Masalimuot ang Buhay ng Babaeng Ito Ngunit Ginawa Niya ang Lahat Upang Mapalaki ng Maayos ang Anak
Marami nang naging nobyo si Irene kahit noong high school pa lamang siya. Aminado rin ang dalaga na hindi siya nag-aral ng mabuti. Sinisisi niya ang kanyang magulang sa kanyang pagbubulakbol.
Binawian ng buhay ang kanyang ina dahil sa sakit sa baga at nag-asawang muli ang kanyang tatay. Ang kaniyang madrastang si Aling Bebe ay walang pakialam at malasakit sa kaniya at ang tatay niyang mananabong na si Mang Rey ay madalas siyang sinasaktan. Panganay si Irene sa limang magkakapatid at nag-iisang babae.
“Hoy Irene, nabalitaan kong syota mo raw yung si Danny na taga kanto?” tanong ng kaniyang ama.
“E ano naman ngayon?” baling ng bata sa kanyang ama.
“Mga bastos talaga kayo. Pag ikaw nabuntis ng maaga mag-alsabalutan ka na! Di kita bubuhayin!” sigaw ni Mang Danny sa anak.
Pang pito na yata niyang nobyo si Danny sa edad na 14. At una niyang naisuko ang bataan noong siya’y 11 pa lamang, doon sa nobyo niyang ka edad lang din niya na hindi na niya matandaan ang pangalan.
“Tay! Wag! Ipapalaglag ko na lang ‘tong bata wag niyo lang ho akong palayasin!” nagmamaka-awang pahayag ng dalaga noon sa kanyang ama habang tinatapon nito ang mga gamit niya sa labas ng bahay.
“Puny*ta kang bata ka! Gagawin mo pa akong mamatay tao! Bahala ka sa buhay mo! Lumandi ka ng maaga! Panindigan mo! Layas!” sigaw ng ama sabay sara ng kanilang pinto.
Kinse lamang si Irene nang mabuntis siya ni Danny. Ayaw siyang panagutan ng binata dahil hindi raw siya ang ama ng batang dinala ni Irene dahil kaladkarin at marami nang tumikim sa babae.
Dahil sa takot na mapalayas ay pumunta si Irene sa Quiapo para bumili ng pampalaglag ng bata. Ininom niya ito ng paulit-ulit ngunit malakas ang kapit ng sanggol. Umalis na lamang si Irene sa poder ng kanyang ama at lumipat ito sa Blumentritt.
Doon nakilala niya si Aling Nenang nagtitinda ng mga piratang pelikula. Hirap na hirap na siya noon sa kanyang siyam na buwang dinadala ng makita siya ng ale at tinulungan. Pinatira siya ng babae sa maliit na barong barong at kinupkop ang kanyang anak. Mabait ang matanda at nag-iisa sa buhay.
Kapalit ng kanyang pagtira sa matanda ay kinakailangan niyang magtrabaho.
“Irene, kita mo naman itong bahay ko. Hindi ako mayaman pero papatuluyin kita dito at iyang anak mo. Pero kailangan mong magbanat ng buto para sa ipapakain mo diyan sa iyong maliit. Hindi ko kayo kayang buhayin,” wika ng ale sa kaniya.
Simula noon ay nagtrabaho si Irene bilang tindera ng ukay-ukay. Namasukan rin siya sa dangwa bilang tagahatid ng mga bulaklak na kailangang ipadala o di kaya naman ay taga-ayos ng mga bulaklak na dinadala sa punerarya.
Nagkukuskos din siya ng nga nitso sa north cementery at nag-aalaga ng mga puntod ng sikat na artists. Pati ang pagtitinda ng kandila ay pinatos na rin niya.
“Anak, lahat gagawin ko para sa’yo. Wag mo lang maranasan ang hirap na dinadanas ko,” wika ni Irene sa natutulog niyang anak na si Angleo na noon ay limang taong gulang lamang.
Hanggang sa pumasok sa elementarya ang kanyang anak. Mas lalo siyang nagpursige para makapag-aral ito. Natangap siya bilang tagalinis sa Chinese General Hospital na katabi lamang ng sementeryo.
Lumipat na rin sila ng tirahan na malapit lamang sa sementeryo. Hindi sumama sa kanila si Aling Nena dahil mas gusto raw nitong mag-isa.
“Uy, Irene ikaw na ba yan?” kalabit ng isang dalaga kay Irene. Tumitig lamang si Irene sa babae na tila hindi niya ito kilala.
