Inday TrendingInday Trending
Matanggap Kaya ng Tatay na Ito ang Malaking Pasabog ng Kaniyang Unica Hija?

Matanggap Kaya ng Tatay na Ito ang Malaking Pasabog ng Kaniyang Unica Hija?

Matagal na hinintay ng mag-asawang sina Romeo at Anna ang pagkakaroon ng anak. Halos limang taon din silang sumubok hanggang sa wakas ay biyayaan na sila ng anak na babae. Noong una’y hiling pa ni Romeo na lalaki ang maging panganay nila, ngunit lahat ng iyon ay nabalewala nang masilayan niya ang mala-anghel na mukha ni Angelica.

“Kamukha ko siya, hon,” wika ni Romeo sa kaniyang asawa at napaluha pa ito.

“Aalagaan ko siyang mabuti at pangako kong bibigyan ko kayo ng magandang buhay,” dagdag pa ng lalaki saka niya niyakap ang asawa.

Simula noon ay nag pursigeng maiigi ang lalaki, nag-aral pa itong muli para lang ma-promote sa kaniyang pagiging pulis.

Hanggang sa lumipas ang mahabang panahon at lumaki na ang kanilang anak.

“Nasaan na ang prinsesa ko? Nandito na ang papa!” maligayang bati ni Romeo nang makauwi ito sa bahay.

“Susme si papa, malaki na ako kaya ‘wag niyo na akong i-baby pa,” sagot ni Angelica sabay tayo sa kanilang sofa.

“Kahit na lumaki at tumanda ka na e ikaw pa rin ang nag-iisang prinsesa ng buhay ko,” baling naman muli ni Romeo sa anak.

“Siya nga pala, binilhan kita ng bagong bistida para ‘yan ang isuot mo sa unang araw ng klase. Alam kong magkokolehiyo ka na anak at d’yan na magsisimula ang mga nobyo nobyo, pero sana’y magtapos ka muna bago sundin ang mga kagustuhan ng iyong puso ha?” pahayag muli ng ama.

“Huwag kayong mag-alala papa, magtatapos ako at sisiguraduhin ko pong ipagmamalaki niyo ako. Pero hindi ko susuotin itong bistida ha?” sagot naman ni Angelica at saka pumasok ito sa kaniyang kwarto.

“Hindi ba bistida ang uso sa mga kolehiyala ngayon? Bakit ayaw ng anak mo nun?” tanong ng lalaki sa kaniyang misis.

“Hindi naman pare-parehas ang mga babae. Iyang anak natin ay hindi lumaki sa bistida kaya siguro hindi rin niya kinahiligan,” sagot naman ni Anna dito.

“Normal lang ba ang ganun? Saka napapansin kong hindi nag-aayos ang anak natin at palaging lalaki ang mga barkada dito sa lugar natin. Baka naman mamaya e…” baling pang muli ni Romeo.

“Huwag ka nga mag-isip ng ganyan! Bata pa siya kaya madami pang magbabago. Tingnan mo kapag nakatagpo iyan ng gwapo e kikiligin din at mag-aayos ‘yan bigla,” paniniguro ng babae sa kaniyang mister.

Ayaw man aminin ni Anna sa kaniyang sarili ngunit parehas sila ng napapansin ni Romeo. Bata pa lamang si Angelica ay hindi na ito palasama sa mga batang babae, mas kinahiligan rin nito ang mga laruan na pang lalaki. Ayaw nilang bigyan ng ibang pakahulugan ang mga iyon ngunit lumalaki na ang kanilang anak at ganoon pa rin ang asal nito.

Katulad ng ibang mga magulang ay nagdasal at naghihintay lamang si Anna na magbago ang anak at naniniwala siya na babae ang buong pagkatao nito.

Kaya naman masayang-masaya siya nang minsang nagsama ito sa kanilang bahay ng mga kaklase niyang babae.

“Hon, alam mo ba kaninang hapon e dito gumawa ng school project ang anak natin? At hulaan mo sino ang mga kasama niya,” wika ni Anna sa kaniyang mister habang kumakain sila.

“Aba’y sino naman? Nobyo?!” galit na hula ni Romeo.

“Ano ka ba? Ikaw naman oh. Mga babaeng barkada niya, lima sila at puro kikay. Kaya naman maghahanda na ako sa mga susunod na araw dahil alam kong magshoshopping na kaming dalawa!” masayang saad ni Anna.

Natawa na lang si Romeo sa ligaya ng kaniyang misis at lihim din na nagbubunyi ang kaniyang damdamin dahil sa wakas ay hindi magkakakatotoo ang kaniyang kinakatakutan na baka pusong lalaki ang kaniyang anak.

