Inday TrendingInday Trending
Iniligaw ng Mag-Asawa ang Bastardong Anak ng Kanilang Yumaong Anak, Tameme sila nang Bigla Itong Magbalik

Iniligaw ng Mag-Asawa ang Bastardong Anak ng Kanilang Yumaong Anak, Tameme sila nang Bigla Itong Magbalik

”Kailangan nating idispatsa ang batang iyan dahil siguradong makikihati pa iyan sa mamanahin ng ating tunay na apo,” wika ni Alejandra sa asawang si Procopio.

“May naiisip ka na bang paraan? Basta huwag lang masasaktan o mapapahamak ang bata. Kahit paano ay bata pa rin iyon, Alejandra, at hindi tayo kriminal para gawan ng masama ang walang kalaban-labang musmos,” balik na sabi ng mister.

“G*go! Wala naman akong sinabing sasaktan ang bata. Ang plano ko ay iligaw ang anak sa labas ni Ramon sa malayong lugar kung saan hindi na siya mahahanap pa. Para hindi na siya makabalik dito sa atin.”

Agad na nag-usap ang mag-asawa kung paano ang gagawing pagligaw sa anak sa labas ng kanilang anak na si Ramon. Maagang nasawi ang lalaki dahil sa kumplikasyon sa atay kaya naulila nito ang anak na si Roque. Anak ito ng lalaki sa ibang babae at nang abandonahin ng ina ang bata ay ito na ang nag-alaga at nagpalaki. Hiwalay sa asawa si Ramon at mayroon itong anak sa totoong asawa. Ito ay walang iba kundi si Eunice. Mas mahal ng mag-asawang Alejandra at Procopio ang kanilang tunay na apo kaysa sa anak sa labas ni Ramon na labis nilang kinaiinisan. Kaya ngayong wala na ang kanilang anak ay malaya na silang idispatsa ang bata para hindi na makihati pa sa mga iniwang mana ng lalaki. Napag-alaman kasi nila na may inihandang last will and testament ang kanilang anak kaya hindi sila makakapayag na mabahagian ang mana ang hindi naman nila itinuturing na kadugo.

Kinaumagahan ay maagang nagising ang mag-asawa para isakatuparan ang kanilang plano.

“Roque, apo. Magbihis ka at aalis tayo!” sabi ng matandang lalaki.

“S-saan po tayo pupunta, lolo?” takang tanong ng bata.

“Mamamasyal tayo ng lolo mo, sa malayo,” sabad naman ni Alejandra.

Narinig ni Eunice ang pinag-uusapan nila.

“Lolo, lola bakit si Roque lang ang ipapasyal niyo? Isama niyo naman ako!” hirit nito.

“Ah, e… Mamamasyal din tayo, apo. Itong si Roque muna ang mauuna ha, pagkatapos kinabukasan ay tayo naman ang mamamasyal, ayos lang ba sa iyo?” wika pa ng matandang lalaki.

“Opo,” maikling sagot ng batang babae.

Nakahinga nang maluwag ang mag-asawa, ang akala nila ay mabubulilyaso pa ang kanilang plano.

Inihanda nila ang kotse at makalipas ang ilang oras ay umalis na sila sa bahay.

Habang nagmamaneho ay lumilinga-linga si Procopio sa paligid, naghahanap kung saan nila ililigaw ang walang kamalay-malay na si Roque. Nang biglang nagtanong ang bata.

“Saan po ba tayo pupunta? Bakit po wala na akong nakikitang bahay sa paligid?” anito.

“Ah, e huwag ka na magtanong apo. Malapit na rin naman tayo sa pupuntahan natin,” sabi ni Alejandra.

Maya-maya ay inihinto na ni Procopio ang sasakyan at bumaba sila sa lugar na maraming puno. Wala na sila sa siyudad kaya malabong makabalik pa ito sa kanila. Limang taong gulang lang ang bata at hindi pa ito marunong magbasa at magsulat kaya hindi ito makakagawa ng paraan para muling guluhin ang kanilang buhay.

“Ah, Roque maglalaro tayo ng tagu-taguan ha. At ikaw ang taya. Hanapin mo kami ng lolo mo ha?” sabi ni Alejandra.

Sumunod naman ito sa utos ng matandang babae. Nagtakip ito ng mata at bumilang hanggang dalawampu. Nagmamadali namang sumakay ng kotse ang mag-asawa at tuluyan nang iniwan sa lugar na iyon si Roque.

Nang imulat ng bata ang mga mata ay hindi na niya nakita ang kanyang lolo at lola sa halip ay katahimikan sa mapuno at masukal na lugar ang tumambad sa kanya.

“Lolo, lola, nasaan na po kayo?!” sigaw ng bata habang hinahanap ang dalawang matanda. Buong araw siyang naglakad sa kakahuyan hanggang sa marating niya ang kalsada. Habang tumatawid ay muntik na itong masagasaan ng isang kotse, mabuti na lamang at naihinto agad ng nagmamaneho ang kotse kaya hindi nahagip ang bata. Agad namang bumaba ng sasakyan ang babaeng nakasuot ng pormal na damit at halatang may mataas na pinag-aralan.

“Ayos ka lang ba, bata?” nag-aalala nitong tanong.

“Okay lang po ako,” anito.

“Teka, anong ginagawa mo sa ganitong lugar? Sino ang kasama mo rito at nasaan ang mga magulang mo?” tanong ng babae.

