Sawi ang Puso ng Kasambahay na Umibig sa Gwapong Amo, Pero Taas Noo Niya Itong Hinarap nang Muli Silang Magkita Ilang Taon ang Nakalipas
Ang ganda ng ngiti ni Felipa habang nagwawalis sa hardin ng kanyang mga amo, bagay ang tisay na dalaga sa lugar na iyon. Para siyang prinsesang namimitas ng mga bulaklak. Ang problema lang, hindi siya iyong tipo ng prinsesa na naka-gown kundi nakasuot ng uniporme ng kasambahay. Sa utak niya lang ang kanyang pagiging Cinderella.
“Naku, ang ganda ng umaga mo ah. Mga ganyang ngiti, na-goodmorning-an ni Senyorito Rafael ito.” iiling iling na sabi ni Manang Magda, ang mayordoma sa malaking bahay.
“Si Manang naman, nakaka-fresh kasi itong mga bulaklak o.” tanggi niya.
“Sa edad kong ito ay lolokohin pa ako. Ang sa akin lang ha, maganda ka naman talaga at talagang mabait si Senyorito Rafael. Pero kilala ko siya, alaga ko iyon eh! Mahilig sa babae ang batang iyon.
Tsaka, ang kanyang ina. Alalahanin mo, si Ma’am Josefina ay hindi birong kalaban. Ayaw ko lang masasaktan ka Ipa, hindi ka na rin iba sa akin,” seryosong wika nito.
“Opo,” mahinang sagot niya na lamang. Natutuwa siya dahil concerned ang matanda sa kanya, sa kabilang banda naman ay nakokonsensya rin dahil sinuway niya ito. Lingid kasi sa kaalaman ni Manang Magda ay nobyo niya na si Senyorito Rafael. Dalawang taon lamang ang agwat nito sa kanya pero tapos ito ng kolehiyo at siya ay hindi.
Ang nanay niya ay naanakan ng British pero iniwan rin, kaya tisay siya pero mahirap na version. Hindi halata iyon dahil sa kanyang kutis.
Alam niya namang nananaginip lang siya ng gising, na anytime na may maka-buking sa kanilang relasyon ay maaaring mawala ang lahat. Pero masama bang umasa ang puso? Masama bang pagbigyan ang hiling ng nagmamahal? Ayaw niya namang dumating ang araw na magsisi siya dahil ni minsan ay di niya sinubukan. Kaya isinugal niya na.
“Ano ang itinutulala ng prinsesa ko?”
“Ay kalabaw!” napapitlag si Felipa nang makitang nasa unahan niya na ang binata.
“Ang gwapo kong kalabaw.” tatawa-tawang wika ng binata.
Kasalukuyang nagliligpit si Felipa ng gamit niya, alas diyes na kasi ng gabi at pauwi na siya. Si Manang Magda lamang ang stay in, pero siya ay uwian.
“A-Ano ho ba kasi ang ginagawa ninyo dyan Sir? Nakakagulat kayo eh.”
“Sir? Anong Sir Sir ka dyan? Diba, sabi ko sayo ang itatawag mo sa akin ay Honey, Sweetheart o kaya ay Darling. Ayoko ng Sir,” nakangiting wika nito.
Napangiti na rin naman si Felipa pero kasabay noon ay ang pamumula ng kanyang pisngi dahil sa sinabi ng binata.
“H-Honey, ano ba kasi ang ginagawa mo dyan?” nakatungo niyang tanong.
“Yan..alam ko kasing uuwi ka na. Kaya ihahatid na kita, ha?”
Hindi na siya nakakibo dahil hinawakan na ng lalaki ang kanyang kamay at iginiya siya sa sasakyan nito. Sa kanto lang siya nagpapahatid dahil bukod sa ayaw niyang may makakita, hindi rin naman talaga kasya ang sasakyan dahil eskinita ang kanila.
Isang gabi, medyo nag-aalala si Felipa. Day off ni Manang Magda at umalis naman ang si Ma’am Josefina. Mag-aalas diyes na ay wala pa si Rafael.
Nakahinga siya ng maluwag nang marinig ang kotse nito sa labas. Agad niyang pinagbuksan ito ng gate pero napakunot ang kanyang noo dahil pagkababa ng lalaki ay gegewang gewang ito kung maglakad.
“Lasing ka? Hala, bakit ka naman nag-inom ng ganyan. Paano na lang kung..kung naaksidente ka Diyos ko po naman!” panenermon niya habang inaakay ito sa loob.
