Hindi Napagtapat ng Babae ang Pag-ibig sa Baduy na Manliligaw; Mas Lalo Siyang Nagsisi nang Magbalik Ito na Sobrang Gwapo na
Nasa huling taon na ng high school si Bettina, abala siya sa pag aayos ng kanyang mga bagong gamit nang biglang sumilip ang kinikilig niyang nanay sa kwarto niya. Alam niya na agad kapag ganoon ang ngiti nito.
“Anak, nandito ang manliligaw mo,” sabi nito.
Napairap naman si Bettina, kilala na niya kasi ang lalaking ito. Ang napaka-korni at napaka-baduy nilang kapitbahay, si Gelo. Kasing edad niya lamang si Gelo pero kung manamit ito ay parang ka-batch na ng kanyang ina, baka nga kaya kahit bata pa sila ay botong boto na ang nanay niya rito. Kulang nalang ay ipagtulakan na siya ng ginang sa lalaki, ito lang din ang nakakapagpatawa sa nanay niyang ubod ng sungit sa ibang binatilyong nais lumigaw sa kanya.
Lumabas naman siya sa salas at nakasimangot na hinarap ito, aba lagot siya sa nanay niya kapag di niya pinakitaan nang mabuti si Gelo.
“Good morning sunshine, good morning bird. I love you Betty,” panimula nito at iniabot sa kanya ang isang gumamela, napansin niya rin sa mesa ang bitbit nitong tikoy. Iyon lang daw kasi ang kaya ng budget nito, may kaya sina Gelo pero di ito nanghihingi sa mama niya ng panligaw, lahat ng ibinibigay niya kay Bettina ay mula sa kanyang bulsa.
Maasim ang mukha ni Bettina na nagpasalamat rito, hindi niya matitigan ang lalaki dahil ang sakit sa mata ng kulay yellow nitong salamin. “Salamat, pwede ba wag mo na akong tatawaging Betty.” Idudugtong niya pa sanang hindi siya si Betty La Fea kaya hindi sila bagay pero pinigilan niya na ang bibig niya.
“S-sige, Bettina.. bigyan mo naman sana ako ng chance. Wala naman akong masamang hangarin sayo,” tapat na sabi ng lalaki. Tinanggal pa nito ang suot na salamin, teka.. ang gwapo pala ni Gelo.
Kung sana lang ay binabawas-bawasan nito ang pomada sa buhok at ang pagsusuot ng stripes na polo, talo pa pala nito ang mga mapopormang binatilyo sa eskwela nila. Bakit ngayon niya lang napansin?
“Huy Bettina.. sabi ko bigyan mo ako ng chance,” sabi ng lalaki. Nagising naman sa pagkatulala si Bettina.
“Nakakailang naman kasi lagi kang nakatitig sa akin, bawas-bawasan mo yan. At saka, bata pa tayo, hindi ba pwedeng friends muna?” alok niya rito.
Saglit namang nag-isip ang lalaki bago nagsalita, “Sige, okay lang sa akin na friends muna tayo. Basta kakausapin mo lang ako at wag mo naman akong iwasan,” sabi nito. Tumango si Bettina, bakit nga ba hindi? Baka mas okay silang magkaibigan, mula noon ay di na niya iniiwasan ang lalaki. Nakilala niya ito ng lubusan, mabuti itong anak at nakakatawa pala ang mga jokes nito. Ito ang naging escort niya sa JS Prom.
Unti-unti.. nahulog ang loob niya kay Gelo.
Hindi niya lang maamin na mahal niya na rin ito, ayaw niyang mapahiya dahil siya naman ang nagpatigil dito na ligawan siya diba? Mabilis lumipas ang mga araw at sumapit ang graduation nila sa high school, naisip ni Bettina na bakit nga ba hindi niya aminin, susubok lang naman. Kung sakaling ayaw ni Gelo, edi ayos lang, magkaibigan pa rin naman sila.
“Huy Gelo, lika dito saglit,” hinila niya ito pero kataka-takang di interesado ang lalaki. Pabirong ginulo niya ang pagkakasuot ng toga sa ulo nito, ang lungkot kasi ng mukha ng lalaki, parang Biyernes Santo.
“Bakit?” tanong nito at inayos pa ang salamin.
“Ang arte mo. Bakit ka nagsisimangut-simangutan diyan, may sasabihin pa naman ako..” hingang malalim.. isa…dalawa.. tatlo, isisigaw niya na sanang ‘Mahal kita!’ nang biglang magsalita si Gelo.
“Kukunin na raw kami ni Papa sa Canada, doon na ako magka-college.” mahinang sabi nito, laglag ang balikat ni Bettina, di na siya nakapagsalita pa.
Makalipas ang anim na taon.
