
Nangangamba ang Ina Dahil Sumama ang Anak sa Mayaman Nitong Ama; Babalik Pa Kaya Ito sa Kaniya?
“Uy Maricris, nandito na si JP sa Pilipinas. Ipinahahanap nga agad kayo, eh. Siyempre, gusto niyang makita ang anak niya,” wika ng kaibigang si Julieta.
“Ano?!”
Alam ni Maricris na maaaring mangyari iyon, pero nanlamig pa rin ang katawan niya at nakaramdam ng pangamba sa sinabi ng kaibigan. Dumating na kasi ang dati niyang asawa na si JP. Nauwi noon sa hiwalayan ang kanilang pagsasama ngunit nagbunga naman ang kanilang pag-iibigan. Si Krisha ang naging anak nilang dalawa na dalagita na ngayon. Nalaman din nito na nagbalik na ang ama.
“Totoo po ba na dumating na ang papa ko? Gusto ko po siyang makita. Kay tagal kong hinintay ang kanyang pagbabalik!” masayang sambit ng anak nang marinig nito ang pag-uusap nila ni Julieta.
Bigla namang nanariwa sa kanya ang alaala ng kahapon. Isa sa mga dahilan ng paghihiwalay nila noon ni JP ay ang magkaiba nilang antas sa buhay. Nagmula sa mayamang angkan ang lalaki at siya ay lumaki sa hirap. Hindi rin siya tanggap ng mga magulang nito. Hindi naman kaila sa anak niyang si Krisha na mayaman ang ama ngunit ang mas pinagtalunan nila noon ng dating asawa kaya tuluyang nasira ang pagsasama nila ay ang pagiging abala niya bilang isang social worker. Masaya kasi siya sa napiling trabaho dahil natutulungan niya ang mga kapwa niya kapos sa buhay. Ang trabaho niyang iyon ang hindi maunawaan ni JP.
“Halos hindi na tayo nagkikita at kung minsan ay hindi ka pa rito sa bahay natutulog. Ano na lang ang sasabihin sa akin ng aking pamilya sa mga pinaggagagawa mong ‘yan?! Nakakahiya sa kanila! Mamili ka, ‘yang ginagawa mo, o itong relasyon natin?” tanong ni JP sa kanya noong nagsasama pa sila.
Pero mas nanaig kay Maricris ang tawag ng tungkulin.
“Sorry, JP, pero mahal ko ang trabaho ko. Dito ako masaya. K-kung hindi mo mauunawaan, wala akong magagawa kundi…”
Pinili ni Maricris ang pakikipaghiwalay kay JP. Wala na kasi siyang ibang narinig sa lalaki kundi ang pangmamaliit sa kanyang trabaho. Habang tumatagal ang pagsasama nila’t nakikilala ang lalaki ay nakita niya ang tunay na kulay nito, na wala itong ibang inisip kundi ang sarili at ang imahe ng pamilya nito. Manang-mana ito sa mga magulang na matapobre kaya kahit mahal niya ang dating asawa ay mas pinili niya ang kanyang trabaho. Gusto ni JP na kunin ang kanilang anak ngunit ayaw niyang ibigay. Umalis siya sa bahay nila kasama ang apat na taong gulang pa noong si Krisha at nakitira sa kaibigan niyang si Julieta na isa ring social worker.
“Mabuti at naisama mo ‘yang si Krisha? Wala bang magiging problema?” tanong ng kaibigan.
“Wala naman. Ayos lang kay JP. Hindi naman iyon gagawa ng marahas. Kilala ko siya, matigas iyon at mapagmataas pero hindi siya tulad ng ibang lalaking mapanakit at mapaghiganti. Saka alam naman niya na ako ang ina… ako ang mas may karapatan sa anak namin,” sagot ni Maricris.
Ngunit mas maraming kumampi kay JP sa nangyari, mismong magulang niya’y pinayuhan siyang ibigay na lamang niya sa asawa ang kanilang anak.
“Pati bata, idadamay mo sa buhay mo! Mabibigyan mo ba ng magandang buhay ang anak mo sa kakarampot na sinasahod mo sa pagiging social worker? Kung mahal mo talaga ang anak mo, iwan mo sa ama niya!” sumbat ng kanyang amang si Mang Paeng.
“Mas mabibigyan ni JP ng maayos na buhay ang apo namin, kaysa sa iyo na puro hirap lang ang mararanasan,” sabad naman ng inang si Aling Sion.
Sa huli, nabalitaan na lang ni Maricris na naghain na ng annulment ang asawa at pumunta ito sa Amerika para doon na manirahan. Mula noon ay hindi na ito tumawag sa kanya. Hindi rin ito nagbibigay ng sustento sa kanilang mag-ina ngunit hindi siya nawalan ng loob at binuhay niyang mag-isa ang anak. Bukod sa pagiging social worker ay pinasok din niya ang pagba-buy and sell para may pandagdag kita para sa kanilang mag-ina. Iginapang din niya ang pag-aaral ni Krisha.
Lumipas ang mga taon, akala niya’y hndi na sila makakabalita tungkol kay JP ngunit patuloy silang binibigyan ng impormasyon ng pinsan nito na malapit din niyang kaibigan.
“Tingnan mo, mama, may ipinasang litrato si Tita Tess sa Facebook ko! Sabi niya, sina papa raw ay nasa Europe ngayon. Ang suwerte naman nila, mama!” sambit sa kanya noon ni Krisha.
Biglang nakaramdam ng lungkot si Maricris sa ibinidang iyon ng anak. Nabalitaan din kasi nila na nakapag-asawa ulit si JP sa Amerika matapos na maaprubahan ang kanilang annulment. Naisip niya kung gaano kasarap ang buhay ng ikalawang pamilya nito samantalang silang mag-ina ay naghihirap. Pati magulang niya ay kinukunsensiya siya.
“Kung ibinigay mo si Krisha sa ama niya, ang ganda-ganda na sana ng buhay ng anak mo,” wika ni Aling Sion nang marinig ang kuwentuhan nilang mag-ina.
“Alam ko, inay kaya nga minsan ay ayaw ko nang nakikita ang mga litratong ipinapakita nitong si Krisha tungkol sa ama niya,” tugon niya.
‘Di tuloy maalis sa isip niya ang makaramdam ng pangongonsensya.
“’Di kaya may lihim na sama ng loob sa akin ang anak ko? Hindi kaya siya nanghihinayang na ipinagdamot ko siya sa ama niya?” nag-aalalang tanong ni Maricris sa sarili.
Nang biglang bumalik ang gunita niya ang kasalukuyan. Kitang-kita niya na sabik nang makita ni Krisha ang ama nito. Naalala niya na biglang nag-message si JP sa kanya sa Facebook na gusto nitong makipagkita sa kanilang anak. Nakaramdam nga siya ng inis at hinanakit dahil sa loob ng ilang taon, ngayon lang ito nagparamdam sa kanya ngunit wala naman siyang magagawa, may karapatan din ito sa kanilang anak.
“Hindi na ako magtataka, mama, kung magugulat siya na ganito na ako katangkad! ‘Di ko na alam kung mamumukhaan ko siya agad ‘pag nagkita kami mamaya,” wika ni Krisha sa kanya.
“Excited ka ba, anak?” tanong niya.
“Opo, mama. Gustung-gusto ko nang makita si papa,” tugon ng dalagita.
Dumating ang araw na pinangangambahan niya. Ipinasundo ni JP si Krisha sa bahay nila gamit ang kotse nito. Sinundo pa ito ng mismong drayber ng pamilya ni JP. Maya-maya ay umalis na ang mga ito. Tatlong araw ang hiling ni JP para makasama si Krisha.
“Ayaw talagang magpakita sa akin ng loko. Marahil ay galit pa rin siya sa akin sa paghihiwalay namin noon,” bulong ni Maricris sa sarili habang pinagmamasdan ang papalayong sasakyan. “’Pag niyaya siya ni JP na sumama rito at pumayag siya ay ‘di ko siya masisisi. Ama naman niya iyon, saka siguro nga, mabuting sumama na siya sa ama niya para makatikim naman siya ng ginhawa,” dagdag pa niya sa isip.
Makalipas ang tatlong araw, bumalik na si Krisha na hindi magkandadala ang mga pasalubong na ibinigay ng ama. Hindi rin matapus-tapos ang kuwento nito sa kanya.
“Naku, mama, napakayaman pala ni papa ‘no! Lima ang kotse nila, ang laki-laki ng bahay nila, may swimming pool pa at ang mga pagkain, ang sasarap! Tinatapon na lang halos ang iba! Saka ‘yung bago niyang asawa at mga kapatid ko’y mababait naman,” kuwento ng dalagita.
Bigla siyang nanliit sa mga sinabi ni Krisha.
“S-sadya talagang mayaman ang papa mo, anak,” aniya.
“At ang sabi pa ni papa ay pipirmi na sila dito sa Pilipinas. Tinatanong niya kung gusto kong doon na lang ako sa kanila tumira,” saad pa ni Krisha.
Sa sinabing iyon ng dalagita ay gusto na niyang atakehin sa puso. Parang hindi niya kayang mawalay sa kanya ang pinakamamahal na anak ngunit ikinagulat niya ang sumunod nitong sinabi.
“Ang sabi ko kay papa, sorry pero hindi ako sanay sa buhay na ganoon at isa pa, halos hindi naman kami talaga magkakilala, ngayon lang kami nagkita ulit at nagkasama. Alam kong siya ang aking ama at ako ang kanyang anak, pero mas masaya akong kasama ka, mama,” bunyag ni Krisha.
“A-anak…” tanging nasambit ni Maricris na biglang nangilid ang luha sa mga mata nang yakapin siya ng anak.
“Iyon ang sinabi ko sa kanya, mama, na mahal na mahal kita kaya mas pinipili kong manatili sa piling mo. Kahit mahirap tayo’y hindi mo naman ako pinabayaan at binusog mo pa ako sa kalinga at pagmamahal. Kahit hindi ka kasing yaman ni papa ay ipinagmamalaki kita bilang aking ina. Hindi po ako nagsisisi na sa iyo ako napunta. Gustung-gusto ko na nga na makauwi agad dito, eh!” sabi pa ni Krisha sabay halik sa pisngi niya.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Maricris nang mga sandaling iyon. Napagtanto niya na hindi pala siya dapat manliit at mangamba dahil siya ang piniling makasama ng kayang anak kahit siya’y mahirap lang.
Hindi lang kasi karangyaan at materyal na bagay ang mahalaga, mas mahalaga pa rin ang paggabay ng magulang sa anak na maayos niyang nagampanan kay Krisha.