Hirap na hirap na iniakyat niya ito sa kwarto, pabagsak niya itong inihiga sa kama.
“Bukas na tayo mag-usap. Uuwi na rin ako, ila-lock ko nalang ang pinto-“
Napatigil siya sa pagsasalita nang haltakin siya ng lalaki palapit rito. Nagtapat ang kanilang mga mukha.
“Felipa, mahal na mahal kita,” lasing ito at namumungay ang mga mata.
Lumambot naman ang ekspresyon ng dalaga,”Ikaw rin.”
“Sabihin mo, gusto kong marinig,” pakiusap nito.
“M-Mahal na mahal rin kita..”
Kita niyang napangiti si Rafael, tapos ay namalayan nalang ng dalaga na hinahalikan siya nito. Noong gabing iyon ay isinuko niya ang sarili sa binatang minamahal.
“Mama?”
Napapitlag ang dalaga at pinahid ang luhang tumutulo na pala sa kanyang mga mata. Kung hindi pa siya tinawag ng anak ay hindi siya magigising sa pagbabalik tanaw.
“Mama bakit ka po umiiyak?” tanong ni Ralph, ang kanyang mag-aanim na taong gulang na anak.
“W-Wala naman anak, natitigan kasi kita. May naalala lang akong kamukha mo.” pilit ang ngiting sabi niya.
“Sino po?”
“Artista sa TV, ikaw talaga. Bilisan na natin at male-late tayo pareho.” tatawa-tawang sabi niya. Pareho kasi silang nakasuot ng toga, ito ay ga-graduate sa kinder habang siya naman ay sa kolehiyo.
Kinaumagahan matapos ang nangyari sa kanila ni Rafael ay nagising nalang siya sa malakas na sabunot ng ina nito. Inilayo naman siya kaagad ng binata, pero hindi pa rin siya nakaligtas sa masasakit na salita. Mukhang pera, ambisyosa, makati, higad, gold digger at kung anu-ano pa.
Hindi niya rin malilimutan ang pagkadismayang nakabalatay sa mukha ni Manang Magda, at ang pandidiri sa mukha ng ibang kasambahay. Pero ang pinakasamasakit? Ang blangkong ekspresyon ni Rafael. Nang kumalma ang nanay nito ay si Felipa na ang kusang umalis, hindi naman siya hinabol ng binata at wala na siyang naging balita pa mula rito.
Napaiyak na lamang siya nang malaman niyang buntis siya, bagamat takot sa maaaring mangyari ay mahal niya ang anak at binuhay iyon sa tulong ng kanyang ina. Tila inayunan naman sila ng tadhana dahil ayon sa nanay niya ay na-contact muli nito ang ama niyang British.
Hindi makauwi sa bansa ang tatay niya pero nagpapadala naman ito ng pera, na siyang ginamit niya sa pag-aaral nila ni Ralph.
Umattend muna sila sa graduation ng anak tapos ay sa kanya naman, napaiyak pa siya nang matanggap ang diploma.
“Anak, may sorpresa ako sayo.” nakangiting sabi ng kanyang ina matapos ang graduation.
Napatingin naman siya rito. Muling nagsalita ang ginang, “Makikita mo na sa personal ang tatay mo,” sabi nito at nagpabalik-balik ang tingin sa kanila ni Ralph.
“T-Talaga ho?!”
“Oo! Halika nang umuwi at pupuntahan niya raw tayo sa bahay! Doon nalang tayo mag-celebrate ha?”
Excited na umuwi ang tatlo. Naghihintay sila sa salas nang hawakan ng kanyang ina ang kamay niya.
“Felipa, alam kong hanggang ngayon ay sugatan ang puso mo. Ayoko na sanang dagdagan pero..”
“P-Pero?”
Bakit parang kinakabahan siya sa sasabihin ng ina?
“Matagal na kasing wala ang tatay mo. Oo, totoo na na-contact ko siyang ulit. Pero nag rest in peace na, siguro ay tatlong taon na,” pagtatapat nito.
“Teka teka ‘Nay, naguguluhan ako sayo. Ano ito joke? Pinagtitripan mo po yata kami ni Ralph. Imposible yan, sino ang nagpaaral sa amin? Tsaka sabi mo diba, umuwi na tayo kasi makikita ko na sa personal ang tatay ko?” sunud-sunod na tanong niya.
“Hindi naman ako sayo nakatingin nang sabihin kong makikita mo na ang tatay mo, kay Ralph kaya.”