“Dinala po ako dito ng lolo at lola ko. Sabi po kasi nila sa akin ay ipapasyal nila ako. Hindi ko na po sila makita,” wika ng bata.

“Anong pangalan ng lolo at lola mo?”

“Lola Alejandra at Lolo Procopio po?”

“Anong apelyido nila para mipagtanong natin at para mahanap natin sila?” sabi pa ng babae.

“H-hiindi ko po alam, e,” sagot ng bata habang nagkakamot ng ulo.

Nahabag ang babae at pinasakay niya ang bata sa kotse. Naiisip niya na isama na lang muna ito sa pupuntahan niya at pagkatapos ay saka niya tutulungang makauwi ang bata.

Samantala sa bahay nina Alejandra ay hinihintay nila ang abogado ng yumaong anak na si Ramon. Makikipagkita ito sa kanilang pamilya para ipaalam na ang nilalaman ng last will and testament ng anak.

Maya-maya ay dumating na ang kanina pa nila hinihintay at laking gulat ng mag-asawa nang makita ang abogado at ang kasama nito.

“R-Roque?” gulat na sabi ni Alejandra.

“Magandang hapon, I’m Atty. Leila Santiago. Ako ang abogado ng inyong anak na si Ramon. Kilala niyo pala itong batang ito? Nakita ko siya sa kalsada at mag-isang tumatawid. Paano nakarating doon ang bata?” nagtataka nitong wika.

“Ah, e kuwan, ano kasi,” tanging nasabi ng mag-asawa na hindi malaman kung ano ang isasagot.

“Sila po ang sinasabi kong lolo at lola ko. Iniwan po nila ako sa lugar na maraming puno,” sumbong ng bata.

“Totoo po ba ang sinasabi ng bata?” tanong ng abogado.

“A-ay kuwan kasi ano,” nauutal pa ring sabi ng dalawang matanda na hindi pa rin alam kung ano ang sasabihin.

“Roque ang pangalan mo ‘di ba? Ikaw ba ang isa sa mga anak ni Ramon?” tanong ng babae sa bata.

“Opo, papa ko siya,” anito.

“Ngayon ay alam ko na kung bakit naroon kanina sa malayo ang batang ito. Gusto niyo siyang iligaw ‘no? Kasi walang matinong lolo at lola ang gagawa noon sa sarili nilang apo,” sabi ng abogado.

“Hindi namin siya totoong apo. Isa lang ang apo namin at iyon ay walang iba kundi si Eunice. Ang batang iyan ay anak lang sa labas ng aming anak na si Ramon. Ginawa namin iyon para protektahan ang mamanahin ng aming tunay na apo,” sagot ni Procopio.

“Alam niyo ba na maaari kayong makulong sa ginawa ninyo? At isa pa hindi dahilan ang pagiging anak sa labas ng batang ito para gawin niyo iyon sa kanya. Mabuti na lamang at ako ang nakakita sa kanya.”

“Pasensya na Attorney pero nagsasayang lang tayo ng oras tungkol sa batang iyan. Sabihin mo na sa amin ang last will ng aming anak, iyon naman talaga ang ipinunta mo ‘di ba?” sabad ni Alejandra.

“Buweno, dahil iyon ang gusto ninyong malaman ay sasabihin ko na ang huling habilin ng inyong anak. Ang lahat ng perang pinaghirapan ni Ramon ay mapupunta lahat sa kanyang anak na si Roque. Gayon din ang negosyong kanyang itinayo gamit ang kanyang sariling kapital at ang bahay sa Baguio na kanyang ipinundar ay mapupunta rin kay Roque kapag sumapit ang kanyang ika-labing-walong taon. Ang bahay na ito na kanya ring pinaghirapan ay mapupunta naman sa kanyang isa pang anak na si Eunice,” bunyag ng abogado.

Ikinagulat ng mag-asawa na ang bahay lang ang ipinamana ng kanilang anak sa kanilang apong si Eunice at mas malaki ang napunta sa anak sa labas na si Roque.

“Teka, Attorney, anong ibig sabihin nito? Bakit mas malaking parte pa ang napunta sa bastardong iyan kaysa sa apo namin?” inis na sabi ni Alejandra.

“Ibinigay ni Ramon ang malaking parte ng kanyang ari-arian sa anak niyang si Roque dahil siya ang totoo niyang anak. Si Eunice ay anak sa ibang lalaki ng dati niyang asawa na si Isabela. Samakatuwid ay si Roque ang totoo niyong kadugo,” bunyag pa ng abogado.

Natameme ang mag-asawa sa kanilang nalaman. Ang batang pinagplanuhan nilang iligaw at idispatsa ay ang totoo pala nilang apo.

Mangiyak-ngiyak na humingi ng tawad sina Alejandra at Procopio sa apo nilang si Roque. Pinagsisisihan nila ang ginawang pag-iwan sa bata. Nangako rin sila na mamahalin na nila si Roque gaya ng pagmamahal nila kay Eunice. Dahil wala pang kamuwang-muwang ay mabilis namang napatawad ng bata ang ginawa sa kanyang ng kanyang lolo at lola.

Napakasuwerte ni Roque dahil sa dinami-rami ng taong makakakita sa kanya ay si Atty. Santiago pa ang nakahanap sa kanya. Talagang inilaan sa bata ang mga nararapat lang sa kanya na mapunta.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement