Matagal nang Iniibig ng Lalaki ang Tomboy Pero Kapatid Niyang Babae ang Gusto Nito; Paano na ang Puso Niyang Umaasa?
Inayos ni Emily ang pagkaka-gel ng maiksi niyang buhok, bago siya lumabas sa bahay nila ay sinipat niya muna ang sarili sa salamin. Ang pogi niya talaga! Sino’ng babae ba ang makakatanggi sa kagwapuhan niya? Di man siya tunay na lalaki, mas malakas naman ang dating niya kaysa sa mga ito. Bukod pa doon, para sa kanya ay malaki ang lamang ng mga tomboy na tulad niya dahil alam na niya ang kagustuhan ng mga babae- kauri niya ang mga ito eh.
Bitbit ang rosas at chocolate ay nagdoorbell siya sa bahay nina Karen, ang kanyang bagong nakukursunadahan. Ilang ulit pa at narinig niyang may nagbukas na ng gate, ang ganda na sana ng pambungad niyang ngiti pero napasimangot siya nang makita ang nagbukas ng pinto. Si Kenneth, ang kuya ni Karen. Hindi niya alam kung sadyang binabakuran lamang nito ang kapatid, o talagang inaasar lang siya nito dahil sa kanya lang naman ito ngingisi-ngisi ng ganoon. Sa ibang manliligaw naman ng kapatid nito ay tahimik ito. Dahil ba tomboy siya?
“Umalis ka sa dadaanan ko, baka di kita ma-tantya,” sigang sabi niya rito.
“Bakit tombs, kaya mo ko?” pang-aasar nito. Lalo pa nitong iniharang ang malaking katawan sa kanya, napapadyak naman siya sa inis. Ang yabang! Palibhasa ay hanggang balikat lamang siya nito. Matagal niya nang kilala si Kenneth, high school pa lamang sila ay paborito na siya nito- paboritong inisin. Kapag may nagugustuhan siyang babae ay inaagaw nito, madali para ritong gawin iyon dahil gwapo naman ang lalaki at simpatiko. Grabe pa nga ang tawa nito nang magpagupit siya noon at ilantad na tomboy siya, tandang-tanda niya- 1st year high school siya nagpaputol ng buhok.
Kaya nga kahit ngayong nagtatrabaho na siya ay iniiwasan niya ito, umiikot na lamang siya sa kabilang kalsada para lang di niya madaanan ang bahay ng mga ito pag pauwi na siya. Pero nagbago lahat nang dumating ang kapatid nitong lumaki sa Amerika, si Karen, talaga namang na-love at first sight si Emily sa babae.
“Tse!” sabi niya nalang at tinabig ito, binilisang maglakad. Malugod naman siyang tinanggap ni Karen sa pamamahay ng mga ito, magkatapat silang nakaupo ng babae habang nagpapa-cute siya rito. Umubo naman si Karen at bumwelong magsalita.
“Ems, kung.. kung talagang pumapatol lang ako, talagang ikaw ang pipiliin ko. Mabait ka, gwapo.. responsable. Kaya lang ay talagang straight ako, lalaki ang hanap ko. Pagkakaibigan lang ang pwede kong maibigay sa’yo eh,” mahinang sabi nito.
Napatango naman si Emily, laglag ang balikat na bumuntong hininga siya.
“Ehem, parang may na-basted dito, sino kaya?” sabi ni Kenneth na kanina pa pala nasa pinto at nakikinig. Tinignan niya ito ng masama, nagpaalam na siya kay Karen at nang dumaan siya sa harap nito ay pasimple niyang kinurot ang natatawang lalaki.
Grabe, ang malas niya naman ngayon. Napagalitan siya kanina sa trabaho, tapos pag-uwi ay binasted naman siya ni Karen. Sinubukan niyang i-text ang mga kaibigan para yayaing makipag-inuman pero busy ang mga ito. Ayaw niya namang manatili muna sa bahay nila dahil mag iisip lang siya nang mag-iisip, kaya mag-isa siyang nagpunta sa pinakamalapit na bar sa kanilang subdivision, magpapakalunod siya sa alak para makalimutan niya ang kamalasang dinanas ngayong araw.
Hindi na alam ni Emily kung nakakailang baso na siya, basta ang alam niya ay umiikot na ang paningin niya at sige-sige nalang siya ng abot sa bartender ng pera. Hindi siya titigil hanggang may nadudukot siya.
“Paano ka kaya uuwi niyan?” nagulat nalang si Emily nang marinig ang baritonong boses, paglingon niya ay nakapamewang pa at taas ang kilay na nakatingin sa kanya si Kenneth.
“Alam mo ikaw na tukmol ka, wala kang ibang ginawa sa buhay mo kung hindi makialam sakin. Ano ang ginagawa mo rito?” asik niya.
