Inday TrendingInday Trending
Matagal nang Lihim na Minamahal ng Dalaga ang Kaibigan, Nagulat Siya nang Makilala ang Babaeng Iniibig Nito

Matagal nang Lihim na Minamahal ng Dalaga ang Kaibigan, Nagulat Siya nang Makilala ang Babaeng Iniibig Nito

Nakangiting pinahid ni Ella ang luhang pumatak mula sa kanyang mga mata habang tinitingnan ang picture nila ng bestfriend niya, si Migo. Bata palang sila ay magaan na ang loob niya rito, nang mag-binata ang lalaki ay nagsimulang lumalim ang kanyang nararamdaman.

Unti-unti, ang mga friendly nilang pagkukwentuhan ay nagkaroon ng kahulugan sa kanya. Ang simpleng pagke-care nito ay nagsimulang magbigay ng kilig sa kanya. Hindi siya makapaniwalang darating ang araw na ito, maligaya siya dahil may pinuntahan ang pag-ibig niya.

“Huy, today is the day, ilang oras nalang magsisimula na ang wedding. Wag ka ngang iyak nang iyak diyan,” sabi ng pinsan niyang si Michelle. Naka-make up na rin itong gaya niya.

Lumuluha pa ring tumango siya, “Hindi lang kasi ako makapaniwala.”

“Na marunong palang magmahal si Migo? Baliw ka talaga, ikaw ang bestfriend niya. Dapat naramdaman mo agad yun!” sabi nito, inayos pa nito ang ilang hibla ng buhok na nalaglag sa kanyang mukha.

“Tingin mo, magagandahan siya sa akin?” tanong niya rito.

“Aba oo naman. Fan mo iyon eh. Hindi ka maaaring pumanget ngayon pinsan, kaya tigilan mo na iyang kaiiyak. Baka makita pa tayo rito ni tita,” paalala ng babae.

Ilang minuto lang ang hinintay nila ay kumatok na rin ang kanyang ina na naka-gayak, ang ganda nito sa suot na puting dress at may bulaklak pa sa tenga.

Pagsilip nito sa pinto ay napangiti nang masilayan siya, “Ang ganda-ganda naman ng panganay ko,kamukhang kamukha ng mommy. Ready ka na ba? Nasa baba na ang papa mo at ang kapatid mo ay nauna na sa sasakyan, halika na.” aya nito sa kanya.

Tumayo siya at sumakay na rin sa kotse. Hiling niya na makasabay ang mga magulang sa sasakyan. Baka kasi hindi niya kayanin ang halu-halong emosyon na nararamdaman niya ngayon. Baka kung kailang kasal na ay mukha pa siyang bruha. Pagtatawanan siya ni Migo.

“Nasaan na raw si Carmi ‘ma?” tanong niya sa ina habang nasa sasakyan, ang tinutukoy ay ang bunso niyang kapatid. Kahit kailan talaga ay independent ang babae at kahit naka-gown rin ay nais pang magdrive para sa sarili.

Minsan nga, naiinggit siya eh. Sana kasing tapang niya ang kapatid. Ang hina kasi ng loob niya, si Migo lang lagi ang nagpapatatag sa kanya.

“Naku, baka naroon na iyon. Ella, magiging okay lang ang lahat. Nandito kami ng daddy palagi para sa inyong magkapatid, napakabuti mo anak.”

Tinanguan niya lang ito bilang sagot. Ayaw niya nang kumibo dahil baka maiyak na naman siya. Bale ba ay malapit na sila sa simbahan.

Parang lumulutang sa alapaap si Ella, samu’t sari ang kanyang nararamdaman. Ni hindi niya na nga naintindihan ang sinasabi ng wedding coordinator. Nakasakay pa siya sa sasakyan nang pumila ang mga abay, mamaya nalang raw siya bumaba.

Nang mapasulyap naman siya sa loob ng simbahan ay nakita niya na si Migo na naghihintay malapit sa altar. Nang makita siya nito ay parang namalikmata ang lalaki, halatang nagandahan sa kanya.

“Beautiful,” sabi nito mula sa malayo, hindi niya rinig pero iyon ang ibinigkas ng labi nito.

“Hanga ka na naman,” biro niya rito.

“Ma’am, pwede na po kayong bumaba,” sabi ng wedding coordinator kaya bumaba na siya.

Nagsimula nang tumugtog ang piano ng pangkasal, naglakad na rin ang mga tao. Sa pinakahuli si Ella, sa likod ni Carmi.

Titig na titig ang mga tao sa magandang bride, habang papalapit siya nang papalapit kay Migo ay palakas nang palakas ang kabog ng kanyang dibdib. Sa wakas ay nakarating rin siya sa kinatatayuan ng binata.

Nag-mano muna ang binata sa kanyang mga magulang at isa-isang niyakap ang mga ito. Tapos ay tumingin sa kanya.

Isang malungkot na ngiti ang ibinigay niya sa binata.

“Salamat,” sabi nito at niyakap siya.

Tinapik niya ang balikat nito.

Tapos noon ay kinuha na nito ang kamay ng kanyang kapatid, at nag-martsa ang dalawa palapit sa pari.

Oo, nasa likod siya ni Carmi dahil siya ang maid of honor at siya ang naghawak ng mahaba nitong belo. Dahil sa kanya kaya nagkakilala ang dalawa. Minsan naiisip niyang magsisi, dahil kung kasing tatag lang siya ni Carmi baka naipagtapat niya ang pag-ibig niya kay Migo.

Pero mas matimbang ang pagmamahal niya sa kapatid kaya nagparaya na lamang siya. Alam niyang hindi siya tuluyang magiging maligaya kung wasak naman ang puso ng bunsong kapatid niya.

Nang matapos ang seremonya ay napahawak si Ella sa kanyang dibdib dahil sa matinding sakit, kalakip noon ang pasasalamat sa Diyos na nagawa niyang lagpasan ang kasal na hindi naglulupasay, at ang dalangin na sana ay tulungan siya Nitong maghilom ang malalim na sugat ng kanyang puso.

Advertisement