Naiwala ng Dalagang Treasurer sa Klase ang Kanilang Pondo, Pinaghinalaan Siya ng Mga Kaklase na Magnanakaw
Unang araw pa lamang ng eskwela ay agad nang naging malapit si Chelsea sa kaniyang mga kaklase. Napakamasiyahin kasi ng dalaga at madaldal pa kaya nga giliw na giliw agad ang mga ito sa kaniya.
“I nominate Chelsea for president,” saad ni Jocel.
“Hala mga friends wag niyo akong gawing presidente kasi walang seseryoso sa akin. Like hello guys, please listen to me. I don’t know na, todo na to!” wika pa ni Chelsea habang ginagamit ang tono ng pananalita ni Rufa Mae Quinto.
“Pwede pa ako sa treasurer dahil magaling akong humawak ng pera o di kaya naman muse,” dagdag pa ng dalaga at sabay na nagtawanan ang kaniyang mga kaklase.
Nagtagumpay naman ang babae sa kaniyang pakiusap, nahalal siyang treasurer ng klase.
Nagkaroon sila ng pondo para sa klase, naghuhulog ang lahat ng sampung piso araw-araw upang doon na kukuhanin ang panggastos tulad ng pagpapa-xerox ng kanilang mga test paper, o kaya naman ay mga project.
“Anak, ang laki lagi ng dala mong pera. Bakit hindi mo na lang iwan iyan sa bahay at baka mawala mo pa iyan,” saad ni Aling Hilda, ang nanay ng dalaga.
“Araw-araw kasi kami halos may bayarin Ma kaya kailangan dala ko rin ito palagi. Mahirap na at baka masabihan pa nila akong nangungupit,”sagot ni Chelsea sa kaniyang nanay.
“Ikaw bahala anak, basta lagi kang mag-iingat ha,”baling pang muli ng ale.
Ngayong nasa kalagitnaan na ang klase ay nasa higit sampung libo na rin ang dala niyang pera. Sakto naman na may program sa kanilang eskwelahan, kung saan kakailanganin silang magsuot ng magagarang damit. Napagkasunduan ng buong klase na gamitin ang pondo nila pambili noon.
“Chelsea, sa darating na lunes na natin babayaran ng buo yung damit ha. 7,000 bale yung kulang natin,” wika ni Annabel, ang presidente ng kanilang klase.
“Sige, ako na rin bahala magbayad doon tutal lagi ko naman dinadaanan yun pag-uwi,” sagot ni Chelsea dito.
Dahil Martes pa lang ay napagpasyahan niyang iwan muna ang pera sa kanilang Bahay. Sa susunod na Lunes pa naman niya gagamitin ito para mabawasan na rin ang kaniyang kaba sa araw-araw na malaking halagang niyang dala-dala.
Hanggang sa dumating ang araw ng Sabado at pumasok si Chelsea sa kaniyang klase, mugto ang mga mata niya na tila ba kakagaling lamang sa iyak ng dalaga.
“Annabel, pwede ba tayong mag-usap,” wika ni Chelsea sa kaklase.
“Don’t tell me this is about our fund kaya maga iyang mata mo?” tanong kaagad ng babae.
“Hindi ko sinasadya, na-holdap ako ngayon lang pagpasok ko. Naisip ko na kasing bayaran sana ngayon para kukuhanin na lang natin sa Lunes ang mga damit pero hindi ko akalain na madadali ako sa recto,” hagulgol ni Chelsea.
“Huwag ka nang umiyak, sabihin na lang natin sa mga kaklase natin para magawan na ng paraan yung damit,” baling ni Annabel.
Agad na pinahayag ng dalaga ang nangyari sa kaniya at katulad ng inaasahan ay may ilang nagalit, naawa at hindi naniwala sa kaniyang kwento. Isa na dito si Yasmin, “Alam niyo, hinala ko lang naman ito ha. Pakiramdam ko hindi talaga nanakaw ang pera, ginamit niya yun. Plano niya na kuhanin talaga ang pera natin kaya nga nagkusa siya sa pagiging treasurer e,” saad pa ng babae sa kaniyang mga kaibigan.
Kaya sinundan nila si Chelsea sa bahay nito, “See, sa squatters lang sila nakatira kaya hindi malayo na naakit yun sa malaking pera at baka pinangbili na nila ng pagkain,” baling pa ni Yasmin.
“Oo nga, mahirap lang pala sila. Ang lagay ay nagpaawa lang sa atin pero ang totoo ay ini-enjoy niya na ang 7,000,” saad naman ni Camille, isa pang kaibigan ng babae.
“Tara, puntahan natin sa bahay nila tapos kunwari sorpresa para makita natin kung ano magiging reaksyon nya pag nakita niya tayo,” pahayag pa ni Yasmin.
Hindi pa man din sila nakakapasok sa bahay ni Chelsea ay agad nilang narinig ang usapan sa loob nito.
“Ma, sana hindi ka na umutang nang ganito kalaking halaga. Hindi naman natin kasalanan na maholdap po ako, paano natin mababayaran yan ngayon,” umiiyak na wika ni Chelsea.
“Hayaan mo na anak, maglalabada ako o di kaya magtitinda ng yosi. Ikaw ang ingat yaman sa inyong klase kaya naman ikaw ang responsable sa pagkawala noon, masakit man pero yun ang kailangan natin gawin, papalitan natin kahit papano para hindi ka rin masira sa mga kaklase mo. Ayaw ko na maririnig sa ibang tao na pagbibintangan ka nilang magnanakaw dahil kahit mahirap lang tayo ay pinalaki ko kayo ng maayos,” paliwanag ng ale.
Napalunok si Yasmin sa kaniyang narinig at mabilis silang umalis. Siya mismo ang nahiya sa kaniyang sarili dahil naging napakasama ng kaniyang pag-iisip.
“Boss, ito na ng po pala ang bayad sa damit na order namin,” wika ni Chelsea sa lalaki.
“Ha? Magbabayad ka ulit? E binayaran na ito ng isang babae, kaklase mo rin yata yun sabi niya kukuhanin mo na lang daw,” sagot ng lalaki.
Laking gulat ng dalaga sa kaniyang narinig at agad siyang nagpunta sa kanilang klase upang tanungin kung sino ng nagbayad ngunit walang sino man ang nagsabi.
“Kung ayaw niyo talaga magsabi ay gusto ko pa rin magpasalamat, dahil sa inyo maibabalik ko ang pera na inutang ng nanay ko para dito. Hayaan niyo, babayaran ko pa rin yung nawala kahit paunti-unti,” wika ni Chelsea sa gitna ng klase.
“Ano ka ba naman, hindi na kailangan,” sagot ni Yasmin, saka naman sumang-ayon ang lahat.
Simula noon ay hindi na muling humawak ng malaking pera si Chelsea dahil nadala na ito. Samantalang natuto namang makipagkapwa tao ang mayamang si Yasmin at higit sa lahat natutunan din niyang bawasan ang kaniyang pagiging mapaghinala at mapanghusga sa kapwa.
Dahil hindi lahat ng mahirap ay masama.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!