Inday TrendingInday Trending
Ininsulto ng Dalaga ang Binatang Tambay na Nagkagusto sa Kanya, Nang Malagay sa Panganib ang Buhay Niya ay Ito ang Ginawa ng Lalaki

Ininsulto ng Dalaga ang Binatang Tambay na Nagkagusto sa Kanya, Nang Malagay sa Panganib ang Buhay Niya ay Ito ang Ginawa ng Lalaki

Bagong lipat lamang sa lugar ang dalagang si Amy at naging sentro na agad ito ng aktrasyon, napakaganda kasi niya. Kaya hindi nakakapagtakang napakarami ding lalaki ang nahuhumaling sa kaniya. Isa na nga doon ang binatang si Eric.

Mabait naman si Eric at maaahasan, kilala nga siya na runner sa kanilang lugar dahil isang sabi lamang ng mga tao ng kanilang kailangan ay agad siyang tatakbo upang gawin iyon. Mapa-igib man ng tubig o mamalengke ay wala siyang pinipili.

“Amy, baka naman gusto mong kausapin itong kaibigan naming si Eric. Mabait ito ate,” wika ni Dudong sa dalaga habang bumibili ng shampoo sa tindahan.

“Naku naman, ang aga-agang inuman niyan ha. Saka kilala ko naman na yan si Eric,” sagot ni Amy.

Naghiyawan ang mga ito at tuwang- tuwa sa sagot ng dalaga.

“So pwede na ba siyang makipagkaibigan sayo? Baka naman pwedeng makuha ang number mo?” baling pang muli ni Dudong.

Ngumiti lamang ang dalaga at hindi sumagot saka na ito umalis.

“Eric, ikaw na ang bahala doon kay Amy ha. Kailangan ay mapasagot mo yun, huwag kang kukupad-kupad mahirap na baka maunahan ka ng iba,” saad ni Pong, isa pang kainuman ng binata at lihim ding may gusto kay Amy.

“Baka naman hindi ako patusin nun, tignan mo naman kolehiyala tapos ako tambay lang,” sagot naman ni Eric at napakamot na lang ito sa kaniyang ulo.

Wala ng magulang ang binata dahil parehas yumao sa aksidente nang malaglag sa bangin ang sinasakyang jeepney. Kaya simula noon ay namuhay na siyang mag-isa. High school lamang ang kaniyang tinapos at hindi na nagawang magkolehiyo dahil sa hirap ng buhay at nalulong din noon sa bisyo.

Ngunit agad namang nakabangon sa tulong ng kanilang kapitana na tumayo na ring kaniyang pangalawang nanay. si Chairwoman Rossa. Naninirahan siya ngayon sa poder ng ale.

“O pano mga kosa, una muna ako. Baka makita ako ni chairwoman ay malintikan na naman ako,” paalam ng binata sa kaniyang mga kainuman.

Agad siyang nagpunta sa barangay at kumuha ng walis upang simulan ang paglilinis niya sa daan. Kapag naman tanghaling tapat ay nagtratrapik siya sa may eskwelahan at inaalalayan ang mga batang tumatawid, ganito na ang araw-araw na buhay ni Eric.

Hanggang sa isang hapon, nagkalakas siya ng loob na tabihan ang dalagang si Amy na kumakain ng halu-halo sa tindahan.

“Amy, baka naman pwede kong mahingi ang numero mo,” saad ni Eric dito.

“Naku Eric, tigilan mo ako,” mataray na sagot ng dalaga. Agad namang naghiyawan ang mga tambay na lalaki at inalaska agad si Eric.

“Bakit ka naman ganyan sa kaibigan naming si Eric ha Ms. Ganda?” wika ni Dudong na nakainom na naman.

“Alam niyo kayong mga tambay boys, tigilan niyo na ako kasi wala akong papatulan ni isa sa inyo. Lalo na yang si Eric dahil wala namang akong magiging kinabukasan kapag pinatulan ko yan,” pahayag ng babae.

