Inday TrendingInday Trending
Kabi-kabilang Payabangan ang Nangyari sa Class Reunion, Pero Kung Sino Pa Pala ang Walang Pera ay Siya Pang Nagmagandang Loob na Tumulong sa Nangangailangan

Kabi-kabilang Payabangan ang Nangyari sa Class Reunion, Pero Kung Sino Pa Pala ang Walang Pera ay Siya Pang Nagmagandang Loob na Tumulong sa Nangangailangan

Isang buwan nang abala si Jocelyn, isa kasi siya sa mga admin ng kanilang paparating na class reunion, 30 taon na ang nakalipas nang sila ay gumraduate ng high school. Pag uwi sa bahay ay inabutan siya ng kanyang mister na nakaharap agad sa cellphone.

“Ma, ano ba yang pinagkakabusy-han mo? Andito na ako o.” pagod na sabi ng lalaki.

“Kasi, nagbabasa ako sa group chat namin sa Facebook. Dadating ang mga batchmate namin galing abroad.Si Nini nga magdodonate ng 10 thousand. Grabe.” sabi ng babae na hindi tinapunan ng tingin ang mister.

Bumuntong hininga nalang ang lalaki, ni hindi man lang siya paghainan at asikasuhin nito bago pag aksayahan nanaman ng panahon ang reunion. Dumiretso na siya sa kusina upang kumain.

Araw ng reunion.

Pagkatapos ng misa at parada ay nagtipon na ang batch 1988 sa covered court ng dating eskwelahan upang magkainan. Mayroon ding inihandang program ang mga admin para maaliw ang lahat at naroon din ang kanilang mga naging guro.

“Ang asawa ko ay manager sa bangko, siguro nga this year mapo-promote na siya. Wala na nga akong magawa sa bahay eh, ayaw niya namang mag-work ako. Si KC naman abala na sa trabaho, napagtapos na namin ng kolehiyo.” pagbibida ni Jocelyn sa mga dating kaklase, naroon sila sa isang bilog na table.

“Good yan sis, ako nga na-miss ko ang Pinas, grabe ang init dito. Kahapon pa ako hanap ng hanap ng nagbebenta ng halu-halo.” sagot naman ni Marita.

Lahat halos sila sa table na iyon ay ganoon ang tema, kanya kanyang pagyayabang ng mga narating nila sa buhay.Isa lang ang tahimik sa kanila, si Letty. Ito ang kanilang Valedictorian, pinakamatalino sa kanilang klase pero base sa itsura nito ay hindi ito gaanong sinuwerte sa buhay.

“Ikaw Letty, kumusta ka?Saan nagwo-work ang mister mo ngayon?” tanong ni Jocelyn, ang intensyon niya talaga ay ipahiya si Letty,noon pa man kasi ay inggit na siya dito.

“Ahh, sa minimum wage lang siya.Pero sa opisina at disente naman ang trabaho.Alam mo na kasi provincial rate,” medyo nahihiyang wika ng babae. Siya lang kasi ang walang kotse nang magdatingan sila dito.

Nang uusig ang tingin ng lahat, halatang palihim na hinahamak si Letty sa mga isipan nila at saglit na napangiti si Jocelyn dahil alam niyang nagtagumpay siyang mapahiya ang babae.

Maya maya ay may biglang tinawag ang host, isa raw sa mga batchmate nila na may sakit ang anak.

“P-pasensya na kayo, alam kong ka-sayahan ang event na ito pero kailangan ko lang talaga ng tulong. May hydrocephalus kasi ang anak ko dahil late na akong nagbuntis, halos kilala na kami ng lahat ng opisyal ng gobyerno pero tuloy tuloy ang gamutan ng bata, tuloy tuloy din ang gastos.Hindi ko na alam saan ako kukuha ng pera.” mangiyak ngiyak na sabi ng babae, na halatang nahihiya pero siguro ay talagang desperada na.

Bumaba na ito sa stage, tahimik lang ang lahat. Nakatungo ang babae at mag isang naglalakad pabalik sa kanyang upuan.Nagulat na lang sina Jocelyn nang biglang tumayo si Letty at nilapitan ang umiiyak na babae, niyakap nito ito at inabutan ng konting pera.

“Pasensya ka na, ito lang kasi ang mayroon ako.Kung may iba pa akong magagawa, sabihin mo lang.”sabi nito sa babae na lalong napaiyak.

Nakatunganga naman sina Jocelyn at ang iba pang kaklase. Si Letty ang isa sa pinaka-gipit sa kanila pero ito pa ang nag offer ng tulong. Kahit hanggang ngayon na mayayaman na sila at successful, lamang pa rin sa kanila si Letty dahil mayroon itong isang bagay na wala sila, ang malasakit sa kapwa.

Advertisement