Inday TrendingInday Trending
Kulay Ube na ang Balat ng Babae Dahil sa Pananakit ng Asawa ay Di Niya Pa Rin Ito Iniiwan, Kailan Ba Siya Magigising sa Katotohanan?

Kulay Ube na ang Balat ng Babae Dahil sa Pananakit ng Asawa ay Di Niya Pa Rin Ito Iniiwan, Kailan Ba Siya Magigising sa Katotohanan?

Kinagisnan na ni Susana na ang mga babae ay hinubog at ginawa para maging mabuting may bahay. Handang umunawa at mag-alaga sa mga mister na pagod sa paghahanap buhay para sa pamilya. Walang boses, sunud-sunuran sa desisyon ng asawa.

“O Susana, bakit may mga pasa ka na naman?” tanong ni Aling Thelma.

“Ah, wala ho ito, nasagi ko lamang ang sarili ko sa mesa namin saka mabilis ho talaga ako magkapasa, manipis lang kasi ang balat ko,” baling ng babae sabay tago sa kaniyang hita na nagkukulay ube na.

“Kapag may problema kayo ng asawa mo ay pwede ka naman lumapit sa akin, ituring mo akong parang nanay mo na. Huwag kang mahihiya ha,” saad pang muli ng ale.

“Maraming salamat po,” sagot ni Susana at ibinaling nang muli ang atensyon sa kaniyang mga nilalabhan.

Dayo lamang ang babaeng si Susana sa kanilang lugar, sumama lamang kasi siya sa kaniyang mister na si Mario simula nang mabuntis at iniwan niya ang kanyang pamilya sa probinsya.

Dahil mag-isa at walang kakilala kaya natutunan niyang kimkimin ang lahat nang kaniyang pinagdadaanan. Lalo na ngayong mga nakaraang buwan na sunod-sunod ang pananakit ni Mario sa kaniya.

“Hoy Susana! Gising na ako bakit wala pang agahan sa mesa?” galit na galit na sigaw ng kaniyang mister.

Agad naman na tumayo ang babae at naghugas ng kaniyang kamay na nangungulubot na sa lamig ng tubig dahil madaling araw pa lamang ay nagkukuskos na siya ng mga labahin.

“Pasensya ka na Mario, naglalaba kasi ako. Akala ko ay tanghali ka pa magigising. Sandali lang at maghahanda ako,” nagmamadaling sagot nya sa asawa at dumiretso sa kusina para magluto.

Ngunit hindi pa man din siya nakakalayo ay agad na nahila ni Mario ang kaniyang buhok sabay suntok sa braso ng babae.

“Hindi ko malaman kung bakit kita inasawa. Napakabobo mo at walang kwenta! Bilisan mong magluto kung ayaw mong black eye ang mapala mo sa akin, ang aga aga ay puro kabwisitan ang binibigay mo,” pahayag ng lalaki.

“Nasasaktan ako Mario,” wika ni Susana habang tumutulo ang kaniyang luha.

“Ah nasasaktan ka? O ito pa tanggapin mo,” baling naman ng lalaki saka niya sinikmuraan ang misis at napaupo na lang ito sa isang tabi.

Napaluha na lamang si Susana sa sakit ngunit pilit na kumilos at nagluto, ayaw niyang magising ang kanilang anak nang dahil sa kaniyang hagulgol.

Hindi naman niya inakalang ganito ang kaniyang asawa dahil mabait ito noong unang dalawang taon nila pero simula nga noong nanganak siya at nabaon sila sa utang ay naging mainitin ang ulo ni Mario. Siya ang palaging napagbabalingan.

Hayaan mo na Susana, mabait naman ang mister mo. Masama lamang ng gising niya, isip-isip ng babae habang nagluluto ng itlog.

Basta ang mahalaga ay hindi niya kayo ginugutom at isa siyang mabait na ama, dagdag pa niyang pagkukumbinsi sa sarili.

Halos mag-aanim na buwan na siyang nakapanganak, hindi pa man tuluyang magaling at malakas ang kaniyang katawan ay agad na siyang nabugbog sa gawaing bahay. Nasasabayan pa ng pananakit ni Mario kaya nga puno lagi ng pasa ang kaniyang katawan.

