niya ibinaling ang labis na inis.
“E mas g*go ka! Kitang-kita ng lahat kung paano ka magtulug-tulugan kanina noong may mag-iinang naghahanap ng upuan. Buti nga sa’yo! Karma ‘yan! Bumaba ka na nga!” sagot ng hindi na nakapagtimping drayber nang murahin siya ng binata.
Dapat sana ay makikiusap si Daryl sa drayber na bigyan siya ng kaunting bariya upang gamiting pamasahe pauwi. Pero dahil inuna niya ang init ng ulo at talas ng dila, ngayon ay hindi na niya alam kung paano makakauwi.
Sinubukan ni Daryl na manghingi ng tulong sa mga estranghero, ngunit wala namang naniniwala sa dahilan niya kapag kinukwento niya ang mga nangyari.
Mahigit tatlong oras nilakad ni Daryl ang kahabaan ng EDSA, at sa tatlong oras na iyon ay napag-isip-isip niyang karma nga ang nangyari sa kanya. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na kailanma’y hindi na magiging sugapa sa upuan, at magbibigay na ng konsiderasyon sa kaniyang mga kapwa-pasaherong mas nangangailangan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!