Nawasak ang Kaniyang Mundo nang Bigla Silang Iwan ng Amang Iniidolo at Sumama sa Kabit; Ilang Taon ang Nakalipas Bago Niya Nalaman ang Katotohanan sa Likod ng Pag-alis Nito

Nawasak ang Kaniyang Mundo nang Bigla Silang Iwan ng Amang Iniidolo at Sumama sa Kabit; Ilang Taon ang Nakalipas Bago Niya Nalaman ang Katotohanan sa Likod ng Pag-alis Nito

FamilyInspiringStories

“When I grow up, I’m going to become a doctor just like Daddy!” masiglang pahayag ni Sevee sa tuwing siya ay tatanungin kung ano ang gusto niyang maging paglaki niya.

Labis na iniidolo ni Sevee ang kaniyang ama. Isa itong kilalang doctor dahil sa kaniyang taglay na husay sa larangan ng Medisina.

Bagama’t hindi parating nagkikita dahil na rin sa masyadong abala ang kaniyang ama sa trabaho at ang kaniyang ina lamang ang kadalasang kasama ng bata ay labis na pagmamahal pa rin ang nararamdaman ni Sevee para sa ama.

“Busy pa kasi ang dad mo saving lives baby, next time siguro makakasama na natin siya,” madalas na sabihin sa kaniya ng kaniyang ina. Kaya sa murang isipan ni Sevee ay ginusto niyang maging doctor para matulungan ang ama upang madalas na itong makauwi sa kanila.

Ngunit ang labis na paghanga at respeto ni Sevee sa ama ay biglang gumuho pagtungtong niya ng high school. Araw-araw nag-aaway ang kaniyang mga magulang dahil nagsimula nang magdududa ang kaniyang ina sa daddy niya. Hanggang sa isang araw ay bigla na lamang silang iniwan ng kaniyang ama at sumama na raw sa kalaguyo nito at nangibang bansa. Naiwan silang dalawa ng kaniyang ina sa Pilipinas at napilitang kumayod ang kaniyang ina para sa kanilang dalawa.

Buwan-buwan ay pinapadalhan pa rin naman sila ng ama ng pera kahit na hindi na ulit ito nagpakita pa sa kanila. Kailanman ay hindi nila ginalaw ang perang ipinapadala ng kaniyang ama at nagsikap na lang ang kaniyang ina na kumayod para sa kanilang gastusin at para sa pag-aaral niya. Hindi matanggap ng ina ang nangyari sa masayang pamilya nila at labis na nagtanim ng sama ng loob sa kaniyang ama.

Nawala man ang kaniyang ama sa buhay nila ay hindi pa rin nawala ang kagustuhan niyang maging isang doctor. Gusto niya pa ring makatulong na magligtas ng buhay ng mga tao. Gusto niyang maghatid ng pag-asa bilang isang magaling na doctor. Gusto niyang iparamdam sa kaniyang mga pasyente na ano man ang karamdaman nila ay hindi dapat sila mawalan ng pag-asa at ipagpatuloy lang ang laban ng buhay, sapagkat lahat naman ay gagawin nilang mga doctor para sila ay iligtas.

Nasa ikalawang taon na ng kolehiyo si Sevee ng bigla na lamang nagkasakit ang kaniyang ina at hindi na nakapagtrabaho na. Nag-iisang anak lamang si Sevee kaya naman napilitan siyang tumigil sa pag-aaral ng isang taon upang matustusan ang gamot ng ina. Pinasok niya ang lahat ng trabaho na pwede niyang pasukan dahil plano niya ring ipagpatuloy ang pag-aaral sa susunod na taon. Araw-araw din ay panalangin niya sa Maykapal na sana ay walang masamang mangyari sa kaniyang ina. Sana ay mahintay siya nitong maging isang ganap na doctor.

Lumipas ang ilang taon ng pagsisikap at nagawa ding makapagtapos ni Sevee at naging isang ganap na doctor na. Sa awa naman ng Diyos ay magkasama pa sila ng kaniyang ina at unti-unti na rin namang lumalakas ang ginang.

Nagtrabaho si Sevee sa hospital kung saan nagtratrabaho ang kaniyang ama. Madalas din siya sa hospital na iyon noon, madalas kasi nilang dalawin ang daddy niya sa tuwing hindi ito nakakauwi ng ilang araw. Bigla namang nakaramdam ng matinding lungkot si Sevee, punong-puno ng alaala ng kaniyang ama ang hospital na iyon.