Maya-maya pa ay lumabas ng kwarto si Angelica at naabutang masayang naghaharutan ang kaniyang mga magulang, umupo ito sa kabilang bahagi ng mesa.

“Ma, pa, may sasabihin po sana ako,” wika ni Angelica.

“Ano yun anak? May gusto ka bang sabihin? Ipabili? Magshopping?” sunod-sunod na sagot ng kaniyang ina.

“Sa totoo lang po, alam kong magagalit kayo sa sasabihin ko pero hiling ko lang sana huwag niyo po akong palayasin,” saad ng dalaga.

Kinabahan si Romeo sa kung anong sasabihin ng kaniyang anak. Halo-halo at kung ano-ano agad ang kaniyang naisip. Samantalang tahimik na naghihintay si Anna sa sasabihin nito.

“Babae po ang gusto ko,” pahayag ni Angelica.

Tila nabingi si Romeo sa kaniyang narinig at hindi ito nakapagsalita. Nakita na lamang niyang umiiyak ang kaniyang asawa at nakayuko naman ang kaniyang anak. Tumayo siya sa mesa at lumabas, doon siya nagpahangin at nagpalipas ng gabi.

“Hon, hindi mo pa rin ba kakausapin ang anak natin? Limang araw na rin ang nakakalipas na hindi kayo nagkikibuan,” wika ni Anna.

“Limang araw na ba? Bakit parang kagabi ko lang narinig ang lahat,” sagot ni Romeo sa misis niya.

“Tanggap ko ang anak natin kahit ano pa siya dahil anak natin siya. Kaya sana maintindihan mo ako bilang nanay kung ganito ko siyang sinusuportahan, naniniwala akong magbabago pa ang lahat,” saad ni Anna sa kaniyang mister.

“Nagpapatawa ka ba sa akin, Anna? Paanong mababago iyon kung susuportahan natin? Paano na lang sasabihin ng ibang tao? Pulis pa naman ako, isang kahihiyan para sa akin na magkaroon ng ganoong anak! Inisip ko pa lang na babae ang nagugustuhan niya ay nasusuka na ako!” galit na sagot ni Romeo sa kaniyang asawa.

Simula noon ay hindi na umimik pa si Romeo sa kaniyang anak hanggang sa ito nga ay makapagtapos ng kolehiyo.

“Pa, para sayo itong medalya ko. Alam kong hindi mo pa rin ako tanggap pero gusto ko lang sabihin na tinupad ko ang pangako ko sa’yo. Nakapagtapos na po ako at may mga karangalan pa, sana kahit dito man lang ay mapasaya kita,” saad ni Angelica sa kaniyang ama aka itinaas ang mga medalya.

“Masaya ka ba, anak?” tanong ni Romeo dito. Gulat na gulat ang dalaga dahil sa unang pagkakataon ay muli siyang inimik ng kaniyang ama.

“Opo pa, masaya ako,” sagot nito.

“Talaga bang babae ang gusto mo kahit na lumipas ang mahabang panahon at hindi kita kinakausap?” tanong muli ng lalaki.

“Opo pa, bata pa lang ako e babae na po ang crush ko at mas gusto ko ng baril kaysa manika. Akala ko rin noong una ay normal lang hanggang sa nagkagusto ako sa kaibigan ko, gustong-gusto ko sya, papa. Sobrang saya ko kapag nakikita ko siya pero hindi ko naman siya nililigawan dahil baka itakwil niyo na po akong tuluyan,” paliwanag ni Angelica.

Niyakap siya ng kaniyang ama, gulat man pero mas nauna ang kanilang mga luha. Sabay silang napaiyak at tahimik na sandaling ninamnam ang sandali, “Kung saan ka masaya anak, yun ang importante sa akin. Susuportahan kita,” baling niya kay Angelica at hinalikan ito sa ulo.

Sa halos apat na taong pagtitiis niyang hindi imikin ang anak ay marami siyang napagtanto sa buhay. Na hindi importante ang sasabihin ng ibang tao tungkol sa anak mo, hindi rin kasali sa bilang kung anong trabaho ang mayroon ka para masabi mong may masaya kayong pamilya. Sa katunayan, nasa puso iyon, dahil kalakip ng pagmamahal ang pagtanggap mo sa isang tao.

Simula noon ay naging mas maayos ang pagsasamang muli ng pamilya. Natagalan man si Romeo sa pagtanggap sa katauhan ng kaniyang anak ay hindi naman siya nahuli upang iparamdam pa rin ang buong pagmamahal bilang tatay dito.

Advertisement