“Uy, ano ka ba si Jona to. Magka-batch tayo dati noong high school,” pahayag ng babae. Hindi sumagot si Irene at ngumiti na lamang ito sabay buhat ng kanyang panglinis at umalis.
Hindi lamang iyon ang unang beses na nagpanggap siyang hindi niya maalala ang mga taong nakakakita sa kanya, maraming beses na itong nangyari. Hindi magawang makipag-usap ng dalaga sa mga kaklase nito dahil nahihiya siya. Nahihiya siyang wala siyang narating sa buhay.
“Ma, bakit ka umiiyak?” tanong sa kanya ng anak.
“Wala anak, malungkot lang ang mama kasi ang pangit ko na hahaha,” sagot ni Irene sa anak sabay punas sa mga luha nito.
“Wag ka nang umiyak, mama. Pag naging doktor na ako e yayaman na tayo. Di ka na maglilinis pa,” sagot ng kanyang anak.
“Naku anak, hindi kaya ni mama na pag-aralin ka ng medisina para maging doktor. Mahal kasi iyon. Pwede bang iba na lang?” pahayag ni Irene sa anak nitong malapit nang magtapos ng high school.
“Ayoko mama, gusto ko rin pong magsuot noong mga inilalagay sa tenga ng mga doktor tapos ay ilalagay sa puso kagaya ng kay Dra. Likha. Noong nakaraan na nagdala ako ng sampaguita sa kanya sabi niya sakin e pag-aaralin daw niya ako upang kalaunan ay maging doktor,” wika ng anak nito habang nag-aaral sila ng kaniyang ina para sa darating niyang pagsusulit.
Niyakap na lamang ni Irene ang anak at umiyak ito. Nahihiya si Irene sa taas ng pangarap ng kanyang anak na alam niyang kahit ilang trabaho pa ang kanyang pasukin ay hindi niya ito matutustusan.
“Irene, nasaan si Angelo bakit hindi niya ako dinalhan ng sampaguita?” tanong ni Dra. Likha.
“Dok, nasa bahay po nag-aaral malapit na kasi ang pagsusulit nila,” sagot ni Irene sa doktor sabay abot nito sa sampaguita.
“Nga pala yung anak mo gusto daw maging doktor, parati niyang sinasabi sa akin at idolo niya raw ako. Mabolang bata ang anak mo,” wika ng doktor kay Irene.
“Pasensya na po kayo, dok. Pagsasabihan ko po si Angelo na ‘wag kayong guluhin kapag nagdadala ng sampaguita.” saad ni Irene.
“Ano ka ba, ayos lang at natutuwa nga ako. Malaki na kasi ang mga anak ko at nasa ibang bansa silang lahat. Kung gusto mo ay pag-aaralin ko ang anak mo,” wika ng doktor na siya namang ikinagulat ng husto ni Irene.
“Dok, hindi po ba kayo nagbibiro?” tanong ni Irene sa babae.
“Hindi ano. Siyempre may simpleng kapalit ‘yon, kukunin kitang kasambahay namin at assistant dito sa clinic ko kapalit ng pagpapa-aral ko sa anak mo,” saad ng doktora at sabay ngiti nito.
At buong pusong tinanggap ni Irene ang alok ni Dra. Likha. Namasukan ito sa kanya at naging assistant sa clinic nito. Kahit papaano’y magaling naman bumasa at sumulat si Irene kaya hindi siya nahirapan sa trabaho. Hindi naging madali ang buhay niya sa kamay ni doktora. Hindi ito nakatikim ng kahit piso pero hindi naman sila pinagdamutan nito. Hanggang sa makatapos ang kanyang anak na si Angelo.
“Mama, nakapagtapos na ako. Lahat ng ito ay dahil sa paghihirap mo. Salamat sa pagtitiis mo kay Dra. Likha. Mama, salamat sa pagiging superhero ng buhay ko,” wika ni Angelo sa kaniyang ina.
“Anak, masayang-masaya ako na hindi mo mararanasan ang lahat ng hirap na dinanas ko,” maiksing sagot ni Irene habang lumuluha.
Ngayon ay matanda na si Irene at kahit wala siyang narating o natapos sa buhay ay masayang-masaya siya sa narating ng anak. Sa tuwing may nakakakilala sa kanya ay hindi na siya natatakot na pansinin ito. Hindi man niya maipagmalaki ang sarili ay lagi naman niyang bukambibig na “Doktor na ang anak ko.”
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!