“Sevee? Ikaw yung batang parating dumadalaw rito noon dito kasama ang mommy mo ‘di ba? Kumusta na si Dr. Alcodia? Aba’y isang doctor ka na pala! Sumunod ka talaga sa yapak ng iyong butihing ama. Masaya ako para sa iyo at sa iyong pamilya. Kahit na ang dami niyong hirap na hinarap sa buhay ay ipinagpatuloy mo pa rin ang iyong pangarap. Kumusta na pala si Doc? Nabalitaan kong may malubha siyang sakit bago siya umalis sa hospital na ito kaya siya nagpunta sa ibang bansa upang magpagamot. Okay na ba siya? Kailan pa kayo nakabalik?” pahayag ng isang nars na may edad na.

Para siyang nabingi sa kaniyang narinig. May malubhang sakit ang daddy niya kaya pumuntang ibang bansa at hindi dahil sumama ito sa kalaguyo at iniwan lang sila ng kaniyang ina? Hindi siya makapaniwala at agad na umuwi para tingnan ang kahon kung saan nakatago lahat ng sobre na may lamang pera at sulat ng ama sa nakaraang mga taon. Dalawang taon na ang nakalilipas magmula nang matanggap nila ang huling padala nito.

Dahan-dahan niyang binuksan ang huling liham na padala ng kaniyang ama.

Aking mahal na asawa at pinakamamahal na anak,

        Patawarin niyo sana ako sa aking nagawa. Hindi totoong may iba akong mahal maliban sa inyong dalawa. Kayo ang buhay ko, kaya hindi ko kayang saktan kayo. May malubha akong sakit kaya kailangan kong magpunta sa Amerika at magpagamot. Patawarin niyo ako kung pinili kong ilihim ito sa inyo at palabasing isa akong masamang asawa at ama sa inyo. Ayaw ko lamang kayong masaktan at mahirapan nang dahil sa akin. Napakaliit ng porsyento na ako’y makakaligtas. Ilang taon na rin akong nagpapagamot ngunit ngayon lang ako nagkalakas ng loob na sumugal na sa isang operasyon. Kung ito ang huling liham na matatanggap niyo, malamang ay wala na ako. Labis na nadudurog ang aking puso dahil sa sinapit ng ating pamilya pero sana ay ‘wag niyong kakalimutan na walang kahit isang araw na hindi ko kayo naisip. Mahal na mahal ko kayong dalawa. Mahal ko, patawarin mo ako kung nagawa kitang linlangin pero sana ay maniwala kang ikaw lang ang babaeng minahal ko sa buhay kong ito. Sevee anak, sana ay ipagpatuloy mo ang pangarap nating dalawa. Sana ay maging isang mahusay na doctor ka rin at patuloy na maghatid ng pag-asa sa mga pasyenteng kinakain na ng mga sakit nila at nawawalan ng pag-asang lumaban sa laban ng buhay. Nawa’y maging inspirasyon ka sa kanila gaya ng aking nasimulan. Huwag kayong mawawalan ng pag-asa at maniwala lamang sa Kaniyang planong nakalaan para sa atin. Maniwala lamang kayo sa Diyos.

Nagmamahal,

Dad

Bigla na lamang napahagulhol ng iyak si Sevee sa kaniyang nabasa. Dalawang taon. Dalawang taon na ang nakararaan simula nang binawian ng buhay ang kaniyang ama at wala man lamang silang alam! Kung sana ay binubuksan nila ang mga padala ng ama sa kanila ay sana hindi pa huli ang lahat. Sana ay nakita man lang niya ang ama bago nito nilisan ang mundo.

Labis nilang dinamdam ng kaniyang ina ang pagkawala ng kaniyang ama. Pinuntahan din nila ang puntod nito sa Amerika. Doon na kasi ito inilibing. Puno man ng pagsisisi ay wala na rin silang magagawa kaya pinili na lamang nilang ipagpatuloy ang buhay. Dala-dala naman nila sa kanilang puso ang yumaong asawa’t ama.

Ginamit ni Sevee ang perang ipinadala ng kaniyang ama ng ilang taon at nagpatayo siya ng isang munting hospital kung saan ay gumagamot sila ng libre sa mga mahihirap. Ipinagpatuloy niya ang pangarap na binuo nila ng kaniyang ama simula noong siya’y bata pa.

Madami mang naging balakid sa pag-abot niya sa pangarap nila ng kaniyang ama, pinili niya pa ring magpatuloy at pilit na inabot ito. Napakahirap mabuhay sa mundong ito, pero sana, gaya ni Sevee ay huwag tayong susuko at piliing ipagpatuloy lamang ang ating nasimulang pangarap. Pasasaan pa at maabot din natin ito.

More Stories