Inday TrendingInday Trending
Kahit Malaki na ay Ikinakandong Pa rin Siya sa Jeep ng Inang Tindera ng Gulay Upang Makatipid sa Pamasahe, Matapos ang Sampung Taon ay Nagbunga ang Kanilang Paghihirap

Kahit Malaki na ay Ikinakandong Pa rin Siya sa Jeep ng Inang Tindera ng Gulay Upang Makatipid sa Pamasahe, Matapos ang Sampung Taon ay Nagbunga ang Kanilang Paghihirap

Simula nang madisgrasya sa pagkakarpintero ang ama ni Lyn ay kinailangan na ng kanyang ina na magdoble kayod upang matustusan ang gastusin ng kanilang pamilya, dumagdag pa roon ang gamot na pang-maintenance ng kanyang ama dahil may sakit rin ito sa atay. Halos magkandakuba na ang nanay niya dahil bukod sa paglalabada sa hapon ay naglalako naman ito ng gulay sa umaga hanggang tanghali.

Panganay siya sa limang magkakapatid, siya ay 13 taong gulang at ang mga sumunod sa kanya ay maliliit pa. Kapag walang pasok sa eskwela ay tinutulungan niya ang kanyang nanay na maglako ng mga panindang gulay.

“Buti nandyan ka anak, ang bibigat kasi ng mga kamote. Hindi ko kayang mag isa lahat, ikaw na lang dito sa bilao at akin ang timba.” sabi ng kanyang ina, madaling araw noon at handa na silang umalis ng bahay.

Tumango naman ang dalagita at kinuha na ang bilao. Nagsimula na silang magtinda ng nanay niya, maghapon silang naglakad at masaya na siya sa isang softdrinks at biscuit na binili ng kanyang ina bilang gantimpala sa pagtulong niya rito.

“O, ubusin mo na yan ha,magtutubig na lang ako sa bahay hindi ako masyado sa softdrinks.” nakangiti ang pagod niyang ina, kinagatan lang nito ang biscuit at iniabot na sa kanya.

“Nay, hati tayo diba?” sabi niya rito.Alam niya naman kasing gutom rin ito, nagpaparaya lang sa kanya. Kahit anong pilit niya ay sadyang ayaw ng ginang na kunin iyon, maligaya na itong makitang busog ang anak.

Pag uwi sa bahay ay nag-jeep na lang sila, masakit na kasi ang balakang ng nanay niya.

“Magpaliit ka, halika dito.” sabi ng kanyang nanay. Ganoon palagi ang ginagawa nila kapag sumasakay sila ng jeep, kinakandong siya ng kanyang ina kahit malaki na siya.

Nanghihinayang kasi sila sa pamasahe, dagdag pambili na rin kasi iyon ng bigas. Ang bawat piso ay katumbas ng malalayong nilalakad ng nanay niya makabenta lang, halos mamaos ito kakasigaw araw araw.

“Ale, ang laki na ho niyan. Ibayad ninyo na ho.” sabi naman ng driver.

Tila wala silang narinig mag ina at nagsumiksik lang sa dulo katabi ng mga timba at bilao nila ng gulay. Tahimik na nag isip ang dalagita, nangarap na balang araw ay mababago ang kanilang sitwasyon.

Makalipas ang sampung taon.

“Manang ilan pa ho iyang kamoteng natira sa inyo?” wika ni Lyn sa matandang babaeng nagbebenta ng gulay,bitbit nito ang maliit na apo.

“Dalawang plastic ho,kunin ninyo na?” nakangiting wika ng ale. Masaya ito dahil sa wakas ay nakaubos na ng paninda at makakauwi na rin sila ng apo.

“Oho,” sabi ng dalaga. Nagbayad na siya at hindi na kinuha ang sukli. Hindi naman siya talaga mahilig sa kamote pero para makatulong ay nakaugalian niya nang ubusin ang paninda ng matanda, alam niya kasing hindi ito makakauwi hanggang hindi ubos iyon, ganoon sila ng nanay niya noon.

“Ipangbili mo ng biscuit ninyo ng lola mo ha?” nakangiting sabi niya sa maliit na bata, tuwang tuwa naman itong tumango sa kanya.

Masaya ang mukha ng babae habang tinatanaw ang maglolang tindera, parang kailan lang ay ganoon din sila ng nanay niya. Dahil sa pagsisikap at dahil hindi siya sumuko sa buhay, eto siya ngayon at isa nang successful na manager, at hindi siya nakakalimot sa kanyang pinanggalingan.

Advertisement