Sasagot pa sana siya nang makarinig sila ng mahihinang katok sa pinto.
Si Ralph na ang nagbukas noon, pagbalik ng bata sa salas ay akay na ito ng isang lalaking hindi inaasahan ni Felipa na makikita niya pa ulit.
Si Rafael.
Tinakasan ng kulay sa mukha ang dalaga. Anak ng pitong tupa, ilang taon na ang nakalipas ay ganoon pa rin ang epekto nito sa kanya. Pero pinigilan niya iyon, taas noo niyang hinarap ito.
Hindi na siya ang dating kasambahay na madaling mapapaniwala sa mga bola nito.
Nakangiti ang lalaki at may kung ano sa mata nito na hindi niya matukoy. Lungkot, pananabik..pangungulila?
Hindi Felipa, nilalaro ka lang niya. Sanay yan! paalala niya sa sarili.
“Ano ang kailangan mo?” matapang na tanong niya, “Ralph dito ka!” tawag niya pa sa anak.
Tumalima naman ang bata, pero inakay rin ito ng lola at pumasok ang dalawa sa kwarto. Naiwan sila ni Rafael na magkaharap.
“Ano ito? Nagsasayang ka ng oras. Kasi, magse-celebrate kami dahil graduation ko. Oo, nag aral ako at itinuloy ang buhay maski na wala ka. Hindi ninyo na ako kasambahay kaya hindi mo na ako maloloko,” sabi niya pa na umilap ang mata.
“Ipinangalan mo siya sa akin,” nakangiting wika nito habang nakatanaw sa bata.
Lintik na, bakit parang may alam ito tungkol kay Ralph? Sabagay, itatanggi pa ba niya- kamukhang kamukha nito ang bata!
Bumuntong hininga si Felipa, “Tahimik na kami ni Ralph. Ano pa ba ang gusto mo? Pinaglaruan mo na ako noon, bakit babalik ka pa para-”
Hindi niya na naituloy ang sasabihin dahil hinalikan siyang bigla ng lalaki. Pilit siyang kumalas pero malakas ito, pareho silang kinakapos ng hininga nang matapos ang halik.
“Ano ba-“
“Aaminin ko Felipa, laro lang noong una. Pero ako ang nabiktima ng sarili kong patibong. Minahal kita, maniwala ka man o hindi. Kaya nga ako naglasing noon dahil gusto kong iuntog ang sarili ko, gusto kong magising na dahil hindi iyon dapat. Pero nanaig ang damdamin ko at..n-nagalaw kita. Nanaig ang pag ibig ko.
Paggising ko ay nagwawala na si Mama. Ang gago ko dahil wala akong ginawa, nagulat ako sa lahat. Ipinadala niya ako sa Amerika pero tng ina, tng ina talaga Felipa. Hindi kita makalimutan. Nandito ka,” turo nito sa dibdib.
Natulala naman ang babae sa pinagsasabi nito. Kung bola nanaman lahat, puwes tanga yata talaga siya dahil nais niyang maniwala.
Muling nagsalita ang binata, “Hinanap kita. Kung alam mo lang kung gaano kita ka-gustong yakapin noon dahil kasisilang lang ng anak natin. Pero pinigil ko ang sarili ko dahil ayokong guluhin na naman ang buhay mo, inayos ko muna ang kay Mama. Inayos ko rin ang sarili ko..nangako akong hindi ko kayo pababayaan kaya kinausap ko ang nanay mo at sa kanya ako nagpapaabot ng suporta ko sa inyong mag ina.
Pinangako ko na pag-aaralin kita, kayo. Pambawi ko man lang. Naghintay ako Felipa, sana ay sapat na iyong pruweba na hindi biro ang pag ibig ko sayo,” madamdaming sabi nito.
Di makapaniwalang natakpan ng babae ang kanyang bibig,”I-Ikaw ang..nagpaaral sa akin?”
Tumango si Rafael.
Bahala na si Batman, shunga na kung shunga pero niyakap ng mahigpit ni Felipa si Rafael.
Narinig naman nilang nagsalita ang kanyang nanay sa likod, kausap nito ang apo.
“Sabi ko sayo eh, makikita mo na sa personal ang tatay mo.”
Napuno ng tawanan ang munti nilang bahay.
Ilang buwan lang ang nakalipas ay nagpakasal rin ang dalawa. Ngayon ay masaya na silang namumuhay kasama ng tatlo nilang anak.