Inday TrendingInday Trending
Isinisisi ng Aleng Ito ang Pagkawala ng Kaniyang Anak sa Kaniyang Manugang, Sa Huli’y Mangingilabot Siya sa Kaniyang Kasamaan

Isinisisi ng Aleng Ito ang Pagkawala ng Kaniyang Anak sa Kaniyang Manugang, Sa Huli’y Mangingilabot Siya sa Kaniyang Kasamaan

Mula sa siyudad ng Maynila ay buong pusong sumama si Bianca sa kanyang nobyo upang manirahan sa probinsya. Nandoon kasi ang trabaho, bahay at buong angkan ng lalaki.

“Salamat mahal, dahil sumama sa akin at nagawa mong iwan ang Maynila,” wika ni Mike, ang nobyo ng dalaga.

“Ang sabi sa bibliya, kailangang sumunod ng babae sa kanilang mga asawa at ibigay ang aming buong puso sa inyo,” malambing na sagot ng babae.

Hinawakan lamang ni Mike ang malaking tiyan ng dalaga at ngumiti. Wala na nga raw siyang mahihiling pa dahil sa bait ni Bianca at kahit nga wala pa silang kasal sa simbahan ay hindi ito kailan man nagreklamo sa kaniya.

Alam kasi ng babae na si mister ang nagpapa-aral sa kaniyang mga kapatid. Siya din ang namamahala at nagpapalaki sa mga alagang baboy nila. Pagkarating nila doon ay naabutan niya ang mga magulang ni Mike, agad siyang nagmano ngunit agad na umalis ang nanay niya at hinila ang lalaki.

“Sana pinanagutan mo na lang iyang nasa tiyan niya, sinabi ko na sayo sa tawag na hindi ko gustong dalhin mo iyang babaeng iyan dito sa atin,” wika ni Aling Delia, ang nanay ni Mike.

“Ma, malaki na ako, may sarili na rin akong desisyon pati puso at kasama doon si Bianca at ang aming magiging pamilya. Kaya sana naman e matanggap niyo po siya at ang una niyong apo,” saad ni Mike sa ale.

“E diba sinabi ko naman sayo na ayaw ko ng tiga-Maynila. Paano na lang si Berta na matagal ko nang gustong maging manugang? Wala na, ipagpapalit mo diyan sa babaeng hindi ko naman kilala!” galit na sigaw ng ale.

“Malay ko ba kung pera lang habol niyan o di kaya magnakaw iyan. Magising na lang akong isang araw ay limas na ang mga gamit natin,” dagdag pa ng ale.

“Ma, grabe naman na po ata yung pag-iisip niyo. Hayaan niyo muna kaming tumira dito para makilala niyo yung tao at kapag talagang ayaw niyo pa rin saka kami bubukod,” baling ni Mike at doon natahimik ang ale.

Naririnig iyon ni Bianca at napahawak na lamang siya sa kanyang tyan. Sa Facebook lamang nagkakilala ang dalawa, nagkarelasyon at nagkita. Agad na may nangyari kaya nga nabuntis ang ang babae sa loob lamang ng pitong buwan.

“Magiging mahirap ang pamamalagi natin dito anak, pero kapit ka lang diyan ha,” wika niya sa sarili habang hinahaplos ang kaniyang tiyan.

“Mahal, pasensya ka na kay mama ha,” pahayag ng lalaki kay Bianca habang inaayos nila ang gamit sa kwarto ng lalaki.

“Ito na rin pala ang magiging kwarto natin, saka ko na igagawa ang maliit na tao na iyan ng sarili niyang kwarto kapag alam ko na kung sino ang kamukha,” lambing na nito sa kaniya.

“Ikaw naman, ayos lang. Naiintindihan ko naman ang nanay mo dahil normal lang naman na maging ganun ang reaksyon lalo na’t hindi naman talaga niya ako nakilala. Hayaan mo, pag-iigihan ko dito sa bahay para matangap niya agad ako,” sagot ni Bianca at ngumiti ito sa kanyang asawa.

Hanggang sa lumipas ang ilang buwan at kahit papano ay kumalma ng kaunti ang pakikitungo ng ale kay Bianca. Halos ang babae na ang gumagawa sa gawaing bahay para hindi ito masabihang tamad.

At dumating na rin ang pinaka-aantay ng lahat, nanganak na si Bianca ng batang lalaki at kamukhang-kamukha ito ni Mike. Doon niya nakitang lumambot kaagad ang ale at buong puso na silang tinanggap.

Akala niya ay yun na din ang simula nang maluwag niyang paghinga sa bahay ng lalaki dahil sa wakas napatunayan na niyang si Mike ang ama ng bata. Kaya nga lang masyadong mapaglaro ang tadhana dahil binawian ng buhay ang kaniyang asawa, nadulas ito sa babuyan at nauntog ang ulo na siyang ikinasawi ng lalaki.

