Inday TrendingInday Trending
Nakaramdam ng Kakaiba ang Dalaga sa Gabi-gabing Pag-o-overtime ng Kanyang Nobyo, Gulat Siya ng Malaman ang Totoo

Nakaramdam ng Kakaiba ang Dalaga sa Gabi-gabing Pag-o-overtime ng Kanyang Nobyo, Gulat Siya ng Malaman ang Totoo

Nagkakilala si Rony at Joana sa trabaho. Bago pa lamang si Joana at si Rony ang naatasan na mag-turo kay Joana ng mga kailangan niyang malaman sa kanilang opisina.

“Oh, Rony, ikaw na ang bahala kay Joana ha,” sambit ng manager nila. “At ikaw naman Joana, makinig ka lang kay Rony dahil isa siya sa pinakamasipag kong tauhan dito.”

“At kung may kailangan ka pa, sabihan mo lang ako, okay?” dagdag pa ng manager.”

“Yes ma’am. Salamat po,” sagot ni Joana.

Araw-araw silang magkasama dahil dito. Hindi nagtagal ay sila’y naging magkalapit na magkaibigan.

Palagi silang magkasama sa loob ng opisina, maging tuwing nagtatanghalian o merienda ay sila pa ring dalawa ang nakikitang magkasama.

Palabiro si Rony kaya naman tuwing kasama niya si Joana ay walang tigil rin ang tawa ng dalaga.

Pero nagkakausap rin sila ng seryosohan.

Tuwing sila ay nagkakakwentuhan na tungkol sa mga seryosong bagay, tulad ng mga pangyayari sa kanilang buhay o kaya naman tungkol sa kanilang mga pangarap, ay mas lalong napapalapit ang loob ng dalaga sa binata.

Hanggang isang araw, nagising na lamang ang dalaga na alam niyang gusto na niya ang lalaking lagi niyang kasama.

Humanap si Joana ng tamang tiyempo para ipagtapat ang kanyang nararamdaman kay Rony.

“Rony, pwede ba tayong mag-usap?” ani Joana.

“Bakit? May problema ba?” sagot naman ng binata.

“Hindi ko alam kasi kung paano ko sasabihin to…” sambit ni Joana na hindi mawari kung titingin ba sa mga mata ng binata o hindi.

“Ang alin? Naku ha. Kinakabahan ata ako dyan,” nakakunot na noong sinabi ni Rony.

“K-kasi…”

Nakatitig si Rony sa dalaga habang inaantay ang sasabihin. Tumungo si Joana at mahinang sinabi, “Gusto kita…”

“Ano yun? Pasensya ka na di ko nari-“

“Gusto kita, Rony!” halos pasigaw na nasabi ni Joana.

Di makapaniwala ang binata sa sinabi ng dalaga. Agad niya ring pinagtapat ang matagal niya ng nararamdaman para kay Joana. Inamin niya na matagal niya na ring gustong gustong sabihin kay Joana na gustong gusto niya ang dalaga. Hindi niya lang masabi dahil ayaw niyang masira ang kanilang pagkakaibigan.

Limang taon ang nakalipas…

Nagkatuluyan ang dalawa. Kasalukuyan silang naninirahan ngayon sa isang bubong – hindi pa kasal.

Parehas kasi silang nangungupahan lamang noon sa tig-isang maliit ng kwarto. Naisip nila, na para makatipid ay maghanap na lamang ng mas malaki-laking mauupahan na para sa kanilang dalawa.

Kaya’t ng makakita sila ng ‘apartment for rent’ na nakapaskil malapit sa kanilang trabaho, ay agad na nilang kinuha ito.

Mga ilang buwan na rin silang nakatira rito. Magkatrabaho pa rin sila, pero nasa magkaibang departamento sila kaya’t madalas ay magkaiba rin sila ng oras ng uwi.

Sa pagkakaalam ni Joana, hanggang alas siyete lang ang trabaho ni Rony at bago mag alas otso ay nakauwi na dapat siya.

Pero noong araw na iyon ay halos alas dyis na ng makauwi ang binata.

“Oh, may pinuntahan ka pa ba?” sambit ni Joana na nakaabang kaagad sa pintuan ng kanilang kwarto.

“Nag-overtime lang ako, para makadagdag sana sa mga bayarin natin dito.” Sagot naman ng binatang halatang pagod na pagod.

“Ah, oh sige….” Pagtanggap ni Joana sa dahilan ng binata.

Ngunit sa mga sumunod pang araw ay halos laging ginagabi na umuwi ang binata at nakaramdam na ng kakaiba ang dalaga.

Lihim niyang ipinagtanong sa kanilang opisina kung totoo bang nag-o-overtime ang kanyang nobyo. Kinummpirma naman ito ng gwardya sa kanila, ngunit iba parin ang nararadaman ng nobya.

Na para bang may tinatago si Rony sa kanya. Nagtataka rin ang dalaga dahil kahit panay ang overtime ng nobyo ay hindi naman siya nagdadagdag sa panggastos sa kanilang mga bayarin. Saan napupunta ang pera niya? Tanong niya sa kanyang isip.

Alam niyang mali, pero isang araw habang nasa banyo ang kanyang nobyo at naliligo ay kinuha niya ang cellphone ni Rony para silipin ang laman nito.

Isang pangalan ng babae ang unang lumitaw sa mga mensahe ni Rony.

“Michelle”

Nanginginig na binasa ni Joana ang mga mensahe ng Michelle na ito.

“Ready ka na ba Rony..”

“Ako na ang bahala dun… Basta wag kang kabahan.”

“Basta pumunta ka lang sa lugar na napagusapan natin at handa na ang lahat..”

“Mag-ingat ka sa mga kilos mo kasi baka mahalata tayo ni Joana…”

Hindi na niya namalayan na kasabay ng pagnginig ng kanyang katawan ay ang tuloy-tuloy na pagtulo ng kanyang luha.

Paano niya nagawa sa akin to? Akala ko ba mahal ako ni Rony? Sabi niya sa kanyang isip.

Narinig niyang palabas na ng banyo ang kanyang nobyo kaya’t agad niyang binalik ang telepono sa bag nito at pinunasan rin niya agad ang kanyang mga luha.

Pinigilan niya ang kanyang sarili na magsabi ng kahit ano tungkol sa kanyang mga nabasa.

Lumapit sa kanya si Rony para magpaalam na dahil pupunta na siya ng trabaho. “Mauuna na ako babe. Kita nalang tayo mamaya ha?” at niyakap niya si Joana ng napakahigpit.

Tumango lamang ang dalaga pero hindi na muling napigilan ang pag-iyak. Manloloko. Gusto niyang sabihin ng malakas.

Hinintay ni Joana na aminin sa kanya ni Rony ang tungkol sa Michelle niyang iyon. Pero lumipas pa ang ilang araw at mas lalo siyang naiinis sa kanyang nobyo dahil kung kumilos ito ay parang wala siyang ginagawang mali.

Dumating ang araw ng linggo. Usapan na ng mag nobyo na sila ay magsisimba at kakain sa isanag restaurant pagkatapos.

Tahimik lang si Joana noong araw na iyon. Pigil na pigil na sabihin kay Rony na alam na niya ang kanyang kalokohan.

Naiinis si Joana dahil napakalambing ni Rony sa kanya. Grabe! Parang wala talaga siyang konsensya! Sambit ni Joana sa sarili.

Nag sila’y makarating sa restaurant, nagtataka agad ang dalaga.

“Bakit tayo lang ang nandito?” tanong niya.

“Baka kasi masyado pang maaga, babe, kaya tayo palang nandito.” Sagot ni Rony.

Habang sila ay tahimik na kumakain, nagulat si Joana ng biglang hinawakan ng nobyo ang kanyang mga kamay.

“Joana… Alam mong mahal kita diba..” sambit ng binata.

Di napigilan ng dalaga ang kanyang mga luha. Nagtaka si Rony dahil parang mabigat ang rason ng pag-iyak ng kanyang nobya.

“Babe. May problema ka ba?” malungkot niyang tanong.

“Kailan mo sasabihin sa akin yang Michelle mo?” mahinang sinabi ni Joana.

“Naku! Babe! Hindi mo dapat makita yun? Ibig sabihin ba alam mo na?” nakasimangot niyang sinabi.

“Na niloloko mo ako? Oo. Alam ko na, matagal mo na akong niloloko at may iba kang babae!” sagot ni Joana habang humihikbi.

Natawa ng malakas si Rony at nagtaka ang dalaga kung bakit nagawa pa niyang tumawa.

Tinawag niya si Michelle na nagtatago pala sa may likod ng isa sa mga pader ng restaurant.

Hindi maintindihan ni Joana kung bakit sobrang kapal ng mukha ng kanyang nobyo at pinapunta pa ang babae niya roon.

“Babe, siya si Michelle, siya ang kinausap ko para tulungan ako dito. Isa siyang coordinator. Siya ang tumulong sa akin para masolo natin ang lugar na ito. Siya rin ang tumulong sa akin sa pagpili nito…”

Isang maliit na pulang box ang kinuha niya sa kanyang bulsa. Binuksan niya ito at isang engagement ring ang tumumbad kay Joana.

Muling naluha ang kanyang nobya…

“Babe, ito ang dahilan kung bakit halos lagi akong ginagabi noong nakaraan. Pinag-iipunan ko kasi ito dahil ito ang nararapat para sayo. Mahal na mahal kita babe, kaya sana pumayag kang pakasalan ako…”

Dahil sa kakaiyak ay hindi nakapagsalita ang dalaga at napatango na lamang bilang pag sang-ayon sa pagpapakasal.

Ilang buwan lamang ang nakalipas ay kinasal rin ang mag nobyo. Mula noon ay araw-araw pinatutunayan ni Rony ang kanyang pagmamahal sa kanyang mahal na asawa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement