Walang Nagawa ang Tricycle Driver Kundi Ampunin ang Batang Iniwan ng Ina, Paglipas ng Taon ay May Malaking Lihim na Mabubunyag
Pinahid ni Waldo ang pawis na tumatagaktak sa kanyang noo. Kapag talaga ganitong bakasyon sa eskwela ay matumal ang byahe ng tricycle, walang masyadong sumasakay. Siguro ay mag-iisang oras na siya sa unahan ng pila pero wala pa ring pasaherong dumarating.
“Psst, bata, ilang taon ka na?” tanong ni Mang Roman, isa sa mga tricycle driver na nakapila. Ito ang kasunod niya.
“Bente singko ho, bakit nyo naitanong?”
“Ba, talaga palang bagets ka pa ano. Akala ko baby face lang. May pamilya ka na ba?” tanong nito.
Napangiti naman si Roman sa tanong na iyon, naalala niya kasi ang mga kapatid.
“Oho,marami nga akong pinag-aaral eh.Pero matatapos na naman ng kolehiyo iyong isa.”
“O? May kolehiyo ka nang anak? Imposible!” napapailing na sabi ng matanda.
“Hindi ho. Si Manong naman, wala pa akong anak. Puro kapatid ang pinag-aaral ko kasi ang nanay ko ay may sakit eh. Ang tatay ko naman maaga kaming iniwan, dose anyos pa lang ako.” kwento niya.
Tumangu-tango naman ang matanda. Palibhasa siguro ay bago pa lang siya sa pagta-tricycle kaya inuusisa siya nito. Anim na buwan palang siya, wala siyang masyadong nakakausap dahil abala siya lagi sa pamamasada. Ang tulad niyang maraming binubuhay ay walang karapatang magpahinga at makipagkwentuhan.
“Nobya? May nobya ka na ano? Ganyang edad ay kasagsagan ko ng panliligaw sa kung sinu-sino,” natatawang tanong ng matanda.
Hindi pa nakakasagot si Waldo ay nahagip na ng mata niya ang mag-inang nakatayo sa harap ng kanyang tricycle.
“Ma’am special na?” alok niya, ibig sabihin ay babayaran na nito ang pamasahe sa tatlong upuan upang hindi na maghintay pa ng kasabay.
Tumango ang babae, mahabang-mahaba ang damit nito. Balut na balot rin, wala na ngang makita sa mukha dahil bukod sa nakatakip ng tela ang ilong at bibig nito ay nakasuot pa ito ng shades. Baka sa relihiyon.
May bitbit itong batang lalaki na sa tingin ni Waldo ay magdadalawang taong gulang.
“Sakay na Ma’am,” sabi niya at pinadyakan na ang motor. Isinakay ng babae ang bata sa kanyang tricycle tapos ay umikot ito sa gawi niya, nag-abot ng 500.
“N-Naku wala ho akong barya. Doon nalang kayo magbayad sa bababaan natin at baka may tindahan, para pwedeng magpapalit ng barya-“
“Ihatid mo ang bata sa address na nakasulat rito. Sa iyo na ang sukli,” sabi nito.
“H-ho?” gulat namang tanong niya. Napalingon pa siya sa bata na inosenteng nakatingin lang sa kanila habang nakasandal sa upuan.
“Basta gawin mo. Naroon ang daddy niya,” medyo naiinis na ang babae.
Kumunot sandali ang noo ni Waldo pero nagising rin naman sa pag-iisip. Kailangan niya nang sundin ang babae, mukha namang hindi malikot ang bata. Tsaka naroon naman raw ang ama sa address, edi sige. Bukod doon, malaking pera na ang 500. Baon na rin ng mga kapatid niya.
“Gagawin mo ba o hindi?” paos na tanong ng ginang, parang hirap magsalita.
“G-Gagawin ko ho.” sabi niya at iniandar na ang motor. Ewan niya ba, iba ang pakiramdam niya sa iniuutos nito. Kung hindi niya lang talaga kailangan ng pera eh.
Ganoon na lamang ang panlalaki ng mata ni Waldo nang marating niya na ang malaking subdivision, iyon ang address na nakasulat sa kapirasong papel na iniabot ng babae.
“Anak ng tokwa, bakanteng lote ito eh!” gulat na sabi niya.
Lumingon siya sa paligid pero imposible, ito talaga ang nakasulat. Nasulyapan niya ang batang nakatanaw sa kanya.
“Naku ‘toy. Paano ba ito? Diyos ko po..”
