Sabik Nang Ipakilala ng Lalaki ang Nobya sa Kaniyang Ina; Madidiskubre rin Niya ang Tunay na Kulay Nito

Sabik Nang Ipakilala ng Lalaki ang Nobya sa Kaniyang Ina; Madidiskubre rin Niya ang Tunay na Kulay Nito

FamilyInspiringStories

Dumating si Johnny galing sa trabaho at may gusto itong sabihin sa inang si Aling Tinay.

“Inay, inay, may maganda po akong balita!” masayang bati ng lalaki.

“Naku, tuwing darating ka naman, palagi kang may magandang balita, eh. Magbihis ka na nga muna at baka lumamig ang niluto kong sabaw,” sagot ng ina.

“Iba ito, inay, naihanap na kita ng mamanugangin!”

“Ha? Aba, bago nga ‘yan, anak! Totoo ba ‘yan?” natatawang tanong ni Aling Tinay sa anak.

“Si inay naman, bakit naman po ako magsisinungaling sa inyo? At hindi basta-bastang babae si Lorry, inay. Solong anak din siya at sa abroad pa nagtapos ng pag-aaral. Isa rin siyang lisensyadong arkitekto gaya ko at may-ari pa ng isang construction firm. Retiradong abogado naman ang kanyang ama at dating doktora ang namayapang ina,” tugon ni Johnny.

Biglang napa-isip si Aling Tinay sa sinabi niya.

“Talaga, anak? Eh, ‘di mayaman pala ang pamilya ng nobya mo? H-hindi kaya tayo alangan sa kanila?” nag-aalalang tanong ng ina.

“Matalino at mahusay ding arkitekto itong anak mo, inay! Darating ang araw na aangat din tayo sa buhay. Bago pa lang naman ako sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ko. Gagalingan ko at sisipagan para ma-promote ako,” pagmamalaki pa ng lalaki sa ina.

“Anak kita kaya malaki ang tiwala ko sa iyo, pero alam naman natin na para sa mga taong nakakaangat, ang pagiging wala ay isang malaking kapintasan,” malamang tugon ni Aling Tinay.

“Sa palagay ko’y hindi naman po ganoon si Lorry, inay,” pagtatanggol ni Johnny sa nobya.

Nang makapag-isa si Johnny ay sandaling nagulo ang isip niya.

“Sabi nila’y mahirap na magkasama ang babaeng biyenan at manugang dahil palaging hindi nagkakasundo, pero si inay ay hindi naman mahirap pakisamahan at si Lorry ay ganoon din naman. Kapag kami’y ikinasal, sana’y magkasundo sila,” bulong niya sa sarili habang nakahiga na sa kanyang kama.

Ngunit galing sa mayamang pamilya si Lorry. Ang mga kapatid nito’y sa Amerika rin lahat nagsipagtapos at doon na nakapagtrabaho bilang mga propesyonal din. Samantalang sila ay mahirap lang. Mula nang makapag-asawa ay hindi na nakapagtrabaho si Aling Tinay at ginampanan na lang ang pagiging maybahay. Kundi lang siya iginapang noon ng ina sa pag-aaral nang pumanaw ang kanyang ama ay hindi siya makakapagtapos sa kursong arkitektura. Bigla niyang naalala nang maratay noon sa sakit ang ama na tanging kumakayod sa kanilang pamilya ay pinasan na ng ina ang lahat ng hirap. Naging labandera, tindera sa palengke, mananahi at kung anu-ano pang raket ang ginawa nito mabuhay lang sila. Nang tuluyang mamaalam ang ama ay ginampanan na ng ina ang pagiging ilaw at haligi ng tahanan. Araw at gabi rin ito kung kumayod noon makamit lang niya ang diploma sa kolehiyo, pero napangiti siya nang minsang may sinabi sa kanya ang ina.

“Uy, Johnny, hindi ako papayag na ako na lang palagi ang binabantayan at kasama mo, anak. Humanap ka ng mapapangasawa. Ayokong mamat*y na hindi nagkakaroon ng apo. Gusto kong lumigaya ka rin, anak,” wika noon ni Aling Tinay sa kanya.

“Eh, inay, para mo naman akong ipinagtatabuyan niyan, eh, hayaan niyo at makakahanap din ako ng manugang na ihaharap sa inyo,” sagot niya.

Nasa ganoong tagpo ang isipan niya nang ‘di na niya namalayan na nakatulog na pala siya.

