Walang Oras sa Anak ang Babaeng Ito Dahil Nakagugol Siya sa Pagpapayaman, Binawi ng Panginoon sa Kanya ang Pinakamalaki Niyang Kayamanan Dahil sa Kasakiman
Mula nang maghiwalay si Millie at ang kanyang mister ay nag-focus na ang babae sa pagpapaganda ng kanilang buhay. Naging workaholic siya, masyado siyang naging abala sa pagtatrabaho, kailangan niyang ma-promote, kailangan niya ng pera. Kailangan niyang mapatunayan sa dating mister na kaya niya ang buhay kahit wala ito.
Kaya lang, sobrang trabaho niya upang maibangon ang sarili ay nawala sa isip niya na hindi lang siya ang nawalan ng asawa, nawalan din ng ama ang nag-iisa nilang anak na si Lorenzo. Limang taong gulang pa lamang ang bata at palaging yaya lang ang kasama, dahil busy si Millie sa trabaho, ‘pag uuwi naman sa bahay ay pagud na pagod na ang babae. Kung may konti pa siyang lakas, itutuon niya naman iyon sa paggamit ng kanyang laptop, trabaho pa rin.
“Mommy, ganda ng red car ko o. Broom broom!” sabi ng batang lalaki na pinaandar pa sa hita ni Millie ang laruan.
“Enzo, dun ka na muna, nasaan ba ang yaya mo?” medyo iritableng sabi niya, may ka-meeting kasi siya ngayon kahit pa nasa bahay siya.
“Nagwiwi yaya po mommy. Ikaw gusto ko kalaro mommy, ganda o! Meron ako nitong green po!” sabi pa ng bata, na sinadyang palakasin ang boses at gawing mas matinis upang makuha ang atensyon ng ina. Hindi naman naging maganda ang pagtanggap ni Millie doon, naririndi siya sa batang ito!
“Enzo, can’t you see mommy is busy? Gusto mo ng palo? Nabu-bwisit na ako sayo!” bulyaw niya rito. Sakto namang pasok ng yaya nito, nagmamadali ang babae at inaayos pa ang pantalon na suot, halatang galing sa CR. Napagdiskitahan niya ang kasambahay.
“Bakit nakapasok to dito? Diba bilin ko sayo wag mong payagang pumasok si Lorenzo dito lalo kapag may ka-meeting ako?!” mainit ang ulo na sabi niya sa yaya.
“Sorry ate, nag-cr po kasi ako..” mahinang sabi ng babae, kinarga na ang alaga.
“Nag-alcohol ka ba ng kamay mo? My goodness yaya! Ilang beses ko na ring sinabi sayo pag galing ka sa CR o sa labas maghugas ka ng kamay mo tapos mag alcohol ka lalo ‘pag hahawak ka kay Enzo. Pareho kayo ng alaga mo, mahinang umintindi,” komento niya, di iniisip na naririnig ng anak niya ang sinasabi.
“Sorry ate, nga pala po may mga pasa po si Enzo sa katawan tapos dumugo po ang ilong niya kanina-”
Pinutol na ni Millie ang sasabihin ng Yaya. “Ano ka ba? Baka akala mo marami akong time? Kasalukuyan po ako’ng may ka-meeting ngayon ‘te? Umalis na kayo sa harapan ko. Sa kalikutan yang mga pasa na yan, pati yung pagdugo ng ilong sa init lang yan, mag aircon kayo sa kwarto ni Enzo kaysa ako ang binubulahaw ninyong dalawa,” sabi niya at tinignan ito ng matalim.
Di na nakasagot pa ang kasambahay at lumabas na lamang ng kwarto. Palaging ganoon ang ginagawa niya, pinapagalitan niya ang anak kapag inaabala siya nito.
Napailing naman si Millie at itinuloy na ang ginagawa sa laptop.
“Mommy..” sabi ng maliit na boses ni Lorenzo.
“What?!” My goodness! Eto nanaman ang makulit na batang to!
“Nakalimutan ko lang po yung red car ko, ” nakatungong sabi nito, nagmamadali kinuha ang laruan at lumabas na. Maya-maya pa ay muling bumukas ang pinto.
“Mommy?” sabi ulit nito.
“Ano na naman? Papaluin na kita Enzo!” bulyaw ni Millie.
“I love you..” sabi ng bata at isinara na muli ang pintuan. Di na nakakibo pa ang babae at bumuntong hininga na lang.
Pinahid ni Millie ang luhang tuluy-tuloy na dumadaloy sa kanyang mga mata sa pagbalik ng mga ala-ala, yakap yakap niya ngayon ang red at green car na laruan ni Lorenzo. Isang taon na ang nakalilipas nang mailibing si Lorenzo. Pumanaw ang bata dahil sa leukemia, isang sakit sa dugo na ang sintomas ay biglaang pagsulpot ng mga pasa sa katawan, pagdugo ng ilong at marami pang iba na hindi niya napansin dahil masyado siyang abala sa pagpapayaman. Huli na nang malaman nila, malala na ang anak niya. Nasa kanya ngayon ang mga materyal na bagay na dati’y itinuturing niyang kayamanan, pero wala na sa kanya ang tunay niyang yaman- ang kanyang anak.
Muli niyang pinaandar ang red car ng batang lalaki sa kanyang hita. Sana, sana nakipaglaro siya sa anak niya noon. Sana siya ang nagpaligo dito, tumabi rito sa pagtulog. Sana siya ang yumakap dito noong mga panahong nadapa ito at hindi ang yaya, sana nalutuan niya ng baon sa kindergarten si Enzo. Puro sana na lamang ang mahihiling niya, dahil huli na ang lahat.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.