Sinubukan niyang balikan ang babae sa pilahan pero wala na ito. Dinala niya sa barangay ang bata, ibinilin niya sa kapitan na baka sakaling may mag-claim. Pero palabas na siya nang umungot ito. Nang tingnan niya ay nakaangat ang dalawang braso at tila nagpapakarga sa kanya.
Pilit nilabanan ni Waldo, pero ilang buntong hininga pa ay nadala na rin siya ng damdamin.
“Sige Kap, iuuwi ko na muna.Puntahan ninyo nalang ako sa amin kapag po may nag-claim sa kanya.”
Mabilis lumipas ang apat na taon pero walang bumalik para sa bata.
Isang umaga, malungkot na nakatanaw si Waldo sa bintana ng kanilang bahay. Minsan ay naiisip niya nang sumuko pero alam niyang maraming umaasa sa kanya, lalo ngayon na naging anak-anakan niya na ang batang iniuwi niya noon. Pinangalanan niya itong Walter.
Kapag nakikita niyang busog at nakangiti ang kanyang pamilya, parang napapawi na ang sarili niyang lungkot. Ipinapaalala sa kanya na tama lang ang kanyang sakripisyo, na hindi mali ang kanyang mga desisyon. Na hindi mali na nagkahiwalay sila ni Jona.
Ah, si Jona.
Nang maalala niya ang babae ay inilabas niya ang lumang pitaka at nahaplos ang larawan nitong naroon.
“Kumusta kana?” malungkot na bulong niya.
Ilang taon na ang nakalipas nang maging nobya niya ito. Mahal na mahal niya ang babae at tingin niya naman ay ganoon rin ito sa kanya, ang problema lang ay magkaiba sila ng estado sa buhay.
Nagtanan sila noon at itinira niya ito sa kanila. Kaya lang ilang linggo lang ay dumating ang mga magulang ni Jona, binawi ito at pinamukhaan siya. Ano nga naman ang buhay na maibibigay niya rito? Kung mahal niya raw si Jona, magiging masaya siya kung saan ito maginhawa. Kaya pinakawalan niya ang babae.
Pero kalakip noon ay ang pangako niya sa sarili na pagbubutihin niya, para sa pamilya at para kay Jona. Kaya lang, pag naman talaga trip ka ng tadhana ay di ka titigilan. Nagkasakit ang nanay niya, kinailangan siyang tumayong ama at ina sa mga kapatid kaya napatigil siya sa pag-aaral at namasukan sa kung anu-anong trabaho. Factory worker, pamamasada ng tricycle. Gustuhin niya mang mag-aral muli ay pinauna niya na muna ang mga kapatid.
“Tatay, sino po siya?”
Napalingon si Waldo nang makita ang anak na nakatayo na pala sa kanyang gilid. Bagong ligo na ang bata.
“Naku, aba napaliguan na pala ng ate ang baby ko. Ito ba anak? Wala ito, kaibigan lang ng tatay. Halika na at magbihis. Sino ba ang papasok sa school ha?Sino ang grade 1 na?” lambing ni Waldo sa bata.
“Si Walter!” masikhay naman na sagot nito. Mabilis niya itong binihisan at pinakain ng almusal, bago ay inihatid na sa eskwela.
Bumalik muna siya sa kanila dahil nakalimutan niya ang pouch na ikinakabit sa bewang para paglagyan ng kita. Palabas na siya muli ng bahay nang tawagin siya ng kapatid. Si Ara, ang sumunod sa kanya.
“Kuya, natatandaan mo ba na may suot na kwintas si Walter noong una mong napulot? Hindi ba at ipinatabi mo iyon sa akin?”
Kumunot ang noo niya, “Tapos?”
“Tapos pagbukas natin ay may larawan sa loob diba, larawan niya noong baby pa siya? Binulatlat ko kanina kuya, may maliit na papel pa pala sa likod ng picture. May address,”
Bumilis ang tibok ng puso ng lalaki. Bakit ganon, diba ito na ang pinakahihintay niya? Diba noon niya pa hiling na may magclaim sa batang napulot? Bakit ngayong narito na, nasasaktan na siya. Napamahal na sa kanya si Walter, kung magiging makasarili lang siya ay ayaw niya na itong ibalik.
“Kuya, hindi siya sayo. Karapatan ng bata na malaman ang pagkatao niya,” tila nabasa naman ni Ara ang iniisip niya.
Malungkot na tumango ang lalaki, “Alam ko naman. Hayaan mo, sa Sabado ay bibihisan ko si Walter at pupuntahan namin ang address.”
Pagsapit ng Sabado ay nangingilid ang luha ni Waldo habang bitbit ang bata. Papasok na sila sa malaking subdivision, naglalakad lamang sila.