“Bakit? Sa’yo ba tong bar? Ikaw lang ang pwedeng magpa-pogi rito?” nakangising sabi nito. Inirapan niya nalang ang lalaki, ayaw niya nang makipag argumento rito. Pag nakikita niya ang mukha nito ay naaasar siya.
Nang hindi siya sumagot ay bumuntong hininga ang lalaki, saka muling nagsalita, “Promise, hindi na ako mang-aasar. Kahit ngayong gabi lang, kausapin mo sana ako nang maayos. Lagi kang pa-taray eh,” sabi nito. Saglit niya itong tinitigan, masarap nga rin naman ang may kakwentuhan. Siguro naman alam na nito ang feeling ng na-basted kaya di siya nito huhusgahan. Sumenyas ito ng isang baso sa bartender at nagsimula na siyang magkwento.
Di nila namalayan ang oras, pareho na silang lasing na lasing ni Kenneth. Tawa sila ng tawa kahit sa mga walang ka-kwenta kwentang bagay.
“Alam mo ikaw, mang-aagaw ka ng babae!” tatawa tawang sabi niya rito.
“Hindi ko iyon sinasadya, mas gwapo lang ako sayo,” kumindat pa ito pagkasabi noon.
“Hindi eh. Naalala mo si Myra? Matagal nang may gusto sa iyon yun eh, hindi mo pinapansin. Pero nung niligawan ko, niligawan mo na rin!” sabi niya, akmang hahampasin niya ang braso nito nang ma-out balance siya at dahil sa kalasingan ay muntik na siyang masubsob sa sahig. Buti nalang mabilis ang kamay ni Kenneth, agad siyang nahawakan nito sa kanyang baywang. Saglit silang nagkatitigan, bumaba ang tingin nito sa mga labi niya pero agad din naman itong natauhan.
“S-sorry..” sabi nito at akmang lalayo, pero hindi alam ni Emily kung ano’ng espiritu ng pagkababae ang sumapit sa kanya, kinabig niya ang lalaki..at siniil ito ng halik.
Dahan-dahang idinilat ni Emily ang kanyang mga mata, bakit ang lamig? Nararamdaman niyang nakakumot naman siya pero malamig pa rin. Nanlaki ang mata niya nang makita ang malaking brasong nakapatong sa baywang niya. Halos mapasigaw siya nang silipin niya ang ilalim ng kumot, wala siyang saplot!
Sinulyapan niya si Kenneth, himbing na himbing pa ito. Mabuti nalang, alas singko pa lamang ng madaling araw. Siguro naman lasing na lasing ito at di na maaalala pa ang mga kaganapan kagabi, itatago niya na lamang ang sikretong ito hanggang sa mamatay siya. Hindi niya alam, pero lumakas ang tibok ng puso niya sa isiping may nangyari sa kanilang dalawa, agad niya naman inalis iyon sa utak niya. Imposibleng may gusto siya rito. Tomboy siya!
Dali dali siyang nagbihis at umalis sa bahay ng mga ito, buti na lang, walang nakakita sa kanya. Lumipas ang mga araw pero hindi na naging normal pa ang lahat para kay Emily, para siyang palaging balisa. Ilang beses niyang nakasalubong si Kenneth pero iniiwasan niya ang lalaki, wala naman silang dapat pag-usapan. Balik sa normal ang lahat.
Pero talagang di siya makatulog, di maalis sa isip niya ang nangyari. Ayaw niya mang aminin sa sarili, tila ba nabali ang pagka-pusong lalaki niya at nahulog na siya sa pinakanakakaasar na taong nakilala niya. Siguro, dapat niya na talaga itong kausapin. Baka kapag nakausap niya ito, magkaroon siya ng closure at lumipas na ang nararamdaman niya.
“Hoy, parang mahal kita, paano na?”
“Kenneth, I love you siguro, hayaan mo na lilipas rin to,”
“Mahal kita!” Tama! Ganoon na lang tapos tatakbo na siya palayo, atleast nasabi niya! Malapit na sa bahay nina Kenneth si Emily at paulit ulit pa siya sa pagpa-practice kung paano magtatapat sa lalaki. Dire-diretso niya nang binuksan ang gate ng mga ito at papasok palang sya sa pinto ay nakita niya na si Kenneth na kayakap ang isang magandang babae. Natulala si Emily, parang sinaksak na paulit-ulit ang puso niya, mas masakit pa ito sa pangba-basted ni Karen.
Tumingin sa kanya si Kenneth at matabang itong nagsalita, “Wala si Karen, kalalabas lang,” sabi nito.
Tumalikod na si Emily, lintik na puso ito. Nagmumukha lang siyang tanga pag pinagbibigyan niya, di na niya napigilan ang luhang sunud sunod na umagos sa kanyang mga mata. Sakto naman na palabas siya ng gate ay nakasalubong niya si Karen, gulat na gulat ito nang makitang umiiyak siya. “Huy, are you okay?” sabi nito.