“Ikaw ang malas sa buhay namin! Simula nang dumating ka e nagkanda-leche-leche na ang lahat, tapos ngayon wala na ang panganay ko. Wala na ang anak ko, lumayas ka!” wika ng ale habang umiiyak sa lamay ni Mike.

Hindi na sumagot pa si Bianca dahil ayaw na niyang sabayan pa ang hinagpis na nararamdaman ng bawat isa ngayon. Ang gusto niya lang ay umiyak nang umiyak, hindi niya makita kung saan pa siya huhugot ng lakas upang buhayin ang kanilang bagong silang na anak.

Lumipas pa ang panahon at nanatili pa rin si Bianca sa poder ni Mike, habang lumalaki kasi ang bata ay kitang-kita ang pagkakahawig nila ng namayapa niyang asawa.

“Kundi lang dahil sa apo ko baka matagal na kitang pinalayas at pinatulog sa labas,” saad ng ale.

“Salamat po,” mahinahong bulong niya dito.

“Bakit ba hindi ka lumalaban sa akin ha? Sa tingin mo ba e madadala mo ako sa kakaganyan mo at lalambot ang puso ko sa’yo? Hoy gising!” baling ng ale sabay buhos ng malamig na tubig sa mukha ni Bianca.

“Hinding-hindi kita magugustuhan lalo na ngayon na wala na ang anak ko. Ikaw ang magbabayad ng lahat!” galit na dagdag ng ale.

Naiwang umiiyak si Bianca at saka nagpunas ng mukha. Hindi lamang ito ang unang beses na inapi siya ng ale, napakarami na at hindi na nga niya mabilang pa.

“Mama, bakit ka laging inaaway ni lola?” saad ni Miguel na limang taong gulang na.

“Ha? Hindi anak, wala iyon. Natapon lang ni lola ang tubig sa akin kanina”, sagot ni Bianca sa anak.

“Hindi naman e, sinasadya kaya ni lola yun. Kita ko kaya, saka itong sugat mo dito oh, siya ang may gawa nito e,” wika pang muli ng bata sabay turo sa kanyang sugat.

Napaluha na lang ang babae at niyakap ang anak. Paano nga ba siya bubukod e wala na rin siyang pamilyang babalikan sa Maynila, ulila kasi ang babae nung nakilala pa lang siya ni Mike noon. Kaya nga agad din siyang sumama sa lalaki dahil walang pipigil sa kanya.

“Mike, tulungan mo naman ako. Hirap na hirap na ako,” bulong ng babae habang yakap ang kanilang anak.

Isang umaga, nagising si Aling Delia na init na init. Maaga kasing nagluto ng agahan si Bianca, kaya naisipan niyang kumuha ng mainit na tubig sa mesa at inilagay sa baso.

“Hayop talaga ‘tong babaeng ito, tingnan lang natin kung hindi mo maramdaman ang init na nararamdaman ko sa tubig na ito kapag pinaligo ko na sa’yo,” saad ng ale sa kaniyang isip.

Mula sa salas ay tanaw na nya si Bianca sa kusina na abalang nagpriprito, kaya naman noong palapit na siya dito ay bigla siyang napahinto. Bumagsak ang baso sa kaniyang paa, “Anak?” bulong nito.

Agad na nilapitan ni Bianca ang ale na natulala at bigla na lang hinimatay.

“Ma, ayos lang po ba kayo? tanong ni Bianca habang tinatapik ang pisnge ng ale.

Nang buksan niya ang kaniyang mata ay nakita niya si Bianca at sa unang pagkakataon ay niyakap nya ang babae. “Patawarin mo ako,” bulong niya dito.

“Alam mo ba kanina nung palapit ako sa’yo? Nakita ko si Mike na nakayakap sayo. Nakatitig siya sa akin habang walang habas ang pagtulo ng kanyang luha,” wika ng ale. Nangilabot si Bianca sa kaniyang narinig.

“Si mama naman ang lakas manakot oh,” baling pa ni Bianca dito.

Hindi na sumagot pa ang ale at niyakap niya ang babae. Kitang-kita niya ang kaniyang anak na nakayakap kay Bianca, pilit din itong umiiling na tila ba sinasabing huwag niyang gawin ang balak. Ngayon nga lang din niya napansin na napaso ang kaniyang paa doon sa bumagsak na baso kanina.

“Anak, ititigil ko na. Mamahalin ko na rin ang mag-ina mo,” isip-isip pa ng ale.

Doon niya napagtanto na naging napakalupit niya sa babae kahit na ni minsan ay hindi siya pinakitaan ng masamang ugali nito sa loob ng mahabang panahon. Ngayon e ang anak pa niyang yumao na ang umawat sa kaniyang masamang ugali.

Simula noon ay naging mabait na si Aling Delai sa kanyang manugang dahil palagi niyang nakikita ang kaniyang anak na nakayakap dito. Nangingilabot at napapangiti na lamang siya dahil kahit wala na si Mike ay pinoprotektahan pa rin niya ang kaniyang mag-ina.

Advertisement