“Ang sakit mo naman magsalita Amy, akala ko pa naman mabait ka,” malungkot na baling ni Eric.

“Mabait ako pero hindi ako bobo para pumatol sa inyo. Sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ay lagi kayong lasing!” wika ni Amy sabay alis.

Hindi man pinahalata ni Eric ngunit nasaktan ang kaniyang damdamin at may namuong galit sa kaniyang puso noong sinabi ng dalaga na wala itong magiging kinabukasan sa kaniya.

Napakasama naman pala ng ugali noon, akala mo kung sino. E kahit naman ganito lang ako mabuti naman ang puso ko, isip-isip ng binata.

“E kung turuan kaya natin ng leksyon yun si Amy, napakayabang naman pala ng chiks na yun!” saad ni Pong sabay lagok ng alak.

“Hayaan niyo na lang yung tao saka hindi ko na siya type ngayon. Ang daming babaeng nagkakandarapa sa akin diyan,” sagot ni Eric sabay tawa.

Lumipas ang gabi at lasing na ang lahat kaya naman naisipan na niyang umuwi at maaga pa siyag magwawalis bukas. Habang naglalakad ay napahinto siya sa kwartong inuupahan ng dalagang si Amy dahil patay na ang ilaw nito. Hindi naman ito nagpapatay ng ilaw simula nang dumating siya sa lugar.

Bakit kaya walang ilaw yun? tanong niya sa sarili.

Teka nga, bakit ka ba nag-aalala e nilait-lait ka na nga ng tao tapos ganyan ka pa rin? Gising Eric! baling pa niyang muli saka pinagsasampal ang sarili.

Maglalakad na sana siya palayo nang marining niya ang isang babaeng humihingi ng tulong ngunit hindi ito makasigaw at para bang may busal ang bibig, agad na bumilis ang tibok ng puso ni Eric. Sinundan niya ang ingay at sigurado siyang sa kwarto iyon ni Amy nanggagaling.

Kinakabahan man ngunit pumulot siya ng bato at pinasok ang kwarto ng dalaga, doon niya nakitang nakahubad na ang binatang si Pong at nakatali naman si Amy.

“Pare ano ‘yang ginagawa mo! Itigil mo iyan,” sigaw ni Eric saka nilapitan si Pong at pinilit na magsuot ng damit.

Doon na nabulabog ang ingay at nakasigaw na agad si Amy habang nagpapanangbuno ang dalawang lalaki. Agad namang nagising ang mga kapitbahay at inawat ang dalawa.

“Si Eric ho, naabutan kong gusto gahasain si Amy kaya pinigilan ko!” pahayag ni Pong sa mga taong nakapaligid.

Namula naman si Eric at hindi nakapagsalita, napatingin sya kay Amy na tila ba humihingi ng saklolo sa mga oras na iyon.

“Grabe iyang si Eric, pinangtangkaan ang babae paano sinabihan na walang mararating sa buhay kapag siya ang pinatos kaya ginanyan si Amy,” dagdag pa ni Pong. Mabilis na nakabangon si Eric at pinagsasapak muli ang binata.

“Tama na!” sigaw ni Amy.

“Hindi ho si Eric ang nagtangka sa akin kundi si Pong. Si Eric ang nagligtas ng buhay ko,” wika ng dalaga saka siya napaiyak.

“Maraming salamat Eric dahil kahit na nilait-lait kita ay iniligtas mo pa rin ako ngayon,” dagdag pa nito.

Doon na kinuyog ng mga tao si Pong at dinala sa barangay. Napangiti naman si Eric kay Amy at nagpasalamat sa ginawa ng babae.

Simula noon ay nagkaroon siya ng respeto kay Eric, hindi man niya nagustuhan talaga ang binata ngunit ngayon ay ginagalang na niya ito at hindi na kailanman ininsulto pa. Naging matalik pang magkaibigan na labis namang ikinasaya ni Eric.

Advertisement