Sinipat ni Bettina ang sarili niya sa salamin. Maganda naman siya, malaki ang dibdib at pwet niya, makinis ang kutis niya. Pero bakit wala pa siyang boyfriend hanggang ngayon? Nape-pressure na siya sa mga tita niya na tanung nang tanong kung kailan ba siya mag aasawa. Kung may boyfriend lang sana siya edi sana wala nang makukulit na magtatanong. Edi sana rin, may maihaharap siya ngayon sa sitwasyong kinalalagyan niya.
Kanina kasing umaga, pagkababang-pagkababa ng nanay niya ng telepono ay nagsisigaw ito sa tuwa. Akala niya naman kung ano lang, normal na kasing nakikita niya itong palihim na nakikipag usap sa telepono sa hindi niya kilala, ewan, baka kumare nito- palagi kasi itong pabulong kung magsalita.
“Anak! Uuwi na pala si Gelo mamaya!” sigaw nito.
“Huh? Saan nyo naman nalaman iyan?” takang tanong niya.
“Ah..eh sabi ng kumare ko, bali-balita lang, alam mo na dito sa lugar natin pag galing abroad sikat,” natatarantang sabi nito. Ang nanay niya talaga, basta tungkol kay Gelo. Ayaw niya mang aminin, pati siya eh excited. Hindi naman kasi nawala ang pag-ibig niya sa lalaki, pag-ibig na ni hindi niya man lang naipagtapat. Baka nga kaya wala pa siyang boyfriend dahil hinihintay niya ito…
Kaya heto siya ngayon, di magkandaugaga sa pag-aayos. Nasa ibaba na kasi ang lalaki at inimbitahan ng magaling niyang nanay na sa kanila na magdinner. Ayaw niyang magmukhang masyadong apektado kaya ilang minuto lang ay bumaba na rin siya. Narinig niya na ang pamilyar na halakhak nito, kausap ang kanyang ina. Agad na hinanap ng paningin niya ang nakasalaming lalaki na baduy ang damit, pero anak ng patola..
Ang gwapo ni Gelo!
Wala na itong salamin, nakasuot ito ng plain na itim na T shirt at short hanggang tuhod. Bagong ahit ang bigote nito, ang bangu-bangong tignan. Pero anak ulit ng patola..
May kasama itong babae.
Hindi pa man rin siya nakaka-recover ay tinawag na siya ng kanyang ina, “Heto na pala si Bettina! Anak halika,” sabi nito.
Dahan-dahang dumako sa kanya ang tingin ni Gelo at nag-lock ang mga mata nila. Si Bettina ang unang umiwas dahil di niya kayang tagalan ang mga titig nito, nakangiti sa kanya si Gelo kaya tinanguan niya na rin ito. Pilit niyang itinatago ang kaba.
Palaging dumadalaw sa kanila ang lalaki, nahihirapan si Bettina na kontrolin ang damdamin niya, ayaw niya namang magkasala- may kasama na itong babae. Isang araw ay sinadya niyang magpagabi ng uwi upang di na niya ito maabutang nasa bahay nila, sumama na lang siya sa party ng kanyang kaibigan. Dahil di sanay uminom si Bettina ay agad siyang nalasing, humahalakhak siyang parang loka nang ihatid siya ng kaibigan sa kanila.
“Good morning sunshine, good morning bird, I love you Betty!” sabi niya na ginagaya ang boses ni Gelo noon, sinundan niya pa ng malakas na pagtawa, tapos ay inulit niya pa ulit. Pero this time, nasabi niya na ang kanyang nararamdaman, “Good morning sunshine, good morning bird, I love you Gelo..” sabi niya, natalisod pa siya sa isang vase ng nanay niya na nakasalansan sa sahig at muntik bumagsak nang may matigas na bisig na sumalo sa kanya. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mata niya nang makita kung sino iyon.
Si Gelo.
“I love you too, dapat di ka nagpapagabi ng uwi, naiinip ako. Ang tagal mo na akong pinaghihintay,” sabi nito at hinalikan siya.
Nalaman ni Bettina na ito pala ang palaging kausap ng nanay niya sa telepono, di pumalya ang lalaki na kumustahin siya habang nasa Canada ito. Di rin pala ito nagkagirlfriend doon at ang babaeng kasama nito sa kanila ay half sister nito. Ipinagtapat niya na rin kay Gelo na noon niya pa ito mahal, kahit baduy pa ito.
Nagpakasal ang dalawa dito sa Pilipinas, minsan ay nagbabakasyon sila sa Canada pero dito sila tumira sa kagustuhan na rin ni Bettina. Ayaw niya kasing iwan ang kanyang nanay, na ngayon ay tuwang tuwa sa kambal na isinilang niya.
Minsan, kung sino pa yung hate na hate mo, siya pa talaga ang magmamay-ari ng puso mo. Huwag tayong magsalita ng tapos, dahil kakaibang magplano ang Diyos!