Todo ang Iyak ng Bata dahil Nawala ang Nanlilimahid na Picture ng Kanyang Ama, Napahiya ang mga Kaklase nang Malaman ang Dahilan
Isang linggo pa lang ang nakakalipas nang mamayapa ang tatay ni Clarence. Kailan lang niya nakilala ang amang si Rafael. Ipinakilala ito sa kanya ng inang si Nerissa. May ibang pamilya ang ama at aksidente lang nitong nabuntis ang kanyang ina ngunit sa kabila noon ay hindi naman siya nito kinalimutan nang tuluyan.
Kahit tuwing Sabado at Linggo lang ito dumadalaw sa kanilang mag-ina ay hindi ito pumapalya sa pagbisita. Kahit pa may importante itong ginagawa o pupuntahan ay hinding-hindi ito nakakalimot na gampanan ang responsibilidad sa kanila, kaya nang maaga itong mawala dahil sa atake sa puso ay labis-labis iyong dinamdam ng bata.
Isang araw, sa eskwelahan ay inutos ng kanilang guro na magdala sila ng litrato ng kanilang mga ama.
“Mga bata, huwag niyong kalilimutang dalhin ang 2×2 picture ng mga tatay niyo ha? Para iyon sa paggunita sa araw ng mga ama,” paalala ng kanilang guro.
Biglang nag-alala si Clarence sa bagay na pinapadala sa kanila.
“Paano kaya ito, nag-iisa na lamang itong litrato ni itay at kupas na kupas na. Baka mamaya ay ipasa pa namin ito kay Ma’am? Ayokong mawala ang kaisa-isang litrato niya na pinanghahawakan ko. Ito na lang ang natitirang alaala ng kanyang mukha na mayroon ako,” wika ng bata.
Kinaumagahan ay ipinaskil ng guro isa-isa sa maluwang na parte ng pader ng silid aralan ang mga litrato na dala ng kanyang mga estudyante. Ang ilan sa mga litratong nakadikit sa pader ay nakasuot ng uniporme. May nakapang-doktor, sundalo, pulis at piloto na maaayos ang pagkakakuha ng mga litrato.
Pero may isang litrato na natatangi sa lahat, ang isang kupas na 2×2 picture sa dulo na dinala ni Clarence. Nakasuot lang ng sando ang tatay niya sa litratong iyon. Tinawanan at minaliit ng mga kaklase niya ang dala niyang larawan.
“Ay ano bang klaseng picture iyan? panahon pa yata ng Hapon iyan, e!” natatawang sabi ng isa sa mga kaklase niyang lalaki.
“Aba, oo nga ‘no! Nanlilimahid na ang picture mo, Clarence. Bakit naman ganyan ang ipinasa mo kay Ma’am?” sabad naman ng isa pa.
“W-wala na kasi akong ibang litrato ni itay,” aniya.
“Kung ako sa iyo, hindi na lang sana ako nagpasa kung walang kasing dugyot lang ang ipapaskil mong litrato sa pader,” sabi naman ng isa niyang kaklaseng babae.
“Hayaan niyo na, gusto yata niya na kasing pangit niya ang picture ng tatay niya,” patuloy na hirit naman ng isa pa at sabay-sabay na nagtawanan ang mga ito.
Ngunit kahit anong pang-aasar ang gawin ng mga kaklase sa kanya ay hindi pa rin niya tinanggal sa pader ang kupas na litrato ng ama.
Nang sumunod na araw ay nakita siya ng mga kaklase niya na hinahalikan ang lumang litrato ng yumaong ama araw-araw pagpasok sa eskwelahan hanggang sa pag-uwi. Walang palya niya iyong ginagawa maliban na lang kung walang pasok.
Dahil sa nawiwirduhan na sa kanya ang mga kaklase ay pinagtripan siya ng mga ito. Pinahiran nila ng sipon, pawis sa kili-kili at iba pang bagay ang 2×2 picture. At tuwing hahalikan ito ni Clarence ay nagtatawanan ang mga ito.
“Yuck, kadiri talaga!” sabi ng isang kaklase habang humahagalpak sa tawa.
“Walang-kaalam-alam ang loko na pinaghalong sipon at pawis sa kili-kili na ang ipinahid natin sa dugyot niyang picture,” pigil ang tawang wika ng isang batang lalaki.
Hindi pa nakuntento ang mga kaklase kaya nagpasya ang mga itong itago ang 2×2 picture.
Kinaumagahan ay nagulat si Clarence nang makita niyang wala sa pader ang litrato ng kanyang ama. Nag-alala siya at nagsimulang hanapin at ipagtanong ang nawawalang litrato.
“Nakita niyo po ba ang picture ng tatay ko?” tanong niya isa-isa sa mga kaklase, sa ibang klase, sa ibang guro, sa security guard at pati sa labas ng eskwelahan. Hinanap niya iyon buong araw. Tiningnan niya sa kanilang silid aralan, sa labas at sa lahat ng pwedeng paghanapan. Pero wala siyang nakita.
“Hindi maaaring mawala ang litrato, iyon na lang ang nag-iisang litrato ni itay kaya kailangan kong mahanap iyon,” nag-aalala niyang wika sa sarili.
Sa kanyang pag-aalala ay lihim naman siyang pinagtatawanan ng mga kaklase.
“Kawawa naman ang loko, walang kaalam-alam sa ginawa natin,” wika ng may katabaang batang lalaki.
“Saan mo ba kasi itinago?” natatawang tanong ng payatot niyang kaklase.
“Basta, sa lugar na hindi na niya makikita pa.”
Umupo siya sa sulok hanggang mag-uwian. Pagod sa kakahanap ng nag-iisang natitirang larawan ng kanyang tatay. Takot na takot siya. Takot na takot na baka lumipas at dumating ang araw na makalimutan niya ang itsura ng kanyang ama kaya nag-umpisa na siyang mapaiyak. Maya-maya ay may lumapit sa kanya.
“Bata, bakit ka umiiyak? tanong ng matandang lalaki na janitor sa kanilang eskwelahan.
“Nawawala po kasi ang picture ng tatay ko,” maluha-luhang wika ng bata.
“Anong picture ba ang tinutukoy mo, iyong kupas na picture?” anito.
“Iyon nga po! Teka, paano niyo po nalaman? nakita niyo po ba?”
“Heto ba ang hinahanap mo?” nakangiting sabi ng matanda sabay abot sa kanya ng litrato.
“Ito nga po! Paano po napunta ito sa inyo?” takang tanong ni Clarence.
“May nakita kasi akong dalawang batang lalaki na naghahagalpakan ng tawa at may itinapon sa basurahan. Nang umalis sila ay tiningnan ko kung ano iyong itinapon nila at nakita ko nga ang litratong iyan. Pinulot ko kasi naramdaman ko na may nagmamay-ari niyan,” hayag ng matanda.
Labis ang pasasalamat ni Clarence sa janitor sa pagpulot nito sa litrato ng kanyang ama. Ipinaliwanag niya rito kung bakit iyon mahalaga sa kanya at naintindihan naman siya nito.
Kinaumagahan ay isinumbong ni Clarence sa kanilang guro ang ginawa ng kanyang mga kaklase kaya pinatawan nito ng kaukulang parusa ang mga makukulit na bata.
Mula noon ay hindi na siya inaasar ng mga kaklase niya. Ibinalik rin sa kanila isa-isa ng kanilang guro ang mga litratong ipinaskil sa pader. Masaya si Clarence dahil naibalik na din sa kanya ang kaisa-isang litrato ng pinakamamahal niyang ama. Para sa kanya, hindi man ito perpekto ay kumpleto at buo naman nitong naiparamdam sa kanya ang pagmamahal noong ito’y nabubuhay pa.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!