Palagi Niyang Nililibre sa Date ang Nobyo, Hindi Niya Akalain ang Malaking Surpresa Nito Matapos Silang Maikasal
“Happy anniversary!” sabay na bati nina Ally and Kristoff sa isa’t isa. Ngayon kasi ang ika-dalawang anibersaryo nila. Sa tagal nilang pagsasama, kahit madalas man ang away kesa sa lambingan ay wala pa ring sumuko at sa halip ay mas lalong tumatag ang pagsasama at pagmamahalan. Matapos nilang kumain ay balak nilang magsine. Kaya naman kinuha na agad ni Ally ang bill sa waiter. Masayang-masaya ang dalaga dahil bawat taon na dumaraan ay hindi pa rin nagbabago ang pagtingin niya kay Kristoff. Ngunit sa kabila ng kasiyahan niya ay kanina niya pa rin napapansin na tahimik at walang kibo ang nobyo. “May problema ba, babe?” hindi na niya natiis at tinanong na ang nobyo. Malungkot itong ngumiti at saka hinawakan ang kamay niya, “Babe, hindi ka ba nagsasawa sa akin?” Agad siyang umiling sa tanong nito, “Hindi, bakit?” “Hindi ka ba napapagod?” muling tanong nito. “Hindi, bakit nga?” nagsisimula nang mairita si Ally. “Eh, nato-turn off?” tanong na naman nito. Napuno na siya kaya naman inalis na niya ang kamay sa pagkakahawak dito, “Ano bang problema, Kristoff? Bakit ba ganyan ang mga tanong mo? Makikipagbreak ka na ba?!” Umiling ang lalaki, at saka niya napansin ang pamumuo ng mga luha nito, “Hindi babe. Nahihiya na kasi ako, hindi lang sayo kundi sa sarili ko. Sa bawat date natin, ikaw nalang lagi ang gumagastos. Wala man lang akong maiambag o magawa para mapasaya ka.” “Mahalin mo lang ako ng tapat at totoo, masaya na ako babe.” Ilang taon ang lumipas at nanatili pa rin silang magkasama. Hanggang sa magkaroon na sila pareho ng trabaho at nag-umpisang mag-ipon para sa kanilang future. Nang makaipon ng sapat na pera ay nagpakasal ang dalawa. Nagkaroon rin sila ng dalawang anak. Nakabili rin sila ng isang simpleng bahay. Labis-labis pa rin ang pagmamahal ni Ally at Kristoff sa isa’t isa. Hanggang sa sumapit ang ika-pitong anibersaryo nila ay nagulat si Ally nang bigla siyang yayain ni Kristoff mag-date. Sa gulat niya’y napasigaw siya nang piringan siya nito sa mga mata. “Ide-date ko ang pinaka-maintindihin at pinaka-mapagmahal kong asawa,” bulong ni Kristoff. Kinilig nang bahagya si Ally sa sinabi ng asawa. “Saan naman tayo pupunta? Bakit may pag-piring pa?” Ngunit imbes na sagutin at dire-diretso lang siya nitong dinala palabas ng bahay. Bumilang pa ito bago tuluyang tanggalin ang kanyang piring. At ganoon nalang ang pagkamangha’t pagkagulat nang makita ang brandnew car sa garahe nila, “Wow! Sa atin ba ito?” Tumango ang asawa, “Bayad ko ‘yan sa lahat ng mga utang ko sa date natin noon.” Napaluha si Ally, “Hindi mo naman kailangang bayaran ‘yun eh. Wala naman akong siningil sa mga ‘yun ah!” Marahang tinapik nito ang asawa. Inakbayan naman siya nito at niyakap sa likod, “Salamat sa lahat ng pag-intindi mo sa akin noong mahirap pa akong estudyante, babe. Pangako simula ngayon ako naman ang mang-iispoiled sayo, mahal ko.”
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!