Nagnanakaw ang Binatang Ito Para Pasakitin ang Ulo ng Kaniyang Ina Upang Ibigay na Siya ng Tuluyan sa Ama, Sa Huli’y Pagsisisihan Niya ang Lahat
Hindi na kinaya noon ni Aling Marites ang pangbubugbog sa kaniya ng mister kaya naman kahit mahirap ay tuluyan na siyang nakipaghiwalay rito.
Hindi naging madali iyon dahil binuhay niyang mag-isa ang anak na si Gio at mas lalo pang naging mabigat dahil malapit ang loob ng bata sa kaniyang ama.
“Kasalanan mo lahat kung bakit tayo iniwan ni papa! Ayaw ko nang mag-aral!” sigaw ni Gio na noon ay pitong taong gulang lamang.
“Anak kailangan mong mag-aral, kung gusto mo talagang sumama sa tatay mo e magtapos ka muna. Kapag malaki ka na e hindi na kita pipigilan pa,” sagot naman ng ale sa kaniyang anak.
Gusto mang isama ng kaniyang mister ang kanilang anak ay hindi ito binigay ng ale dahil hindi naman daw sila kasal at dapat sa kaniya ang bata kahit ano pa ang mangyari.
Nagtayo ng maliit na karinderya si Aling Marites sa labas ng kanilang bahay, ito na rin ang pinagkakakitaan ng ale sa araw-araw.
“Anak, bakit mo kinuha yung benta kanina sa kaha?” tanong ng ale kay Gio.
“E bakit ba? Gusto ko e! May magagawa ka ba? Kung ayaw mo, e di palayasin mo ko!” matapang na sagot ni Gio sa kaniyang ina.
“Bakit ka ba nagkakaganyan, anak? Lumalaki ka na, kaya sana tigilan mo na ang pangungupit dahil lahat naman ng kinikita ko e para sayo at sa pag-aaral mo,” baling ni Aling Marites sa kaniyang anak..
Hindi sumagot si Gio at umalis na lang ito para pumunta sa kaniyang mga barkada sa labas.
“Ang yaman talaga ni Gio, sagot na naman niya ang inuman mga tsong,” wika ni Alfred, isa sa mga tambay sa kanilang lugar.
“Hangga’t hindi ako pinapayagan ng nanay ko na pumunta kay papa e araw-araw kong pasasakitin ang ulo niya,” saad ni Gio sa mga kaibigan.
“E bakit ba hindi ka na lang lumayas? Para mas madali at makapunta ka na agad sa tatay mo?” baling naman ni Alfred.
“Walang sakit sa ulo ‘pag ganun mga tsong, gusto ko yung nanay ko mismo ang sumuko at ibigay na niya ako ng kusa kay papa para hindi na niya ako hahabulin pa,” wika naman muli ni Gio at saka nila itinaas ang baso na puno ng alak.
Ngayong nasa high school na ang binata ay wala na itong ginawa kundi ang mangupit sa kita ng karinderya ng kaniyang ina.
“Aling Marites, dito ko lang po talaga naiwan yung telepono ko e, sigurado po ako,” wika ng isang babae na kumain sa karinderya ng ale.
“Naku hija, hindi ko na nababantayan ang mga taong nakaupo dyan. Sa malamang e napulot na ng iba at tinangay,” sagot naman ng ale.
“Pasensya ka na anak at nawalan ka ng telepono, ako na ang humihingi ng tawad para sa malas na araw na ito,” dagdag pa ng ale at hinawakan ang kamay ng babae. Tumango na lamang ito saka malungkot na umalis.
“Kawawa naman, nawalan ng cellphone. Ikaw ba Gio wala kang napapansin na tumangay ng telepono nung dalaga?” tanong ni Aling Marites sa kaniyang anak.
“Parang ito ba yun?” saad ng binata sabay labas sa telepono.
“Akin na ito, tutal tinatago mo na ang kaha kaya ito na lang ang kukuhanin ko,” baling pang muli ng lalaki. Hindi na nakuha ng ale ang telepono dahil mabilis na sinangla ito ng binata.
