Sa Wakas ay Nagretiro na ang Matandang Karpintero, Pero Bago Siya Umalis ay May Hiniling ang Kanyang Amo
“Mang Ruben, sigurado na ho ba talaga kayo?” tanong ng amo ni Mang Ruben, kasasabi niya lang kasi dito na nais niya nang mag-retiro sa trabaho. Ilang taon na rin kasi siyang karpintero, sa susunod na anim na buwan ay tapos na ang kontrata niya kaya mas gusto niya na lamang magpahinga.
“Oho sir Nathan, may sari sari store na namang ipinatayo ang anak ko para sa amin ni misis, sapat na siguro iyon para sa upa ng bahay at sa kakainin namin araw-araw. Wala na naman ho akong anak na nag-aaral.” paliwanag ng matanda.
Saglit na nag-isip ang lalaki, bago napangiti at muling nagsalita.
“Sige ho, pero maari po bang tanggapin ninyo itong huling project na gagawin natin? Isa kayo sa pinakamagagaling na karpinterong kilala ko kaya sana po ay pumayag kayo.” pakiusap nito.
Mabait ang amo ni Mang Ruben at kahit kailan ay di siya tinanggihan nito lalo na kapag bumabale siya. Kaya naman nahihiya rin siyang tanggihan ito.
“O-oo naman. Ano ho bang project iyan ser? Bahay?” tanong niya.
“Opo, kayo sana ang mamuno at magbantay sa iba pa ninyong kasamahan sa paggawa ng inyong huling project dito sa kumpanya.” nakangiting sabi nito. Napatango naman ang matanda.
“Sige ho Ser, kakayanin iyan.” nakangiting sabi niya. Kahit ang totoo ay medyo nag-aalangan siya. Nanginginig na kasi ang kanyang sugat-sugat na kamay dahil sa pagka-pasma. Madalas na ring sumakit ang kanyang mga balakang.
Bilang pagtanaw sa utang na loob ay ginalingang mabuti ni Mang Ruben at inilagay ang buong puso niya sa huling bahay na kanyang gagawin.
Nanginginig man ang mga kamay ay tumutulong pa rin siya sa ibang karpintero na maglagari, maghalo ng semento at magpalitada. Ayaw niyang sa huling pagkakataon ay mabigo si Sir Nathan. Malaki ang utang niya sa lalaki.
Sa halip na tatlo ay inabot ng pitong buwan ang pagbuo sa bahay pero hindi nagreklamo si Mang Ruben. Kay laki ng ngiti niya nang sa wakas ay matapos rin ang bahay, pakiramdam niya, isa iyong tropeyo.
Dumiretso na siya sa opisina ng amo para kunin ang huling sahod niya. Mamaya siguro ay ikakain niya sa labas ang misis kapag may sumobra sa kanyang pera.
“Maraming-maraming salamat Mang Ruben, sa dedikasyon mo sa trabaho. Sana, marami pang manggagawa ang maging katulad mo.” sabi ni Nathan.
“Wala ho iyon ser, ilang taon hong dito lang ako umasa sa kakainin ng pamilya ko, malaki rin ang naitulong ninyo sa pangbaon ng mga anak ko noong nasa kolehiyo sila. Kaya lang ho eh alam niyo na, tumatanda na. Baka hindi na rin makagawa ng maayos.” nakangiting sabi niya.
“Ito na po ang huling sahod nyo.” sabi ng lalaki at iniabot sa kanya ang isang sobre.
Magiliw na tinanggap iyon ni Mang Ruben, pagkalabas na pagkalabas niya sa opisina ng lalaki ay agad niyang binilang ang pera. Sakto naman iyon, kaya lang ay may nakapa pa siya bukod sa mga perang papel… susi?
Agad siyang bumalik sa loob ng opisina, nadatnan niya ang amo na nakatitig sa pinto habang nakangiti. Tila alam na nitong babalik siya.
“Sir, napasama ho yata sa aking sweldo.” sabi niya rito at akmang iaabot ang susi.
“Hindi ho Mang Ruben, sa inyo iyan.” sabi nito.
Hindi naman nakasagot ang matandang tila naguguluhan sa nangyayari. Aanhin naman niya ang susi?
“Ang huling bahay ho na ginawa ninyo, ay ang inyong tahanan.” Hindi makapaniwala ang matanda, nang malaman pala ng amo niya na nangungupahan pa sila hanggang ngayon ay nakaisip ito ng paraan upang masorpresa siya, makabawi man lang sa ilang taong dedikasyon niya sa trabaho.
Masayang naghain ng hapunan ang misis ni Mang Ruben. Ilang buwan na rin mula nang makalipat sila sa bagong tahanan at ngayon ay dito maghahapunan ang dating amo ng kanyang mister.
Magse-celebrate sila dahil nabalitaan nilang lalong lumaki ang kumpanya ni Sir Nathan. Alam nila ng kanyang mister na biyaya iyon ng Diyos dahil sa mabuting puso ng lalaki. Pinagbubutihan ng mga empleyado nito ang trabaho dahil nararamdaman ng mga ito ang malasakit ng kanilang amo.
Maya-maya pa ay tumunog na ang kanilang doorbell. Bumungad sa pintuan si Sir Nathan kasama ang kanyang misis na noon ay tatlong buwang buntis, masayang nagsalu salo ang dalawang pamilya.