Dahil Hindi Naibili ng Mamahaling Cellphone ay Nagtanim ng Sama ng Loob ang Binata sa Kanyang Ina, Kinabukasan ay Lumuluha Siyang Yumakap sa Ginang
Nasa ikalawang taon na sa kolehiyo si Jonard, tanging nanay niya lamang ang kasama niya sa bahay dahil nag iisa siyang anak. Ang kanyang ama ay nagtatrabaho bilang welder sa Middle East at umuuwi lamang kapag may espesyal na okasyon. Dahil sagana sa luho ay lumaking spoiled si Jonard, basta hindi niya makuha ang gusto ay magmamaktol na siya at magdadabog sa kanyang ina.
Tulad ngayon, gusto niyang magpabili sa kanyang nanay ng pinakabagong modelo ng cellphone.
“Ma sige na, bakit si Benedict meron? Kaya nyo naman ako’ng ibinili no’n eh!” pangungulit ni Jonard sa ina, na abalang maghugas ng pinggang ginamit nila sa paghahapunan.
“Huy Jonard, maawa ka naman sa daddy mo. Aba’y di iyan namumulot ng pera sa Saudi ha. Kita mo ngang nangitim na at nasunog ang balat dahil sa kawewelding mabayaran lang ang tuition mo at may maipabaon sayo, ngayon naman ay cellphone! Kabibili lamang ng computer mo, iyong natutupi.. ano ba.. loptop!” sabi ng nanay niya.
“Laptop yun! Loptop ka dyan! 49,000 yung cellphone, pero alam ko kapag cash sa mall makakamura.” sabi nya pa.
“Ano’ng makakamura? Mapapamura ako sa mahal! T*ng inang cellphone yan, maari na’ng puhunan pangsimula ng negosyo!” sagot naman ng ginang na napapailing pa.
“Bahala ka nga dyan ‘nay. Ang selfish nyo, sana iba na lang magulang ko hindi na ikaw.” sabi niya at tinalikuran na ang ina. Narinig niya pang tinawag siya ng babae pero di niya na ito nilingon at nagdiretso na siya sa kanyang kwarto. Talagang masama ang loob niya.
Bakit ganito siya ka-malas sa magulang? Ang ibang kaklase niya isang hiling lang, nandyan agad. Pero siya, kailangan pang makiusap. Sana, iba na lang ang magulang niya.
Humiga sa kama si Jonard na bitbit ang sama ng loob sa ina, hindi niya namalayan na hinihila na siya ng antok….
Krrringggg! Kriiingggggg! tunog ng alarm clock ang nagpagising sa binata. Himala, nauna ang alarm clock na manggising kaysa sa nanay niya? Kadalasan kasi ay tinatapik na siya ng ina bago pa man tumunog ang orasan. Baka tanghali na talaga.
Agad siyang nagsuot ng T-shirt at di na nag abala pang ligpitin ang mga kumot, nanay niya na ang gumagawa noon.
Paglabas niya ng kwarto, nanibago siya dahil napakatahimik ng bahay. Ganitong oras ay naririnig niya na ang pagpito ng takure dahil sa pinakuluang tubig ng kanyang ina para sa kanyang kape at pampaligo, ayaw ng ginang na giniginaw siya. O kaya naman ay ang tunog ng pini-prito, itlog, bacon, hotdog at sinangag. Paggising niya pa lang ay nakahanda na ang mga iyan. Pero ngayon? Wala.
“Nay?” tawag niya pero walang sumasagot. Napansin niya ring tambak ang hugasin sa kusina. Makalat ang bahay, halatang hindi nawalis.
“Nanay?” tawag niya ulit. Ano ba naman to? Namalengke? Hindi man lang ako inasikaso muna? Makasariling tanong ng utak niya.
Napilitan si Jonard na asikasuhin ang sarili, sa pamamalantsa pa lamang ng kanyang uniform, hirap na hirap na sya. Tambak rin ang labada. Nasaan na kaya ang nanay niya?
Palabas na siya ng bahay nang mapansin niya ang isang litrato ng kanyang ina sa picture frame, may nakatirik na dalawang kandila sa harapan noon. Ano’ng meron? nagtatakang tanong ni Jonard sa kanyang sarili.
Nilapitan niya ang litrato at tumambad sa kanya ang iba pang litratong katabi noon, nakalapag lamang ang mga ito at hindi nakalagay sa picture frame. Inisa isa nya, mayroong picture ng parang may nakaburol na patay.
Napakunot ang noo ni Jonard at tinignan ang sumunod na litrato. Naroon siya, umiiyak sa harap ng ataul, katabi niya ang ama.
Tuloy tuloy siya sa pagbuklat hanggang sa huling larawan, ang lapida kung saan nakasulat ang pangalan ng kanyang ina.
“Hindi!” sigaw niya. Wala na ang nanay niya! Hindi! Napahawak sa dibdib si Jonard dahil gumuhit doon ang napakatinding sakit. Saka niya lamang naisip ang mga pagkukulang niya bilang anak, naging napakawalang kwenta niya at sarili lamang ang iniisip. Hindi niya naipakita sa mga magulang, lalo na sa kanyang nanay kung gaano niya ito kamahal.
“Nanay! Nanay ko….” panaghoy niya.
“HOY!” Biglang napadilat si Jonard dahil nakaramdam siya ng paghampas ng unan sa kanyang mukha. Sumakit ang mga mata niyang galing sa pagluha dahil sa liwanag ng araw na biglang sumalubong sa mga ito.
“N-nay?” di makapaniwalang tanong nya. Nananaginip lang siya!
“At sino pa ba? Gumising ka na nga diyan! Paiyak iyak ka pa.. parang alulong ng aso pag may aswang. Kinausap ko ang tatay mo.. sige na. Bibilhin na namin iyong cellphone na sinasabi mo-” hindi na naituloy pa ng ginang ang sasabihin dahil agad bumangon si Jonard at niyakap ito.
“Ayaw ko na ng cellphone nanay! Basta patawarin mo ako sa lahat lahat at mahal kita. Mawala na ang lahat ng gadget ko pero wag ikaw nanay..” sabi ng binata.
Naguguluhan man sa pinagsasabi ng anak ay napangiti na rin ang ginang at niyakap ito, aba, ngayon na lang ulit naglambing ang kanyang unico hijo.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.