“Baka panahon na para ipahiram mo siya sa tatay niya, baka sakaling magtigil ‘yan sa pagnanakaw at matauhan sa kalokohan niya,” wika ni Aling Linda, matalik na kaibigan ng ale.
“E ang akin lang naman gusto ko munang makapagtapos siya ng pag-aaral bago siya pumunta sa tatay niya. Ano bang masama doon ha, Linda?” malungkot na tanong ng ale.
“Walang masama, ang akin lang naman ay pasubukin mo lang. Babalik naman sa’yo ‘yan kapag nakita niyang gaano siya kaswerte sa poder mo,” saad naman ni Aling Linda.
“E paano kung hindi bumalik? Paano ako? Maiiwan na akong mag-isa sa buhay,” wika ni Aling Marites at tuluyan na ngang umiyak ang babae.
Sinunod ni Aling Marites ang payo sa kaniya ng kaibigan at hinayaan na niyang pumunta at doon tuluyang tumira si Gio sa kaniyang ama. Labis-labis naman ang tuwa ng binata dahil sa wakas makakasama na niya ang kaniyang tatay.
“Pa, san ba ang magiging kwarto ko para mailagay ko na po yung gamit ko?” pahayag ng binata.
“Naku anak, walang kang kwarto sa salas ka lang matutulog. Masikip na kasi sa kwarto namin at hindi naman kita pwede isama sa mga kwarto ng kapatid mo dahil puro babae sila,” baling ni Mang Pedro, ang ama ng binata.
“Ah ganun ba? Ayos lang, sanay naman ako sa hirap. Ang importante ngayon ay magkakasama na po tayo. Ano pa, inom tayo mamaya?” yaya ni Gio sa kaniyang ama.
“Makiki-inom lang ako sa mga tambay anak para walang ambag, alam mo na mahirap nang mahuthutan ng pera,” baling sa kaniyang ng ama.
Napangiti na lamang si Gio at nasabi sa sariling, “Masasanay rin ako, sa una lang naman ganito ang mga bagong lipat,” at ngumiti.
Dumaan ang isang lingo at masakit na ang likod niya dahil sa matigas na higaan sa gabi at madalas ay kumakalam din ang kaniyang sikmura. Wala kasi silang pagkain doon dahil umaasa lang naman pala sa sabong ang kaniyang ama at mananahi naman ang bagong asawa nito.
Kaya napilitan si Gio na magnakaw ng wallet sa isang kainan upang may maipangbili ng pagkain. Ngunit hindi niya inaasahang sa pagkakataong iyon ay mahuhuli na siya ng mga pulis.
“Ma, ilabas mo na ako rito at hinding-hindi na ako magiging sakit sa ulo,” nagmamakaawang wika ni Gio nang dumating ang kaniyang ina sa presinto.
“Ano ba kasing ginawa mong bata ka at bakit dito kita naabutan ha? Nagnakaw ka na naman ba? Diba sinabi ko naman sayo na walang papahinatnang mabuti iyang mga ganyang gawain?” saad pa ng ale.
“Napilitan lang naman ako ma, wala kasing pagkain sa bahay nila papa. Akala ko dati mas magiging masaya ako kapag nakasama ko si papa pero hindi pala dahil mas nahirapan po ako! Ngayon ko nakikita lahat ng sakripisyo mo para lang may maipakain ka sa akin,” napaluha ang binata.
“Pawatarin mo sana ako mama, pangako ko sa’yo na hindi na ako magpapasaway at hinding hindi ko na papasakitin ang ulo mo. Magiging maayos na akong anak,” saad pang muli ng binata.
Agad na nilabas ni Aling Marites ang anak at sabay silang umuwi. Simula noon ay tinupad nga ni Gio ang kaniyang pangako, ngayon ay katuwang na niya sa hanapbuhay ang anak at masayang nagsusumikap sa buhay.