Inday TrendingInday Trending
Grabe Kung Maningil ng Upa ang Babaeng Ito, Sa Huli Karma na ang Kanilang Aanihin

Grabe Kung Maningil ng Upa ang Babaeng Ito, Sa Huli Karma na ang Kanilang Aanihin

Isa sa may pinakamalawak na paupahan ang pamilya ni Mark, at dahil nag-iisa lamang siyang anak kaya halos siya na ang namamalakad sa mga ito. Mahina na rin kasi ang kaniyang mga magulang dahil sa katandaan.

Maayos naman ang patakaran at pamamalakad ng lalaki kaya nga halos sampong taon na rin ang mga taong naninirahan sa kanilang lugar. Bukod kasi sa mababang upa ay maluwag rin ang lalaki pagdating sa bayarin, kung mahuhuli man ay hindi siya nangraratrat ng mga tao.

Ngunit nabago ang lahat nang pumasok sa buhay nila ang kaniyang asawa na si Melai.

“Mahal, yung paupahan lang ang pagkakakitaan natin kaya hindi na maaring pumapalya yung mga bayad nila. Dapat kasi naghihigpit ka e, lalo na ngayon na magkaka-anak na tayo,” saad ni Melai sa lalaki habang nag-aayos ng kaniyang sarili sa salamin.

“Alam mo mahal, yung mga taong iyan e matagal na naninirahan sa amin, bata pa lang ako ay nandito nasa amin kaya naman kilalang-kilala ko na ang mga iyan. Kung papalya man sila sa bayad ibig sabihin nun e gipit talaga,” baling ni Mark sa misis.

“E mahal dati iyon saka lahat nagbabago, iba na ang lahat ngayon dahil may pamilya na tayo,” wika pang muli ni Melai.

Tahimik na lamang si Mark at inaalalayan ang kanyang misis, ito kasi ang unang pagbubuntis ng babae. Kinaumagahan ay agad na inayos ni Melai ang mga records ng mga nangungupahan sa kanila, naglabas din siya ng bagong renta sa bawat bahay.

Hindi na niya pinigilan ang misis sa ginagawa nito dahil naisip na rin naman niyang magtaas ng renta ngunit naawa lamang siya sa mga tao. Tama din naman ang kaniyang misis dahil iba na ang usapin kapag may pamilya na.

“Mark, grabe naman yata ang taas ng renta namin. Sampung taon na kaming nakatira sayo bakit biglang taas naman?” tanong ni Aling Ising, isa sa mga nangungupahan sa lalaki.

“Ganyan na ho talaga ngayon, marami nang pagbabagong magaganap kaya kung gusto niyo pa hong tumira sa amin ay marami po kayong kailangan baguhin,” sagot ni Melai sa ale at hindi hinayaang makapagsalita ang kaniyang asawa.

Halos tatlong libong piso ang pinatong ni Melai sa bawat renta ng bahay at kapag nahuli ng bayad ay may dagdag na isang daang piso kada araw. Mabigat man ngunit naramdaman nila kaagad ang luwag sa kanilang kita noong pumatak ang unang buwan nang pagbabagong ginawa ng babae.

“Mahal, sa tinagal-tagal kong nagpaparenta e ngayon lang nangyari sa akin na nahawakan ko ng buo ang halos ganitong kalaking pera,” wika ni Mark sa kaniyang misis habang abala sila sa pagbibilang ng halos isang daang libong piso.

“Sabi ko naman sayo ‘di ba, e kung dati ka pa nagtaas ng renta mas malaki pa d’yan ang makukubra mo. Alam mo bang sa ibang lugar e taon-taon kung magtaas, kaya normal lang na ganun kalaki ang patong natin,” sagot ni Melai sa kaniyang asawa.

Naisip ng babae na dahil hindi naman nagtaas si Mark ng renta sa mahabang panahon ay dadagdagan pa niyang muli ang upa. Mula sa tatlong libong idinagdag niya ay muli pa siyang nagpatong ng dalawang pang libo sa sumunod na buwan.

“Grabe naman yata ang pagtaas ng renta na ito, Melai,” mahinahong saad ni Aling Rona at ngumiti pa ito kaagad sa babae.

“Madam Melai, ‘yan po ang itatawag niyo sa akin simula ngayon. Saka hindi ‘yan grabe, kasi ibinawi ko lang yung mga taong hindi nagtaas ng renta si Mark. Pero huwag kayong mag-alala, ang susunod na taas dagdag taas ng renta e sa susunod na taon pa,” paliwanag ni Melai sa ale.

“Dati limang libo lang ang binabayaran namin, tapos ngayon sampung libo na. E kung umalis na lang kaya kami, ginagawa niyo kaming pigaing baboy sa pera e,” wika ng isang dalaga na anak ni Aling Rona.

“E ‘di umalis kayo. Sa tingin niyo e makakakita kayo ng ganyan na up and down tapos 10k lang? Hindi kayo kawalan, magsilayas kayo kung gusto niyo!” galit na baling ni Melai saka siya tumalikod.

Halos lahat ay nagreklamo sa ginawa ni Melai, lumapit man ang ilan kay Mark ngunit hindi ito umubra dahil ang babae na ang nasusunod at namamalakad ngayon habang abala ang lalaki sa pag-aalaga sa kaniyang mga magulang.

“Mahal, hindi naman kaya tayo mareklamo niyan sa laki nang dagdag sa renta?” tanong ni Mark sa kaniyang misis.

“Wala na silang oras para magreklamo pa saka tayo ang may-ari, tapang lang nila kapag kinalaban tayo,” mataray na sagot ni Melai.

Makalipas ang tatlong buwang pamamalakad ni Melai ay naisipang dumalaw ni Mark sa kaniyang mga pinauupahan at doon lamang niya nakita na marami nang bakanteng bahay na hindi man lang nakakarating sa kaniya iyon.

“Mahal, kailan pa tayo nagkaroon ng bakante? Bakit hindi ko alam?” tanong ng Mark sa kaniyang asawa.

“Ah, nung nakaraan pa. Nagsipag-alisan na yung iba kasi hindi raw kaya ang upa kaya pinalayas ko na rin, huwag kang mag-alala mahal, may darating pang mangungupahan kaya relax ka lang,” saad ni Melai sa asawa.

Tiningnan lamang ni Mark ang kaniyang misis saka tingin din sa labas ng kanilang bahay. “Kung sino yung matagal na sila pa ang nawala,” isip-isip niya.

At lumipas pa ang ilang buwan at malapit nang manganak ang babae ngunit halos kalahati rin ang bakante sa kanilang paupahan, walang gustong pumatos sa taas ng renta.

Hanggang sa isinugod si Melai sa ospital, caesarian delivery ang kaniyang panganganak at nagkaroon ng maraming kumplikasyon ang bata kasabay din nito ang malaking halaga na kailangan nilang ilabas.

“Singilin mo na yung mga renta para makadagdag sa pangbayad natin,” wika ni Melai sa kanyang mister.

“Wala na, nagbayad na sila ngunit kulang pa rin. Wala pa rin tayong bagong mangungupahan,” malungkot na sagot ni Mark sa kaniyag misis.

“Ito na ang naging resulta ng pagtaas ng renta, nagsisipag-alisan na silang lahat at wala pa ring pumapalit. Ngayon pa na kailangang kailangan natin,” dagdag pa nito.

“Kasalanan ko ito, naging gahaman ako sa pera at naisip kong sila ang hahabol sa atin pero mali pala. Patawarin mo ako mahal,” baling ni Melai at napaiyak na lang ito.

“Hayaan mo na, gagawa muna ako ng paraan,” pahayag ni lalaki saka niya hinalikan sa ulo ang asawa.

Umutang ito ng malaking halaga sa mga kakilala para mabayaran ang ospital at makalabas ang kaniyang mag-ina. Ngayon na nasa bahay na si Melai ay pinag-usapan nilang mag-asawa ang magiging presyo ng bawat upa na hindi masyadong mabigat sa bulsa ng mga tao at hindi rin naman sila lugi. Mas napagtanto ngayon ni Melai na hindi pera ang mahalaga sa ganitong klase ng negosyo kundi ang relasyon mo sa tao.

Advertisement