Inday TrendingInday Trending
Pangarap ng Lalaking Ito ang Maging Pinakamagaling na Empleyado, Hanggang sa Matuklasan Niya Kung Bakit Hindi Ito Nangyayari

Pangarap ng Lalaking Ito ang Maging Pinakamagaling na Empleyado, Hanggang sa Matuklasan Niya Kung Bakit Hindi Ito Nangyayari

Isang programmer si Roberto sa pinapasukang kumpanya. Trabaho niyang gumawa ng iba’t-ibang paraan upang mapagaan ang daloy ng transaksyon sa negosyo. Marami nang nagawa si Roberto na nakatulong ng malaki dito. Bukod pa doon ay isa siyang masipag at responsableng empleyado.

Sa loob ng 12 taon ay hindi pa kailanman nahuli ang lalaki sa pagpasok sa opisina. Hindi din siya kailanman lumiban kahit pa may sakit o may emergency sa kanilang bahay. Ang totoo’y halos sa trabaho na nga umiikot ang kaniyang mundo.

Nakilala rin ang lalaki sa pagiging matulungin nito sa kanyang kapwa, kapag may kailangang ayusin kahit pa nga hindi sakop ito ng kanyang trabaho ay agad siyang maasahan. Kaya naman sa ika-apat na taon niya sa kumpanya ay agad siyang napasama sa nominasyon upang maging empleyado ng taon.

“Mahal, nga pala may maganda akong balita sa’yo. Isa ako sa mga nominado na maging empleyado ng taon,” saad ni Roberto sa asawa niyang si Ester.

“Wow naman, mahal. Ang galing mo! Bilib talaga ako sa’yo!” sagot naman ni Ester na halatang masayang-masaya para sa asawa.

“Oo nga mahal e. Sa dami ng empleyado sa amin ay napasama pa ako. Malaking karangalan na sa akin iyon at ngayon ay lima kaming pinagpipilian para doon. Kahit pa hindi ako manalo ay ayos lang,” pahayag ni Roberto sa kanyang asawa habang kumakain sila ng monggo at pritong isda sa hapunan.

Nagkakilala ang dalawa sa isang mall sa Maynila. Nagkapalagayan ng loob at nagsama bilang mag-asawa. Hindi pa kinakasal ang dalawa dahil parehas nila itong pinag-iipunan. Mayroon na silang apat na supling.

Nagtitinda si Ester ng ibat-ibang produkto sa internet. May mga sabong pampaganda, sabong panlaba, mga bag at mga damit.

Tumutulong ng lubos si Ester sa gastusin sa kanilang tahanan sapagkat hindi pa sapat ang kinikita ni Roberto.

At dumating na ang araw ng Miyerkules kung saan malalaman na ng lahat kung sino ang napili ng nakatataas para maging empleyado ng taon.

“Ang ating Employee of the Year ay si Kenneth Dela Cruz,” pahayag ng kanilang HR Head na Ginang Tirador.

“Si Kenneth ay sampung taong nagtrabaho sa kumpanya at nagpamalas ng mahusay na talento sa serbisyo,” saad muli ni Ginang Tirador sabay abot sa tropeyo at nakasobreng pera sa lalaki. Sinabit din sa dingding ang litrato ng katrabaho niyang iyon kahilera ng iba pang napili simula 1997 hangang kasalukuyan.

“Magiging isa rin ang mukha at pangalan ko sa hihilera dun,” bulong ni Roberto sa sarli habang nakatitig sa mga litrato doon.

At dumaan pa ang maraming taon niya sa kumpanya na pauli-ulit siyang napapasama sa nominasyong iyon ngunit hindi pinapalad na mapili.Noong ika-limang taon niya ay muli siyang naging nominado para sa pinapangarap niyang parangal ngunit hindi pa rin siya pinalad na mapili.

“Mahal oh, nakatangap ako ng pera para sa pang limang taon kong anibersaryo sa kumpanya. Sayang nga lang hindi ako napili na empleyado ng taon. Mas malaki ang pera doon, 50,000. Pag nagkataon e makakapagpakasal na tayo kahit sa huwes at konting salo-salo,” pahayag ni Roberto sa asawa na naglalaba ng kanyang dinatnan.

“Naku mahal, ayos lang yan. At yung kasal makakapag-hintay naman yan. Hindi magbabago ang pagmamahal ko sa’yo kahit pa wala sa rekord ng Pilipinas ito. At saka para sa amin ng mga bata ay ikaw naman ang the best,” sagot ng asawa niya sabay yapos dito at tumawa.

At dumaan ang ika-pitong taon ni Roberto sa kumpanya at napasama na naman siya sa nominasyon ngunit hindi muli pinalad. Dumaan ang ika-siyam at pang-apat na pagkakataon ngunit hindi pa rin napipili ang lalaki.

“Pareng Roberto, mukhang repeater ka na sa pagkakanominado para sa empleyado ng taon. Ikaw na lang ang hindi nananalo,” saad ni Jeremy habang nagkakape sila. Ito ang pinakamatalik na kaibigan ni Roberto sa trabaho.

“Oo nga pare e. Mukhang hanggang doon na lang ako haha,” sagot ni Roberto sa kaibigan.

“Mahina yata kasi talaga ang kapit mo sa taas. Lapitan mo si Bobby, yung sekretarya ng presidente natin at itanong mo kung bakit hindi ka nananalo,” pabirong wika ng kaibigan niya.

Si Bobby ay ang sekretarya ng presidente ng kumpanya at alam niya ang lahat ng mga desisyon ng nakatataas dahil parati itong kasama sa mga pagpupulong.

“Ma’am Bobby. Ang ganda niyo naman ngayon. Sa tagal kong nagtratrabaho dito sa kumpanya ay parang pabata kayo ng pabata,” wika ni Roberto sa babae. Dalaga parin kasi si Bobby kahit nasa 35 na ito.

“Naku Sir Roberto binola mo na naman ako. Bat napadaan ka rito sa aking opisina, anong maitutulong ko?” tanong ng babae na huminto sa paggamit ng kanyang ipad.

“Naku wala haha. Naalala ko lang kasi pang-apat na beses ko nang napapasama sa nominasyon e hindi naman ako napipili baka alam mo kung bakit?” banat ni Roberto habang tumatawa.

“Hahaha magaling ka Roberto yun lang masasabi ko ngunit malas ka lang talaga,” sagot ni Bobby sa kanya sabay sumenyas na kailangan niyang sagutin ang telepono na tumutunog na.

Malungkot si Roberto at hindi niya maitago iyon. Sino ba namang empleyado ang hindi gustong mapili para sa pinakamataas na parangal na pwede nilang makuha.

Kinahapunan ay ipinatawag si Roberto ng kanyang supervisor na si Neil sa opisina nito.

“Roberto! Ang pinakamahusay kong tao. Maupo ka,” wika ng kaniyang boss.

“Ngayong ika-sampung taon mo sa kumpanya e ilalaban kita ulit para sa empleyado ng taon,” pahayag ni Neil sa kanya.

“Naku sir, salamat po sa pagpili niyo sa akin lagi para masama sa nominado pero hindi na naman ako ang mananalo niyan hahaha,” nakangising sagot ni Roberto rito.

“Alam mo Roberto, kahit ako’y nalulungkot sa desisyon ng nakatataas. Kasi kahit magaling ka at karapat-dapat ay parating mas napipili yung pinakamatagal na nagtratrabaho sa kumpanya na kasabayan mo sa nominasyon. Malaking bagay sa kanila kung sino ang mas matagal na nagtrabaho at yun ang kanilang pipiliin para manalo. Hindi mo pa siguro talaga taon iyon. Huwag kang maingay sa sinabi kong iyon,” paliwanag ni Neil kay Roberto.

“Kaya po pala hindi ko napipili. Dahil sa mas matagal sa serbisyo ang kanilang basehan at hindi ang galing o serbisyong nabibigay ng isang empleyado,” sagot ni Roberto sa kanyang boss.

At sa ika-limang pagkakataon ay nabilang muli ang pangalan ni Roberto sa pagpipilian. Kasabay din niya si Ella isa sa mga customer service ng kanilang kumpanya na labing limang taon nang nagtratrabaho sa kumpanya. At katulad nga ng kanyang inaasahan ay hindi siya ang napili kundi si Ella.

“Mahal, imposible ko yatang masungkit yung pangarap kong parangal dahil marami pang mas matagal sa ‘kin sa kumpanya. Lumipat kaya ako ng ibang trabaho kung saan hindi basehan ang tagal sa trabaho para maging empleyado ng taon?” tanong niya sa asawa. Nabangit kasi ni Roberto kay Ester ang dahilan kung bakit hindi siya napipili.

“Mahal kung ako ang tatanungin mo, sasabihin kong mahalaga ang pera dahil iyon ang kailangan natin sa araw-araw. Pero kung ikaw naman mismo ay hindi na masaya at tinatapon mo na lang ang sarili mong pumasok sa trababo para sa pera at hindi mo na nakikita pa ang halaga nito, baka kailangan mo na ngang umalis. Mas masarap pumasok sa trabaho na gumigising ka araw-araw para palaguin pa lalo ang sarili mo,” sagot ng kanyang asawa at sila ay naghawak kamay.

Nagtagal pa si Roberto ng dalawa pang taon sa trabaho ngunit naghahanap na ito ng malilipatan habang nag-iipon. Sa suporta ng kanyang asawa at paulit-ulit na pag-iisip kung tama ba ang gagawin ay nabuo rin ang pasya niya, tuluyan na ngang umalis ang lalaki sa una niyang kumpanya.

At nakalipat agad sa ibang kumpanya ng langis si Roberto, nagagamit pa rin niya ang kanyang mga inipong karanasan at natutunang aral sa dating trabaho.

Hindi nagbago si Roberto pagdating sa trabaho at sa ikatlong taon pa lamang niya ay agad siyang napili bilang empleyado ng taon.

Nakapagpakasal na rin sila ni Ester sa simbahan at nakakuha ng sariling bahay na hinuhulugan niya sa gobyerno. Ngayon ay manager na si Roberto sa kumpanya sa edad na 48, dalawang beses siyang naging empleyado ng taon at nakatangap ng ibat- iba pang pagkilala. Ngayon ay namimili na rin siya ng karapat-dapat na empleyado na ilalaban niya para sumunod sa kanyang yapak.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement