Sa Sahig Pinakakain ng Pamilya ang Lola Nilang Ulyanin Na, Napaluha nalang Sila nang Magsalita ang Limang Taong Gulang Nitong Apo
Isang gabi, naghahapunan ang mag-anak na Romulo sa munti nilang hapag kainan. Magkakasamang pinagsasaluhan nina Mang Gener, Aling Minda, Lola Nieves at limang taong gulang na si Tintin, anak ng mag-asawa ang sinigang na baboy na inihanda ni Aling Minda.
Habang kumakain sila ay hindi sinasadyang nabagsak ni Lola Nieves ang kutsara habang isinusubo ang kanin. At maya-maya ay nabasag naman niya ang mamahalin at babasaging pinggan kaya nagkalat ang ulam at kanin sa kanilang sahig. Palagi itong nangyayari dahil malabo na ang mata ng matanda at nanginginig din ang mga kamay nito.
Maya-maya ay gumuhit sa buong kabahayan ang malakas na sigaw ni Mang Gener dahil nakapabasag na naman ng pinggan ang ina.
“Ano ba naman iyan, Inay! Sawang-sawa na ako sa kakalinis ng mga nababasag niyo! Nagsasawa na rin ako sa kakapulot at palit ng kubyertos niyo! Palagi pa kayong nakakatapon ng pagkain, ang dami niyong nasasayang na pagkain sa bawat tapon sa sahig!” singhal ng lalaki.
“Inay naman, umayos kasi kayo habang kumakain. Hindi habangbuhay ay magpupulot kami ng mga nabasag niyong gamit o di kaya ay maglilinis ng mga pagkaing ikinalat niyo sa sahig,” inis namang sabi ni Aling Minda sa biyenan.
“Mabuti pa ay kumain na lang kayo sa pinggan na kahoy at doon kayo sa sulok ng sahig kumain sa susunod,” matigas na pagkakasabi ni Mang Gener sa ina.
“Pagpasensyahan niyo na ako mga anak, matanda na kasi ako kaya nanginginig na ang mga kamay ko. Hindi ko naman sinasadya na makabasag o makatapon ng pagkain,” sagot ng matanda.
Sa mga pangyayaring iyon ay tahimik lang na nakikinig si Tintin. Nakaramdam ito ng awa sa kanyang lola habang pinagagalitan ng kanyang ama at ina. Dahil bata pa ay wala siyang magawa para ipagtanggol ang kanyang Lola Nieves.
Kinaumagahan ay nakita ni Tintin ang kanyang lola na nakaupo sa tumba-tumba nito. Nilapitan niya ang matanda at kinausap.
“Lola, okay lang po ba kayo?” tanong ng apo.
Natuwa ito ay hinaplos sa ulo ang bata.
“Ayos lang ako apo, bakit mo naman naitanong?”
“Naawa po kasi ako sa inyo kagabi. Napagalitan na naman po kayo nina Itay at Inay,”
“Anong bago doon apo, e palagi naman akong napapagalitan ng Itay at Inay mo dahil palagi akong nakakabasag ng pinggan, mangkok, baso at iba pa. Madalas din akong makatapon ng sabaw at kanin sa sahig. Wala naman kasi akong magagawa, apo. Matanda na ang lola mo, marami na ang masakit sa katawan ko at nangingilig na rin ang mga kamay ko kaya hindi ko maiwasang makabasag at makatapon ng pagkain.”
“Ibig pong sabihin, lahat po ng matatanda ay katulad din po ng nangyayari sa inyo?” tanong ng bata.
“Oo, apo. Kapag sumapit ka na rin sa edad kong ito ay maiintindihan mo rin ang mga sinabi ko sa iyo. Sa ngayon, ang mahalaga ay i-enjoy mo muna ang iyong kabataan,” wika ni Lola Nieves sabay halik sa noo ng apo.
Nang sumapit ang gabi ay nagsimula nang kumain si Lola Nieves gamit ang pinggan na kahoy. Kung sakali mang mabagsak ito ng matanda ay hindi ito mababasag. Sinunod din nito ang gusto ng anak na sa sulok ng sahig kumain habang ang mag-anak ni Mang Gener ay sa ,mesa kumakain.
Maya-maya ay tumayo sa kinauupuan niya si Tintin at tinabihan sa sulok ang lola niyang kumakain.
“Hoy, Tintin, anak. Bakit ka nariyan? Dito ka kumain sa mesa at hayaan mong kumain sa sulok ang lola mo!” sigaw ng lalaki.
“Anak, bumalik ka nga rito sa upuan mo at dito ka kumain! Palagi kasing nakakatapon ng pagkain ang lola mo kaya diyan na lang siya sa sahig kakain simula sa araw na ito. Hindi na rin siya makakabasag dahil gawa na sa kahoy ang ginagamit niyang pinggan,” sabad ni Aling Minda.
Nang sumunod na araw ay nakita ng mag-asawa na may bitbit na kahoy si Tintin. Nagtanong din ito kung puwedeng makahiram ng lagari at iba pang gamit pangkumpuni. Labis naman itong ipinagtaka nina Mang Gener at Aling Minda.
Hindi nakatiis ang ama at tinanong ang anak kung saan gagamitin ang kahoy at mga hinihinging gamit.
“Teka, anak, para saan ba ang mga iyan?” takang tanong ni Mang Gener.
“Itay, gagawa po ako ng pinggan na kahoy para po sa inyo ni Inay. Para sa pagtanda po ninyo ay may makainan din po kayo,” sagot ni Tintin.
Napanganga ang mag-asawa sa sinabing iyon ng kanilang anak. Di nila namalayan na tumulo na pala ang kanilang luha nang mapagtanto na naging labis ang ginawa nilang pagtrato kay Lola Nieves sa kabila ng edad nito.
Agad silang humingi ng tawad sa matanda at nangakong iintindihin na ang sitwasyon nito. Isinama na ulit nila si Lola Nieves sa hapag kainan bitbit ang pang-unawa at mas maalab pa na pagmamahal rito. Laking pasasalamat naman nila sa ginawa ng anak na si Tintin, kundi dahil sa bata ay hindi nila malalaman ang kanilang pagkakamali.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!