“Nak, tingnan mo si Tatay. Tingnan mo ang mukha ko. Wag mo akong kakalimutan ha? L-Laging mong tatandaan na mahal kita ha Walter?” bilin niya rito.
Nagtataka namang ngumiti ang bata, “Oo naman po. Mahal rin kita tatay.”
Masayang tumango si Waldo, “Basta ‘nak ha? Pag ano, sakaling ma-miss mo ako ay narito ang number ko sa bag mo. Ida-dial mo lang yan. O kung.. kung gusto mong umuwi sa atin at hindi ka mag enjoy dito sa b-bakasyon mo, tawagan mo ako iuuwi kita pangako. Iuuwi kita anak,”
Diyos ko, pinipigil niya lang ang sarili na itakbo na ang bata. Wala itong kaalam-alam na iiwan niya na ito sakaling naroon ang magulang nito sa address.
Nangangatog na pinindot niya ang doorbell. Ilang minuto lang ay may nagbubukas na ng gate. Pero nanlaki ang mata ni Waldo nang tumambad sa kanya ang tao sa loob.
“Mr. Soriano?!”
Ano ang ginagawa ng ama ni Jona rito?! Mabilis na tumalikod ang lalaki at maglalakad na sana palayo nang pigilan siya ng matanda.
“W-Waldo! Alam kong marami kaming kasalanan sa iyo. Pero mag-usap muna tayo,” mahinahong sabi nito.
Di alam ng lalaki, siguro ay nais niya ring patunayan na di na siya maaaring maliitin ng mga ito kaya matapang siyang nagmartsa papasok sa loob ng bahay.
Sinalubong siya ni Mrs. Soriano na panay ang sulyap kay Walter, nangingilid rin ang luha nito.
“Kumusta ka na?” tanong ng dalawang matanda.
“Mahirap ho ang buhay, tama kayo. Pero nagsusumikap.. napagtapos ko na nga ho ng kolehiyo ang isa kong kapatid. Kayo ba? S-Si Jona..may asawa na?” pasimple niyang tanong.
Pero malungkot na umiling ang dalawa. Ilang sandali pa ay tumayo si Mrs.Soriano at may kinuha sa isang drawer. Iniabot nito sa kanya ang isang sulat, mula kay Jona iyon at ipinadala sa mga magulang.
Mommy at Daddy,
Patawarin po ninyo ako, dahil matapos ninyo akong bawiin kay Waldo at heto na naman ako, naglayas na naman. Siguro ho ay napagod na kayo kaya hindi ninyo na ako hinanap.
Salamat sa inyong pagmamahal, nais ko lang pong sabihin na kaya ako umalis ay dahil buntis ako. Mag isa kong isinilang ang bata na ngayon ay magdadalawang taon na. Akala ko ay maayos na ang lahat pero natuklasan ko noong isang Linggo na may sakit ako. May kanser ako sa lalamunan.
Mahal ko kayong dalawa pero sana ay maunawaan ninyo na karapatan rin ni Waldo na makilala at makasama ang kanyang anak. Iyon ang huling habilin ko, kahit sa mga sandaling ito ay masunod naman sana ang aking puso.
Jona
“A-Anong..” naguguluhang sabi ni Waldo.
“Ilang buwan lang siyang nanatili sa amin matapos naming bawiin sa iyo. Tapos naglayas ulit, nagpadala siya ng sulat kung kailang malala na ang kanyang sakit. Nang mahanap namin siya ay kritikal na sa ospital. Hindi namin binawi ang bata sa iyo, dahil iyon ang huling habilin ni Jona.
Suot ng bata ang gintong kwintas na may litrato sa loob, sabi ni Jona ay mahahanap rin kami ng aming apo balang araw dahil isinulat niya ang address namin sa kapirasong papel sa ilalim ng picture,” paliwanag ni Mr. Soriano.
Ibig sabihin, si Jona ang babaeng nag-iwan sa kanyang tricycle sa bata! Kaya pala iba ang pakiramdam niya noon, at hindi niya ito nabosesan dahil may sakit na.
At ibig sabihin..anak niya nga si Walter!
Mahigpit na nayakap niya ang bata, parang nabingi na siya sa ibang sinasabi ng mga kaharap.
“Tay?” nagtataka namang sabi ni Walter.
“Tay? Oo tatay mo ako! Tatay mo ako anak! Mahal na mahal kita,” umiiyak na wika niya.
Marunong talaga ang Diyos, kapag may kinukuha, may dumarating. Wasak man ang puso niya sa pagkawala ni Jona ay buo pa rin ang kanyang pagkatao dahil ipinagkaloob sa kanya si Walter.