Inday TrendingInday Trending
Pinagbawalan ng Ale ang Anak na Makipagkaibigan sa Kapitbahay na Mahirap, Kalaunan ay Siya ang Napahiya sa Harap ng Buong Barangay

Pinagbawalan ng Ale ang Anak na Makipagkaibigan sa Kapitbahay na Mahirap, Kalaunan ay Siya ang Napahiya sa Harap ng Buong Barangay

Isang taon na ang nakalipas nang mag-abroad ang asawa ni Aling Linda, mula noon ay nakaahon na siya kahit paano sa buhay. Ang sahod kasi ng mister niya ay sobra pa para sa pangangailangan nilang dalawa ng nag-iisa niyang anak, ang binatilyong si Jec.

Ang problema lang, nang makahawak ng kaunting salapi ay lumaki na ang ulo ng ale. Hindi pa nga gaanong nakakaangat ay napakataas na ang tingin sa sarili. Minamaliit niya na ang mga kapitbahay na inutangan niya noong kailangan niya ng placement fee para sa pagpunta ng mister sa Saudi.

“Anak, saan ka na naman galing?” tanong niya kay Jec isang hapon.

“Diyan lang ho kina Eric. Nagpaturo akong mag-gitara Nay,”

“Hep! Ano’ng sabi mo? Diba sabi ko, wag mo na akong tatawaging ‘Nay’? Anak nakakahiya. Tawagin mo na akong mommy or kung hindi ka talaga sanay, mama nalang.” paalala niya sa anak, aba, ano na lang ang sasabihin ng makakarinig? Ang ‘nanay’ na tawag ay pang mga hikahos lang!

Bago pa man nakasagot ang binata ay muli siyang nagsalita, “Tsaka, ayoko nang lumalapit ka sa Eric na yan ha,”

“Bakit naman ho? Eh bakasyon naman at dati ko pa silang kalaro. Kilala nyo naman si Eric, kababata ko na iyon eh. Mabait siya,” sabi ni Jec, nagsisimula nang mainis dahil maging ang mga kaibigan niya ay nais nang piliin ng nanay niyang feeling Donya.

Napaismid si Aling Linda, “Maano kung mabait? Hindi mo na siya ka-uri. Naiintindihan mo ba ang mommy anak? Ang kakaibiganin mo ay iyong anak ni konsehal, iyong anak ng kumare kong nagbebenta ng alahas. Ganyan! Wag iyong mga laki sa kalye,” taas noong sabi nito. May kalakasan ang boses at walang pakialam kung marinig ng mga kapitbahay.

Hindi na lamang kumibo si Jec. Sa kabila naman ng pagbabawal ng ina ay hindi itinigil ng binatilyo ang pakikipag-kaibigan kay Eric, para niya na itong kapatid. Napakahirap ng hinihiling ng nanay niya. Isa pa, nakakahiya na bigla niya na lamang iiwan sa ere ang kaibigan.

Ang pamilya ni Eric ang isa sa nagpautang sa kanila noong maga-abroad palang ang tatay niya kahit pa

Hindi naman lingid sa kaalaman ni Aling Linda na sinusuway siya ng anak, kaya grabe ang pagngingitngit niya. Isang hapon ay naisipan niyang sundan ito para harap-harapang bungangaan si Eric at palayuin na sa anak niya.

Nakita niyang pumasok sa tahanan ng kapitbahay ang anak niya kaya palihim siyang sumunod at nagkubli sa isang pader. Swerte dahil walang masyadong tao sa barangay.

“Pare, isara mo kaya ang pinto. Malalanghap kasi sa loob,” utos ni Eric sa anak niya. Tumalima naman si Jec. Iba ang kutob ni Aling Linda.

“Ilang pack ito?” narinig niyang tanong ng kanyang anak sa kausap.

“Wala, konti lang ang nabili ng nanay ko. Mahal kasi ang gramo ngayon. Hithitin mo, ang bango kamo.” utos muli ni Eric.

Tinamaan ng lintik! Tinuturuan pang mag-bisyo ang anak niya! Hindi siya maaring magkamali, ipakukulong niya ang binatilyo!

Marami siyang pera, hindi kilala ng mga ito ang kinakalaban!

Mabilis siyang nag-martsa papunta sa barangay, pagbalik niya ay may kasama na siyang mga tanod. Pinagtitinginan na rin sila ng mga kapitbahay.

“Tadyakan ninyo,” utos niya sa mga ito. Nanggigigil siya sa galit at baka masaktan niya ang hampaslupang Eric na ito!

Pagbukas ng pinto ay tumambad ang nagtatawanang mga binatilyo, namumula ang mata ni Jec habang maluha-luha naman si Eric kakatawa.

“Walanghiya ka, pinagtrip-an mo ako! Di ko naisip yun-Nay!” gulat na sabi ni Jec nang makita siya.

“Ayan! Kita nyo na mga kapitbahay! Ang pamilyang ito ang pugad ng ipinagbabawal na gamot sa barangay natin! Baka kaya hindi maubos-ubos ang mga lulong sa bisyo dahil kayo itong nagpapakalat sa mga kabataan! Walanghiya ka, idinamay mo pa ang anak ko!” bulyaw niya, tapos ay pinagkakalmot si Eric.

“Nay tama na ho!” awat naman ni Jec.

“Ano ba ang nangyayari rito?”

Gulat na napatingin si Aling Linda sa nagsalita, “Bitoy? Ano ang ginagawa mo rito?” di makapaniwalang tanong niya.

Malungkot ang mukha ng kanyang mister at may bitbit na dalawang bag, “Mamaya na natin pag-usapan, ano muna ito?”

Isinama sa barangay ang mga kabataan at ganoon nalang ang pagkapahiya ni Aling Linda nang marinig ang paliwanag ng dalawa.

“Bilang pagtanaw ng utang na loob sa pagpapautang nila ay tumutulong ho ako sa maliit na negosyo ng nanay ni Eric. Nagre-repack sila ng mga tawas, pero kanina po ay sabong panlaba pala iyong pinahithit sa akin ng kaibigan ko. Biniro niya lang ako, iyon ang naabutan ninyong eksena, namumula ang mata ko ho dahil marami akong nasinghot na sabon. Ang sakit sa ilong.

Maski na ipa-test nyo ako Nay.Wala kayong makikita, malinis rin po ang kaibigan ko.” paliwanag ni Jec.

Hindi makapagsalita si Aling Linda, puno ng panghuhusga ang tingin ng kanyang mga kapitbahay. Nais niyang lumubog sa upuan lalo pa nang marinig niyang nagkaproblema ang kumpanyang pinapasukan ng asawa sa Saudi at isa ito sa natanggal.

Isang mahalagang aral ang natutunan niya noong araw na iyon: Ang nasa ibaba ay itinataas, at ang mapagmataas ay ibinababa.

Advertisement