Inday TrendingInday Trending
Pinagkatiwalaan ng Nanay Paalagaan ang Nag-Iisa Niyang Anak sa Pamangkin, Di Niya Akalaing Ganito ang Gagawin Nito sa Bata

Pinagkatiwalaan ng Nanay Paalagaan ang Nag-Iisa Niyang Anak sa Pamangkin, Di Niya Akalaing Ganito ang Gagawin Nito sa Bata

Responsibilidad at tungkulin ng mga magulang na pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga anak. Ang tungkuling ito ay mahirap gampanan pero mas doble ito para sa mga magulang na walang katuwang sa buhay, katulad ni Mercy na isang dalagang ina.

Ang tanging pangarap ni Mercy ay ang mabigyan ng magandang buhay ang limang taong gulang niyang anak na si David. At para makamit niya ito ay doble kayod siya sa trabaho. Dahil sa kaniyang angking kasipagan ay iginawad sa kaniya ang posisyon bilang pinuno ng kanilang departamento kahit na dalawang taon palang siya sa serbisyo. Kasabay ng pag-angat ng kaniyang posisyon ay ang pagkakaroon din ng mas maraming responsibilidad at trabaho. Bunga nito ay nababawasan ang oras niya para sa kaniyang anak.

Kung malakas pa ang pangangatawan ng mga magulang ni Mercy ay sa kanila niya ibibilin ang kaniyang anak pero hindi na nila kayang subaybayan ang kalikutan ng kanilang apo kaya napilitan siya na ipagkatiwala ang pangangalaga ni David kay Rose na kaniyang pamangkin.

Mahirap lang ang pamilya ni Rose. Dahil sa kahirapan ay iniwan siya sa pangangalaga ng mga magulang ni Mercy noong bata pa lamang siya. Ang mga magulang ni Mercy ang tumayong ama at ina ni Rose. Samantalang kapatid naman ang turing nito sa kaniya. Dahil matagal nila itong nakasama ay nakilala nila ng husto ang buong pagkatao nito. Ito ang dahilan kung bakit kompyansa si Mercy na maaalagaang mabuti ni Rose ang kaniyang anak.

Araw-araw ay maagang umaalis ng bahay si Mercy pagkatapos niyang ihanda ang mga kakailanganin ni David habang wala siya ng sa ganoon ay hindi na mahirapan si Rose. Nag-iiwan din siya ng mga paalala na nakadikit sa ref kasama ang mga numerong tatawagan ni Rose kung sakaling may nangyari sa kaniyang anak habang nasa kaniyang pangangalaga.

Sa kaniyang pag-uwi, bagama’t malungkot si Mercy na hindi na niya nadatnang gising ang anak, ang makitang payapa at mahimbing itong natutulog ay sapat na para mawala ang kaniyang pagod.

Hindi magtatapos ang araw ni Mercy na hindi inuusisa ang mga aklat at kwarderno ng anak. Kahit na si Rose ang madalas na gumagabay sa anak ay sinisiyasat niya pa rin kung nahihirapan ba ito sa kaniyang mga aralin. Ito rin ang paraan ni Mercy para masubaybayan kung ano na ang mga natutunan ni David.

Dumaan ang mga araw na walang inaalala si Mercy. Maayos niyang nagagampanan ang kaniyang trabaho at maayos din ang kalagayan ng kaniyang anak. Ngunit isang tawag mula sa kaniyang mga magulang ang gumimbal sa kaniyang mundo.

“Pamilya ang turing namin sa iyo tapos ito pa ang igaganti mo sa amin!”

“Binigay namin ang buong tiwala namin sa iyo pero nagkamali kami ng pagkakakilala sa iyo!”

“Paano na lang kung mapahamak ang apo namin?”

Ang walang tigil na hagulgol ni Rose at ang mga sigaw ng magulang ni Mercy ang tumambad sa kaniya pagdating sa bahay matapos makatanggap ng tawag sa kaniyang mga magulang.

Naisipang bisitahin ng kaniyang mga magulang ang kanilang apo. Balak sana nilang buong araw na ipasyal si David dahil wala namang pasok ngayon pero hindi nila inaasahan ang kanilang madadatnan. Nadatnan nila si David sa parke na nagbebenta ng droga. Ang limang taong gulang na anak ni Mercy ay ginawang runner ng droga ng kaniyang pamangkin na lubos niyang pinagkatiwalaan.

Nalulong sa sugal si Rose at dahil dito ay nabaon siya sa utang. Hindi sapat ang kinikita niyang pera sa pagtitinda ng mga cosmetic products at sa sahod na ibinibigay sa kaniya ni Mercy. Pagbebenta ng droga kung saan mabilis ang pera ang naisip niyang paraan. At para hindi maghinala ang mga tao sa nagaganap na transakyon ay ginamit niyang runner ang anak ni Mercy.

Nalagay sa peligro si David nung binilin siya ni Mercy kay Rose. Gayunpaman ay hindi niya maatim na pabayaan ang kaniyang pamangkin dahil kapatid pa rin ang tingin niya dito kaya bagama’t galit pa rin siya si ginawa nito ay tinulungan pa rin niya ito.

Binayaran ni Mercy ang mga pinagkakautangan ng kaniyang pamangkin ngunit may kaakibat itong kapalit. Siya mismo ang personal na nagsuko kay Rose sa mga pulis para pagbayaran nito ang kaniyang kasalanan. May puwang pa rin si Rose sa kaniyang puso ngunit sa ngayon ay hindi siya makakapayag na makalapit ito sa kaniyang pamilya lalo na sa kaniyang anak. Dasal niya na habang nasa piitan ay pagsisihan ng pamangkin ang kaniyang mga kasalanan. At kung dumating man ang araw na totoong nagbagong buhay na si Rose ay bukas palad pa rin niya itong tatanggapin sa kaniyang pamamahay.

Ang pangyayari ay nagsilbing aral kay Mercy. Nagresign siya sa kaniyang trabaho kahit mataas ang sweldo niya dito. Gamit ang natitira niyang ipon ay nagtayo na lang siyang ng maliit na bakery sa harap ng kanilang bahay. Hindi man kasing laki ang kinikita niya ngayon kumpara sa dati niyang trabaho ay mas may panahon naman siya ngayon kay David kaya nasusubaybayan niya ang paglaki nito.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement