Halos Magmakaawa ang Binatilyo sa Kausap sa Telepono na Tanggapin Siya Bilang Hardinero, Kakaiba Naman Pala ang Lihim Niya
Isang araw, may batang lalaki na lumapit sa tindahan ni Mang Tinyong. Siguro ay nasa dose anyos ang bata. Nakasuot ito ng kulay puting t-shirt at maikling shorts. Maya-maya ay nagsalita na ito.
“Magandang umaga po manong, maaari po bang makitawag?” tanong ng bata.
Agad itong nilapitan ni Mang Tinyong.
“Sige lang, bata. Puwede ka nang makitawag,” sagot ng lalaki.
“Magkano po ba ang isang tawag?” anito.
“Limang piso lang,” sabi pa ng may-ari ng tindahan.
Inilabas ng bata sa bulsa ang dala nitong pera kasama ang isang pirasong maliit na papel na may nakasulat na numero. Sinipat-sipat muna nito ang numerong nakasulat sa papel bago pinindot ang telepono.
Napansin ng may-ari ng tindahan na hinahaplos-haplos pa ng bata ang lalamunan nito bago magsalita. Naka-ilang pindot ang bata sa numero na gustong tawagan hanggang sa maramdaman niya na sumagot na ito. Nasa tabi lamang ng bata ang lalaki dahil nag-aayos ito ng mga paninda at naririnig niya ang usapan nito at ng kausap.
“Hello ma’am, magandang umaga po. May nakapagsabi po kasi sa akin na nangangailangan daw po kayo ng hardinero? Nakita ko pong nakapaskil itong inyong numero sa classified ads kaya nagbakasakali na po ako. Maaari niyo po ba ako bigyan ng trabaho? Kung di niyo po naitatanong ay mahusay po ako. Baka po puwedeng ako na lang po ang magtatabas ng damo at halaman niyo,” magalang na wika ng bata.
“A, e pasensya na hijo pero mayroon nang nagtatabas ng damo at halaman sa bahay ko. Ang nakita mong anunsyo sa classified ads ay noong nakaraang buwan pa. Matagal na akong nakakuha ng hardinero,” sagot ng babae sa kabilang linya.
“Ganoon po ba? Pero Ma’am baka sakali lang naman po. Magaling po akong magtrabaho. Sisiguraduhin ko pong mas masisiyahan kayo sa magiging trabaho ko kumpara sa inyong hardinero. Maaari din po nating pag-usapan ang bayad. Kapag tinanggap niyo po ako ay kalahati lang ng ibinabayad niyo sa inyong hardinero ang sisingilin ko,” sabi pa ng bata.
Habang nakikinig sa pag-uusap ng dalawa ay napapangiti ang may-ari ng tindahan sa ginagawang pag-aalok ng bata ng kanyang serbisyo. Kinakitaan niya ito ng determinasyon sa sinabi nito kanina.
Samantala, sa patuloy na pag-uusap ng bata at ng babae..
“Ikinalulungkot ko hijo, pero kuntento na ako sa ginagawang trabaho ng aming hardinero. Isa pa ay napakabait na bata noon at mapagkakatiwalaan. Ang turing na nga namin sa kanya ay parte na ng aming pamilya kaya hinding-hindi ko siya ipagpapalit sa kahit na sino,” wika ng kausap.
“Ma’am! Lilinisan ko na rin po ang buong paligid ng inyong bahay pati ang bubong para araw-araw na kayo ang may pinakamaganda at malinis na bakuran. Bukod po sa pagiging hardinero ay nakahanda rin po akong gumawa ng iba pang gawaing bahay gaya ng pagluluto, paglalaba at pamamalantsa. Kaya parang awa niyo na po, ako na lang po ang kunin niyo sa inyong bahay!” pagmamakaawa ng bata.
“Pasensya ka na talaga hijo pero buo na ang desisyon ko. Isa pa, mayroon na rin kaming kasambahay na gumagawa ng mga sinabi mong pagluluto, paglalaba at pamamalantsa. Malaki ang tiwala namin sa aming hardinero at kung galing at sipag din naman ay talagang panalo na ang batang iyon.”
“H-hindi na po ba kayo mapapakiusapan?” tanong ng bata.
“Hindi na. Hayaan mo, magpapaskil na lang ulit ako kung kailangan pa namin ng isa pang kasama sa bahay, sa ngayon ay wala na kaming mahihiling pa sa trabaho ng aming hardinero. Sige na, paalam,” huling wika ng babae at tuluyan nang tinapos ang kanilang pag-uusap.
Ibinaba na rin ng bata ang telepono. Iniabot nito ang bayad sa lalaki at lumakad na ito papalayo nang bigla itong tawagin ng may-ari ng tindahan.
“Bata, narinig ko ang usapan niyo at napahanga mo ako sa determinasyon mong makahanap ng trabaho. Kung gusto mo, dito ka na lang magtrabaho sa akin at gagawin kitang hardinero. Bukod doon ay gagawin din kitang katiwala dito sa aking tindahan, ano gusto mo ba?” alok ng lalaki.
Ikinagulat niya nang umiling ang bata.
“A, e hindi na po manong. Salamat na lang po!” sagot nito.
“Akala ko ba ay gusto mo ng trabaho? Nagmamakaawa ka nga kanina sa kausap mo, e!” wika ni Mang Tinyong.
“A, iyon po ba? Ang totoo po ay may trabaho na po ako. Ang tinawagan ko po kanina ay ang aking amo. Gusto ko lang pong malaman kung masaya sila sa resulta ng aking trabaho.
Ako po ang hardinero nila. Sinubukan ko lang po kung ano ang magiging reaksyon niya kung sakaling may nag-apply na ibang hardinero sa kanila. Hindi niyo po ba nahalata na iniba ko ang aking boses habang nakikipag-usap kanina?” bunyag ng bata.
Natawa na lang ang lalaki sa ibinunyag ng bata. Hindi niya naisip na mayroong gagawa ng ganoon.
“Nakakatuwa ka namang bata. Napakasuwerte ng mga amo mo sa iyo dahil napakasipag at napakabuti mong bata. Sayang at may pinagtatrabahuhan ka na pala,” nanghihinayang na sabi ng lalaki.
“Mas masuwerte po ako sa kanila dahil pinag-aaral din po nila ako. Kung ako po ang tatanungin ay hinding-hindi ko rin po sila magagawang ipagpalit sa ibang amo dahil sa taglay din nilang kabutihan,” hayag pa ng bata.
Dahil sa natuwa si Mang Tinyong ay hindi na nito pinagbayad ang bata sa pagtawag nito sa pay phone. Masaya namang nagpasalamat at nagpaalam ang bata at sinabing babalik na ito sa bahay ng amo.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!