Hindi Maalagaan ng Sariling Anak ang Matanda; Isang Batang Hindi naman Niya Kaano-ano ang Magpupuno ng Pagkukulang Nito

Hindi Maalagaan ng Sariling Anak ang Matanda; Isang Batang Hindi naman Niya Kaano-ano ang Magpupuno ng Pagkukulang Nito

HeartbreakingLoveStories

Sitenta y cingko anyos na si Lola Leticia, kaya kailangan na nito ng kalinga ng kaniyang anak. Ngunit habang tumatagal ay nagkakaroon ng problema si Lola Leticia rito. Madalas kasi ay hindi siya nito iginagalang at tila wala itong pakialam kapag nangangailangan siya ng tulong.

“ʼNak, ipamalengke mo nga ako, wala na kasi akong natitirang stock ng pagkain, e,” minsa’y utos ni Lola Leticia sa kaniyang anak.

“Ano ba yan, ʼnay, may ginagawa ako e!” ngunit imbes ay pabalang na sagot nito sa kaniya.

Habang tumatagal ay palala nang palala ang pakikitungo ng anak ni Lola Leticia sa kaniya. Naturingang may pinag-aralan at may magandang trabaho’y masama naman ang asal sa sariling ina. Mabuti pa ang mga batang nakatira, malapit sa kanilang tahanan. Sa tuwing nakikita ng mga ito na nangangailangan ng tulong ang matanda’y inaakay nila ito at tinutulungan.

Si Jeloy ay isa sa mga batang tumutulong sa matanda. Kapos ito sa buhay kaya sa murang edad ay nagbebenta ito ng mga tanim na gulay ng kaniyang magulang. Naaawa si Jeloy kay Lola Leticia, sapagkat nakikita niyang nahihirapan na itong makakita dahil sa kondisyon nito sa mata.

“Lola, ako na po’ng magbibit ng mga ʼyan,” pag-aalok ng tulong ni Jeloy kay Lola Leticia.

“Naku, ’toy, salamat,” mangiyak-ngiyak namang sabi ni Lola Leticia.

“Pakilagay na lang rito sa mesa ’yang supot, apo. Ano nga ulit ang pangalan mo?”

“Jeloy Borromeo po,” sagot naman ni Jeloy na maya-maya ay nagpaalam na ring aalis kaagad.

Sa nagdaang mga linggo ay naging abala si Jeloy sa paglalako ng mga panindang gulay, ngunit hindi kailan man nakalimutang dalawin ni Jeloy si Lola Leticia. Kung minsan nga ay dinadalahan pa niya ito ng kaniyang mga paninda. Dahil doon ay malaki ang naging pasasalamat ni Lola Leticia na nakilala niya si Jeloy.

Ngunit habang dumadaan ang araw ay lalo namang sumasama ang lagay ni Lola Leticia. Hindi na nito makayang tumayong mag-isa kailangan na niya ng taong aalalay sa kaniya, kaya lang ay tila wala namang pakialam ang kaniyang anak.

“Anak, pahingi ng tubig, nauuhaw na ako…” Makailang ulit nang sumisigaw si Lola Leticia ngunit walang nakakarinig dito dahil wala naman sa bahay ang kaniyang anak.

Mabiti na lang at malapit na si Jeloy sa bahay ng matanda nang marinig ang sigaw nito.

“Heto po’ng tubig, lola.” Iniabot ni Jeloy sa matanda ang isang baso ng tubig.

“Salamat naman at nariyan ka na, Jeloy. Kanina pa ako nauuhaw, e,” malambing namang sabi ni Lola Leticia. “Salamat sa pag-aalaga, Jeloy, ha?”

“Walang anuman po, lola. Naalala ko lang po sa inyo ang lola kong sumakabilang buhay na.” Masuyong hinaplos ng matanda ang mukha ni Jeloy bilang pag-alo sa bata. Iyon naman ang senaryong inabutan ng anak ni Lola Leticia.

“Sino ka? Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong nito kay Jeloy nang nakakunot ang noo.

“Ako po si Jeloy, dinalhan ko lang po ng pagkain si Lola Leticia,” pagpapaliwanag naman ng bata.

“Kaya ko nang alagaan ang nanay ko. Huwag ka nang babalik dito,” ngunit masungit namang sabi ng anak ni Lola Leticia dahil sa isip-isip niya ay gusto lamang utuin ng batang ito ang kaniyang ina.

Sa ilang linggong hindi pagdalaw ni Jeloy sa bahay ni Lola Leticia, simula nang pagbawalan siya ng anak nito ay matindi ang naging pag-aalala niya sa matanda. Palagi niyang inaalala ang kalagayan nito ngunit wala naman siyang magawa.

Ilang linggo pa ang nakalipas ay nabalitan ni Jeloy na binawian na ng buhay si Lola Leticia dahil sa sakit nito. Noong malaman niya iyon ay agad siyang pumunta sa burol nito, sa kabila ng takot niya sa anak nito. Talagang napamahal na siya kay Lola Leticia.

Pagdating ni Jepoy sa burol ng matanda ay humagulhol siya ng iyak. hindi siya makapaniwala sa kinahantungan ng matanda. Nilapitan naman siya ng anak ni Lola Leticia upang kausapin.

“Pasensya na sa inasal ko noong nakaraan, Jeloy. Alam mo bang pangalan mo ang tinatawag ni nanay bago siya binawian ng buhay? Salamat sa pag-aalaga mo sa kaniya.” Naluluhang tinapik ng anak ni Lola Leticia ang balikat niya.

Hindi makasagot si Jepoy sa narinig. Sobrang nalulungkot pa rin siya sa nangyari kay Lola Leticia.

Makalipas ang isang buwan matapos mailibing si Lola Leticia, nagulat na lang si Jeloy nang puntahan siya ng anak nito upang sabihing paaaralin siya nito at ipagpapatayo ng bahay sa lupang katabi ng kinatitirikan ng dating bahay ni Lola Leticia! Iyon daw kasi ang bilin ng matanda bago ito sumakabilang buhay.

Nagsisi ang anak ni Lola Leticia dahil hindi niya naaalagaan ang ina at napabayaan niya ito. Huli na ang lahat para bumawi sa mga kasalanan niya kaya heto na lang ang magagawa niya para kahit papaano ay makabawi.

Samantala, naging maayos naman ang buhay ni Jeloy matapos ang pangyayaring iyon. Ngunit kahit kailan, hinding-hindi niya malilimutan si Lola Leticia. Mananatili itong buhay sa kaniyang puso, hindi man sila magkadugo.

More Stories