Kinaumagahan, pagkatapos ng trabaho ay nakipagkita siya sa nobyang si Lorry. Niyaya siya nitong kumain sa labas. Nang matapos na silang kumain sa pinuntahang mamahaling restawran ay nagyaya ulit ang nobya na may dadaanan sila.

“S-saan tayo pupunta?” tanong ni Johnny.

“Basta!” maikling sagot ni Lorry habang nagmamaneho ng kotse nito.

“Nga pala, gusto ka raw makilala ng inay ko,” sambit pa ng lalaki.

“Ha? Bakit?” tanong ng babae.

“Ipinangako ko kasing ipakikilala kita, eh. Okey lang ba sa iyo?”

“Sige, ayos lang sa akin,” wika pa ng nobya.

Nang marating nila ang lugar na sinabi ni Lorry ay nagtaka agad si Johnny.

“B-bakit dito tayo pumunta? Home for the aged ito, eh.”

“Yes, dear. Narito tayo para makilala mo si papa,” sagot ni Lorry na inihinto na ang sasakyan.

Pagkababa nila sa kotse ni Lorry ay pumasok sila sa loob ng gusali kung saan naroon ang ama ng nobya. Ipinakilala siya nito sa ama na medyo mahina na ang paningin at pandinig. Nakalagak ang nag-uulyaning ama ni Lorry sa lugar kung saan dinadala ang mga matatanda na ayaw nang alagaan ng sariling pamilya o kaanak. Paglabas nila roon ay hindi pa rin makapaniwala si Johnny sa natuklasan niya.

“Mukhang mabait ang papa mo kahit hindi na niya tayo makilala sa pagiging ulyanin niya, pero nagawa mo pa ring ipasok sa lugar na iyon?” tanong niya sa babae.

“O, eh, bakit parang na-shock ka riyan? Nasa home for the aged si papa, yes! Pero hindi basta lang ang ampunang iyon para sa mga matatandang gaya niya. Class iyon at mamahalin ang home for the aged na iyon! Hindi puwedeng pabayaan dun si papa kundi mananagot sila akin. Huwag kang magtaka kung bakit ko ginawa iyon kay papa, I’m very busy, you know that. Gusto kong idispatsa ang lahat ng mga makakaabala sa buhay ko dahil busy akong tao, ayoko ng may obligasyon na iba. Alam mo naman na wala na rin si mama, kung nabubuhay siya’y siguradong magkasama sila ni papa sa institusyong iyon. Kaya kapag mag-asawa na tayo, gusto kong ganoon din ang gawin mo sa inay mo. Doon din natin siya ipasok para wala ka nang poprobelemahin pa ‘di ba? Tutal, nabanggit mo noon na matanda na rin ang inay mo,” tugon ni Lorry.

Hindi nakakibo si Johnny. Biglang naglaho ang magandang pagtingin niya sa nobya. Nalaman niya ang totoong kulay nito at kung anong klaseng anak ito sa magulang.

Nang makauwi sa bahay nila si Johnny ay lulugu-lugo siya at tila natalo sa sugal. Sinalubong agad siya ng ina.

“O, anak, bakit ganyan ang hitsura mo? Akala ko ba ay isasama mo rito ang mamanugangin ko? Naghanda pa naman ako ng masarap na ulam,” bungad ni Aling Tinay sa kanya.

Walang anu-ano’y niyakap ni Johnny nang mahigpit ang ina. Takang-taka naman si Aling Tinay nang bigla siyang yakapin ng anak.

“Pangako, inay, hindi tayo magkakahiwalay, mag-asawa man ako o hindi, magkasama tayo. Pasensya na po inay, pero nakipaghiwalay na sa akin si Lorry. Hindi kasi ako pumayag sa gusto niyang mangyari. Ang gusto niya ay ipasok ko kayo sa home for the aged kapag ikinasal kami para hindi na ako mamroblema pa sa inyo, pero hinding-hindi ko iyon magagawa, inay. Utang ko sa inyo ang lahat ng mayroon ako ngayon. Ikaw ang buhay ko, inay,” hayag ni Johnny sabay halik sa noo ng ina.

“O, anak ko…”

‘Di napigilan ni Aling Tinay na maluha sa sinabing iyon ng anak.

“Di bale, inay, makakahanap din po ako ng tamang manugang sa inyo,” tugon ni Johnny.

“Darating din ‘yon, anak. Ibibigay din siya sa iyo ng Panginoon sa tamang panahon,” wika pa ni Aling Tinay.

Mula noon ay mas pinahalagahan at minahal ni Johnny ang ina dahil para sa kanya ito ay higit pa sa anumang kayamanan sa mundo.

More Stories