“Aalis na ako ng bahay, yung mga pasa mo itago mo at ayaw kong tinatanong ng mga kapitbahay dito,” wika ni Mario at saka niya sinampal ng mahina ang asawa.

Tumango lamang si Susana at tinignan ang pag-alis ng kanyang mister. Noong nakalayo na ito ay saka siya humagulgol ng iyak habang may takip na damit ang kaniyang bibig upang hindi ito marinig ng kaniyang kapitbahay at ng natutulog niyang anak.

“Susana, nakita ko iyong ginawa sayo kanina ni Mario,” wika ni Aling Thelma na lumapit sa kaniyang pinto.

“Ho? Pasensya na ho kayo pero wala naman ginagawa ang asawa kong masama,” baling pa ni Susana dito.

“Hindi man naman kailangan matakot sa akin Susana, hindi ako kaaway,” saad pa ni Aling Thelma.

“Mahal ho ako ng asawa ko at kaya lang naman siya ganoon sa akin dahil marami kaming utang ngayon dahil sa panganganak ko kaya kasalanan ko rin naman lahat ng hirap na nararanasan ko ngayon,” pahayag ni Susana dito.

“Naiintindihan kong marami kayong utang at mahal mo ang asawa mo pero hindi ka ba nag-aalala para sa sarili mo? Nakita mo na ba ang katawan mo ngayon sa salamin, sobrang payat mo na Susana at punong puno ka rin ng pasa.

Hindi ko ito ginagawa para panghimasukan kayo kundi para sa anak mo, kailangan ka niya Susana. Baka bukas makalawa ay magulat na lang akong wala ka ng buhay nang dahil sa pagod at pangbubugbog ni Mario,” paliwanag ng ale.

“Siya basta andito lang ako, sumigaw ka lang ng tulong at agad na may sasaklolo sa iyo. Huwag mong isiping dayo ka lang kaya hindi ka namin tutulungan, andito lang ako Susana,” saad pang muli ng ale at hinalikan sa ulo ang babae saka umalis.

Hindi na sumagot si Susana at tahimik na lang na umiyak.

Kinagabihan ay dumating na si Mario at nakainom ito. Agad nanginig ang katawan ni Susana dahil tiyak na bugbog na naman ang kaniyang aabutin.

“Ito ang tsinelas mo,” saad ng babae at huhubarin na sana niya ang sapatos ng asawa ngunit isang malakas na sipa sa mukha ang ibinigay sa kaniya ni Mario.

“Ikaw ang pinakawalang kwentang nangyari sa buhay ko,” wika pa ng lalaki at umakto itong sasapakin si Susana ngunit mabilis na nakasigaw ng tulong ang babae at tumakbo palabas buhat ang kaniyang anak.

“Pumasok ka dito! Huwag mo akong ipahiya sa mga kapitbahay,” baling pa ng lalaki.

Ngunit patuloy lamang sa pagsigaw ng tulong si Susana hanggang sa dumating si Aling Thelma at ang ilang kapitbahay. Agad ding dumating ang ibang tanod at pilit na dinadala si Mario sa barangay upang doon magbigay ng paliwanag.

“Hindi ko nga sinasaktan yan, kahit tanungin niyo pa ang asawa ko,” madiing wika ng lalaki sabay tingin kay Susana at pinandilatan ito.

Sasagot pa lang sana si Susana ngunit laking gulat niyang ipinagtanggol siya ng mga kapitbahay at niyakap siya ni Aling Thelma. Ang mga ito na ang nagtestimonya na naririnig at nakikita pala nila ang mga pananakit ni Mario sa kaniya. Doon niya naramdaman na hindi siya nag-iisa at may mga tao palang handang tumulong sa kaniyang pinagdadaanan.

Inaresto si Mario at doon napag=alamang lulong pala ito sa bisyo kaya agad na ipinadala sa rehab upang makapagpagaling. Samantalang si Susana naman ngayon ay naninirahan mag-isa kasama ng kaniyang anak at nag-aaral ng iba’t-ibang paraan upang kumita na itinuturo sa kanilang barangay.

Laging tandaan na walang taong nag-iisa. Kahit na anong problema pa yan. may tutulong at tutulong pa rin, kaya wag mahihiyang magsabi ng pinagdaraanan.

Advertisement