Inday TrendingInday Trending
Matagal nang Iniibig ng Dalaga ang Kababata, Nalaman Niyang may Pagtingin Rin Ito sa Kanya Pero Huli na ang Lahat

Matagal nang Iniibig ng Dalaga ang Kababata, Nalaman Niyang may Pagtingin Rin Ito sa Kanya Pero Huli na ang Lahat

“Huh, sino kaya iyong dumating?” tanong ni Angie sa sarili.

Nag-aayos siya sa kuwarto nang marinig ang busina ng sasakyan.

Sumilip siya sa bintana at nakita niya ang kanyang kababata na si Alfred. Nakauwi na pala ito galing sa Maynila. Bakasyon na kasi at wala na itong klase.

“Bumalik na siya!” aniya.

Hindi alam ni Angie kung ano ang kanyang gagawin. Balak niya sanang magpunta sa mga kaibigan ngunit ngayong nakita niya si Alfred ay parang ayaw na niyang lumabas ng bahay. Ang lalaki kasi ang kanyang ultimate crush.

Samantala, sa bahay nina Alfred naman ay panay kantsaw ang inabot ng binata sa kapatid.

“Kuya, siguradong may nagtatatalon naman ang puso sa pagdating mo!” biro ng kapatid nito na si Abigail.

“Sino naman iyon?” nagtatakang tanong niya sa bunsong kapatid.

“Sino pa, e di si Ate Angie!”

Napangiti naman ang binata sa pang-aasar ni Abigail.

Mas matanda si Alfred ng apat na taon kay Angie. Siya ay beinte tres anyos na, samantalang ang kababata ay disinuwebe. Malapit silang magkaibigan kahit mas matanda siya sa dalaga. Medyo boyish kasi si Angie, kadalasan na mga kasama nito ay mga lalaki.

Naalala ni Alfred nang minsan umiyak ang kababata dahil tinukso ng mga kalaro na tomboy ito. Nakita niya itong nag iiyak sa tabi ng puno ng mangga. Agad niya itong pinuntahan at binigayan ng mga kendi.

“O, huwag ka na umiyak! Ito kainin mo na itong mga kendi, masarap iyan!” sabi niya rito.

Tumigil sa pag-iyak si Angie at agad na tinaggap ang alok niya.

Mayamaya ay bigla siya nitong hinalikan sa pisngi at mabilis na tumakbo palayo.

Nagulat siya sa ginawa ni Angie ngunit hindi niya iyon binigyan ng ibang kahulugan dahil bata pa nga ito.

Sa kuwarto ni Angie ay patuloy siyang nagmumuni-muni. Inaalala kung bakit nga ba niya naging ultimate crush si Alfred. Nagsimula iyon nang minsang tulungan siya nito sa homeworks niya sa math. Mahina kasi siya sa numero kaya palaging mababa ang grado niya. Dahil magaling sa math si Alfred ay tinulungan siya nito. Tinuruan din siya ng binata sa mga problem solving na nahihirapan siya kaya ang resuta ay naunawaan niya iyon at tumaas ang grado niya. Palagi rin siyang sinasamahan nito kapag may mga lakad siya kahit nagmumukha itong alalay niya ay wala itong pakialam, masamahan lang siya.

Mula noon nagkaroon na siya ng pagtingin sa kanyang kababata ngunit pinipigilan niya ang sariling lubos na mahulog rito dahil iniisip niya na baka natutuwa lang ito sa kanya at ang tingin lang sa kanya ay isang nakababatang kapatid kaya nagsimula siyang dumistansya sa binata. Napansin naman iyon ni Alfred kaya wala itong nagawa kundi dumistansya rin sa kanya.

“Hindi kami bagay, siguradong kapatid lang ang turing niya sa akin,” malungkot na bulong niya sa sarili.

Ang hindi niya alam ay pareho pala sila ng nararamdaman ni Alfred. Mayroon din itong pagtingin sa dalaga. Habang nasa kuwarto si Angie ay hindi niya namalayang tinatanaw siya ng binata sa bintana nito.

“Masaya na ako sa ganito, Angie. Ayokong maging hadlang sa mga pangarap mo. Hihintayin ko ang tamang panahon, gusto kong makatapos muna tayo ng pag-aaral bago ko sabihin ang nararamdaman ko,” sabi ni Alfred sa isip habang tahimik na pinagmamasdan ang kababata mula sa bintana.

Lumipas ang isang buwan na hindi sila nagkikita o nag-uusap man lang. Patuloy na iniiwasan ang isa’t isa hanggang sa dumating ang araw nang pag-alis ni Alfred. Tapos na ang bakasyon at umpisa na ulit ng pasukan.

“Ate Angie, hindi ka man lang nagpaalam kay kuya?” tanong ni Abigail.

“Bakit, saan siya pupunta?” tanong ni Angie sa kausap.

“Bumalik na siya sa Maynila. Umpisa na kasi ng klase niya. Nga pala, may ipinabibigay sa iyo si kuya,” anito.

“A-ano ito?”

“Sulat iyan, sabi niya saka mo na daw basahin kapag nakabalik na siya!”

Dahil sa sinabing iyon ng kapatid ni Alfred ay mabilis niyang tinakbo ang kanilang bahay habang umiiyak.

“Umalis siya na hindi man lang ako nakapagpaalam..” hagulgol niya.

Lumipas ang isang linggo, isang masamang balita ang bumungad kay Angie.

“Angie, anak.. si Alfred!

“Anong pong nangyari kay Alfred, Nay?” pupungas-pungas niyang tanong sa ina.

“Huwag kang mabibigla. Wala na si Alfred. Naaksidente ang sinasakyan niyang jeep habang pauwi galing sa eskwela. Kasama siya sa mga nasawi!” sagot ng ina.

“H-hindi! Diyos ko po, Alfred!!!” sigaw niya habang hindi na napigilan ang pagdaloy ng luha sa mga mata.

Hindi niya matanggap ang pagawala ng kababata. Palagi siyang tulala at hindi rin kumakain. Hanggang sa mailibing si Alfred ay hindi pa rin pumapasok sa isip niya kung bakit iyon ang kinahinatnan ng lalaki. Nang bigla niyang naalala ang binigay na sulat ni Abigail na galing kay Alfred. Hindi pa pala niya iyon nababasa ngunit mas lalo pala siyang maiiyak nang basahin niya ang nilalaman ng sulat nito.

Angie,

Alam kong mahal mo ako. Matagal ko ng gustong sabihin sa iyo, natatakot ako na baka hindi pa ito ang tamang oras dahil pareho pa tayong hindi pa tapos mag-aral, pero hindi ko na kayang itago pa sa iyo ang totoong nararamdaman ko. Gusto kong malaman mo na mahal din kita at iintayin ko ang araw na puwede nang maging tayo.

Alfred.

Lalong bumuhos ang luha ni Angie, mahal din pala siya ng lalaki. Hinihintay lang pala ni Alfred na makatapos sila ng pag-aaral bago ito magtapat sa kanya ng totoo nitong damdamin sa kanya.

“O, Alfred, mahal na mahal kita!” sambit niya sa sarili.

Nanghihinayang si Angie na hindi man lang niya personal na nasabi ang nararamdaman sa binata, noong nabubuhay pa ito ngunit sa nalaman niya ay masaya na rin siya dahil hindi lang pala siya ang nagmamahal, parehas din sila ng nararamdaman ni Alfred sa isa’t isa. Kahit sa huling pagkakataon ay nakagawa ng paraan ang binata para maiparating sa kanya ang niloob nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement