Dahil sa Sobrang Pagod ay Nawalan ng Malay sa Daan ang Binata; Isang Tao ang Tutulong sa Kaniya Upang Magtagumpay sa Buhay

Dahil sa Sobrang Pagod ay Nawalan ng Malay sa Daan ang Binata; Isang Tao ang Tutulong sa Kaniya Upang Magtagumpay sa Buhay

InspiringStoriesSuccess

Madaling araw palang ay gising na ang batang si Erik at agad na nagtutulak ng kanilang kariton para mangalakal ng bote sa kanilang lugar. Binibili niya ang mga bote sa murang halaga at pagnaka-ipon na ng marami ay binebenta niya rin sa mga junk shop. Ginagawa niya ito araw-araw para may pang baon siya at pangtustos na rin sa mga bayarin sa eskwela.

Dahil kwela, masiyahin at sadyang matulungin si Erik ay kilala na siya sa kanilang lugar. Alam rin ng mga tagaroon kung saan niya ginagamit ang perang nalilikom niya sa pagbobote kaya naman karamihan ay libre na lamang na ibinibigay sa kaniya ang kanilang mga bote.

“Bata, bata! Ito oh may mga bote kami,” tawag kay Erik ng isang ginang. Agad niyang kinuha ang mga bote at binilang iyon. Nang ibibigay niya na sana ang bayad ay pinigilan siya ng ginang. Tulong niya na lamang daw iyon sa kaniya. Binigyan rin siya nito ng tinapay at kape para sa umagahan daw niya. Labis na nagpasalamat naman si Erik sa ginang.

Sadyang napakapalad talaga niya dahil napakaraming tao ang tumutulong sa kaniya, kahit na ba maliliit na tulong lamang iyon ay labis niya na iyong ipinagpapasalamat. Ito ang dahilan kung bakit nais niyang maging isang doktor balang araw. Gusto niyang ibalik lahat ng tulong na kaniyang natatanggap sa mga tao. Balang araw, siya naman ang magbibigay. Yan ang pangako niya sa sarili. Maibabalik niya rin lahat ng kabutihang kaniyang natatanggap.

“’Nay! Nandito na po ako! Tawag niya sa nanay niyang nagluluto sa kusina,” tawag niya sa nanay habang papasok sa kanilang munting tahanan.

“Oh anak, kumain ka na at nang makapaghanda ka na para sa eskwela. May pasok ka ngayon ‘di ba?” uubo-ubong saad ng kaniyang ina sa kaniya.

“Hindi na po, ‘nay. Pinakain na po ako kanina ng isang mabait na ginang. Tutuloy na po ako sa eskwela at baka mahuli pa ako ng pasok. Mag-iingat po kayo at huwag niyo pong kalimutang inumin ang gamot niyo,” paalala niya sa ina bago nagtungo sa kaniyang eskwelahan.

Aktibo sa paaralan si Erik kaya naman nakapagtapos siya ng elementary bilang valedictorian. Naglalabada lamang ang kaniyang ina at matagal na silang iniwan ng kanilang ama, mayroon pa siyang tatlong nakababatang kapatid. Siya ang panganay na anak kaya naman bilang kuya ay responsibilidad niyang tumulong sa kaniyang pamilya. Ayaw niyang tumigil sa pag-aaral dahil sa kagustuhan niyang maging doktor, kaya naman pilit niyang inilalaban ang kaniyang pag-aaral.

Sa madaling araw ay patuloy pa rin siya sa pagbobote, pumapasok sa araw at pagkatapos ng klase ay papasok sa iba pang trabahong pwede niyang mapasukan para may maipangtustos sa araw-araw nilang pangangailangan.

Isang gabi habang papauwi na si Erik galing sa trabaho ay bigla na lamang siyang nawalan ng malay sa daan. Nagising siya sa isang hospital. Akmang tatayo na sana siya para umalis ng biglang may pumasok na isang matandang babaeng doktor.

“Mabuti naman at gising ka na hijo. Natagpuan kita sa daan na walang malay at inaapoy ng lagnat. Mabuti na lamang at napansin ka ng driver ko at mabilis ka naming naisugod sa hospital. Ano ba ang nangyari sa’yo?” nag-aalalang tanong ng doktor sa kaniya.

Siguro sa sobrang pagod at patong-patong na problema ay naikwento niya sa matanda ang lahat ng kaniyang pinagdadaanan. Sobrang nahihirapan na rin kasi siyang ipagsabay-sabay ang lahat.

“Maraming salamat po sa pakikinig at sa lahat-lahat, dok. Okay na po ako. Huwag po kayong mag-alala, hanggang sa makakaya ko, pipilitin ko pong ilaban ang pangarap ko. Sana balang araw ay masuklian ko rin po ang kabutihang loob niyo sa akin,” nakangiting pangako ng binata sa doktor. Tinanguan lamang siya ng mabait na doktor.

Lumipas ang isang linggo at nagulat na lamang si Erik ng makatanggap siya ng isang sulat na nagsasaad na nakatanggap siya ng isang full scholarship sa Med School. Labis man itong ipinagtaka ng binata dahil hindi naman siya nag-apply sa isang kilalang eskwelahan, ay lubos pa rin siyang nagpapasalamat sa Diyos at sa taong nagbigay nito sa kaniya.

Hindi sinayang ni Erik ang tulong na iginawad sa kaniya at nagawa niyang maging isang ganap na doktor. Hindi lamang isang ordinaryong doktor pero isa sa mga pinakamagaling na doktor.

“Congratulations Doc Reyes, as expected, successful ang unang operasyon mo,” puri sa kaniya ng kanilang Head Doctor.

“Thank you po, doc. Ginagawa ko lang po ang best ko para balang araw maibalik ko ang tulong na natanggap ko. Lalong-lalo na sa nagbigay sa’kin ng scholarship. Kung hindi dahil sa taong ‘yon, wala po ako ngayon dito,” sinserong saad ni Erik.

“Huwag kang mag-alala, nasuklian mo ang kabutihang-loob niya. Ang babaeng inoperahan mo kanina ay si Doc Chua, siya mismo ang nag-request na maging unang pasyente mo sa unang operasyong gagawin mo. Ganoon siya katiwala sa kakayahan mo. Siya ang nagbigay sa’yo ng full scholarship.”

Hindi makapaniwala si Erik sa kaniyang narinig. Nang magkamalay ang matandang babae ay agad niya itong pinuntahanan para pasalamatan. Doon niya naalala ang doktor na nagsagip sa kaniya noong minsang nawalan siya ng malay sa daan. Labis niya pala itong napahanga sa kaniyang determinasyong maging isang doktor kaya tinulungan siya nito nang palihim. Labis ang kaniyang pasasalamat sa doktor kaya naman ipinagpatuloy niya ang kaniyang layunin na makatulong sa kaniyang kapwa kaya paminsan-minsan ay nagsasagawa siya ng free-check ups at medical missions sa mga barangay bilang pagtupad sa kaniyang mga pangako noong siya’y walang-wala pa.

Mahirap man ang buhay ay hindi agad sumuko si Eric at nagpursigi hanggang sa makamit niya ang pangarap na maging isang ganap na doktor na kasalukuyang tumutulong sa kaniyang kapwa. Nawa’y gaya ni Erik ay huwag natin sukuan ang ating pangarap ano man ang mangyari. Gaano man kahirap ay sana makahanap tayo ng lakas para ipaglaban ito. Pasasaan pa at makakamit din natin ito.

More Stories