Hindi niya na ito sinagot at nagmamadali na siyang umuwi. Natulog lang siya maghapon, siguro bukas ay magli-leave nalang siya ulit sa trabaho. Nitong mga nakaraang araw ay palagi siyang nahihilo.
Gabi na nang tawagin siya ng nanay niya sa kanyang kwarto, tinatamad pa siyang nagmulat ng mga mata dahil hindi ito titigil sa pag-alog sa kanya. “Uy, gising na ang dalaga kong pagkaganda-ganda,” sabi nito.
Kumunot naman ang noo niya, “Ma, short hair ako. Naka-T shirt ako, naka-jersey shorts ako, nanliligaw ako sa babae.. tapos tatawagin mo akong dalaga?” tatawa tawang sabi niya.
“Eh, ka-raming satsat. Tumayo na kana riyan at may naghihintay sa iyo sa salas,” sabi nito.
“Sino?”
“Tropa mo.” at lumabas na ang kanyang ina. Tumayo naman si Emily, baka tropa niya nga na manghihiram ng gitara. Di na siya nag ayos, tayu-tayo pa ang maiksi niyang buhok.
Nanlaki ang mata niya nang makita si Kenneth na titig na titig sa kanya, nakaupo ito sa kanilang salas. Agad niyang sinenyasan ang nanay niya, “Ma, sabi mo tropa?”
“Tropa mo naman si Kenneth, diba?” kinikilig na sabi nito.
Diyos ko naman! Ano na namang sadya ng tukmol na ito, namamaga pa ang mata niya sa pag-iyak. “Ano?” mataray na sabi niya.
“Alam kong may nangyari sa atin, hindi mo iyon maitatago kahit na tinakasan mo ako. Di ako masyadong lasing noon.. tandang-tanda ko lahat..” panimula nito. Doon palang ay naubo na si Emily.
“Ano bang sadya mo? Bakit sinasabi mo pa sakin yan? Para ipahiya ako?”
Pero di siya sinagot ng lalaki, nagtuloy lang ito sa pagsasalita, “Ang sama-sama ng loob ko nang umalis ka ng umagang yon, akala ko kasi may pagkakaintindihan na tayo. Akala ko nabago kita, akala ko gusto mo na rin ako pero tuwing nasasalubong mo ako kung makaiwas ka ay daig ko pa ang may sakit. Yung nakita mong babae, pinsan namin yun ni Karen, kaya nga lumabas si Karen para bumili ng meryenda namin.. nagyayakapan kami kasi sa gate palang nakita na kita. Gusto kitang pagselosin, inis na inis kasi ako sayo.” sabi ng lalaki.
Teka, ang lakas lakas ng tibok ng puso ni Emily.
“Yung sagot sa tanong mo, bakit lahat ng nililigawan mo ay niligawan ko rin? Dati pa kitang gusto, ang laki ng pagkadismaya ko nang malamang tomboy ka. Kaya lahat ng dinidiskartehan mo, inaagaw ko para pag naubusan ka ng babae baka lalaki na ang gustuhin mo at pansinin mo na ako. Pero kapatid ko naman ang nakursunadahan mo kaya nawalan na ako ng pag asa. Bwisit na bwisit ako sayo kanina, may nangyari na nga sa atin ay si Karen pa rin ang pupuntahan mo sa bahay..”
“Pero hindi si Karen ang ipinunta ko roon!” di niya napigilang sabihin. Napangiti si Kenneth.
“Na-kumpirma ko lang iyan nang sabihin ni Karen sa akin na umiiyak ka raw. Kaya naisip ko, baka nagselos ka. Baka may pag asa. Emily.. meron nga ba?” parang nahihiyang tanong nito.
Saglit na nag isip si Emily, mahal niya ang lalaki, kanina nga lang na may kayakap ito ay parang guguho ang mundo niya. Magpapakipot pa ba sya?
“Meron pare,” pabirong sabi niya. Ang laki naman ng ngiti ni Kenneth, pati ang nanay niyang kanina pa pala nakikinig ay parang pusang nasagasaan dahil sa hagikgik nito sa sobrang kilig.
Akmang hahalikan siya ng lalaki nang bigla siyang maduwal, nagkatinginan sila at nanlaki ang mata niya. Diyos ko!
“Ehem, parang may magiging tatay na dito ah. Ako kaya?” pabirong sabi ni Kenneth.
Hindi sila nagkamali, nabuntis nga si Emily. Sa buong pagbubuntis niya ay kasama niya ang lalaki, nasa tabi niya rin ito nang manganak siya. Nang maka-recover si Emily ay nagpakasal na silang dalawa ni Kenneth. Samantalang ang laki ng ngiti ni Karen habang naghahalikan ang dalawa sa harapan ng altar, magiging hipag niya pala ang dati niyang manliligaw!
Love moves in mysterious ways, sabi nga nila. Baka kung saan-saan tayo humahanap ng taong itinakda para sa atin, ang hindi natin alam, matagal na pala siyang ipinadala ng Diyos, di lang natin pinapansin.