Si Justin ay madalas dumaan sa overpass malapit sa isang mall sa Quezon City. Dito ay madalas niyang nakikita ang isang matandang babae na laging nakaupo sa gilid ng hagdan, tulala at nanghihingi ng limos gamit ang isang lukot na basong plastik. Pero bukod sa panglilimos ay hindi maiwasan ni Justin na hindi mapansin ang araw-araw na pag-iyak ng matandang babae.
Sa tuwing dadaan siya rito, ang masusulyapan niya ang matandang babae na lumuluha at tila malungkot at malalim ang iniisip. Isang araw ay naglakas loob si Justin na lapitan ang matandang babae at kausapin ito.
“Nay, okay lang po ba kayo?” pagtatanong ni Justin sa matandang babae.
Dahil may katandaan na ay hindi na niya masyadong makausap ng maayos ang matanda. Mahahalata mo sa kanyang pananalita at pagsagot na hindi na rin niya masyadong naiintindihan ang mga nakakausap nito.
“Gusto ko nang umuwi kila Sunshine,” wika ng matanda.
“Sino po si Sunshine, ‘nay? Anak niyo po ba siya?” tanong ni Justin.
“Gusto ko nang umuwi,” paulit-ulit na sabi ng matanda.
Sa pagkakataon ito, tuluyan ng tumulo ang mga luha ng matanda at dito niya unti-unting naikwento ang nangyari sa kanya.
“Sunshine Macatunay, a-a-anak ko, si sunshine,” utal na wika ng matandang babae.
“La-la-labas ako ng bahay para sunduin apo ko na si Loisa, kaso hindi ko mahanap daan,” patuloy na wika ng matanda na utal-utal sa pagku-kwento.
Tahimik lang na nakinig si Justin sa matanda habang nagku-kwento ito. Pilit nitong pinagdudugtong ang mga kwento ng matanda upang malaman ang dahilan ng pag-iyak nito.
“Ano pong nangyari pagkaalis niyo, ‘nay?” ani Justin.
“Na-na-naglakad ako para hanapin bahay namin hanggang sa kita ko dito na ako sm, di ko na alam paano uwi kila sunshine,” naiiyak na wika ng matanda.
“Gu-gusto ko na ma-makita ana-na-nak ko si sunshine,” patuloy na pag-iyak ng matanda.
Hindi masyadong malinaw ang sinasabi ng matanda ngunit ang pagkakaintindi ni Justin, ay umalis ang matanda sa kanilang bahay upang sunduin ang apo hanggang sa naligaw na ito at napadpad ito sa kinaroroonan niya ngayon.
“Hintay ko dito Sunshine, baka su-su-sundo niya-a-a ako,” umiiyak pa rin itong sinabi ng matanda na punong-puno pa rin ng pag-asang makauwi sa kaniyang tahanan.
Hinintay ni Justin na tumahan ang matanda. Nais man niyang tulungan agad ito, ngunit hindi niya alam kung sa paanong paraan niya ito gagawin. Bago umalis at iwan ang matandang babae, ay bumili muna si Justin ng pagkain para ibigay sa matanda upang makakain ito. Nagpasalamat naman ang matanda sa kanya gamit ang isang napakagandang ngiti.
Nang makauwi ito ay agad niyang binuksan ang kanyang facebook at hinanap ang babaeng nagngangalang Sunshine Macatunay. Ilang Sunshine Macatunay din ang lumabas sa listahan, at dahil nais niyang mahanap ang anak ng matandang babae sa overpass ay isa-isa niyang chinat ang mga ito upang tanungin kung may nawawala ba silang nanay o kamag-anak.
Lumipas ang buong gabi at wala pa rin natatanggap na sagot si Justin mula sa mga Sunshine na kaniyang chinat. Ngunit ng magising ito kinabukasan ay isang Sunshine Macatunay ang sumagot sa kanya at nagsabi na nawala nga ang nanay niya dalawang buwan na ang nakakalipas.
Nang makausap pa ng malalim ni Justin si Sunshine, may sakit palang pagiging makakalimutin ang matandang babae, kaya ito naligaw at hindi na nakabalik sa kanila. Nalaman din nito na hindi na hinahanap ni Sunshine ay nanay nito dahil nabalitaan nilang naaksidente ito at hindi makita ang katawan. Ayon sa kwento ni Sunshine, hanggang ngayon at nagluluksa pa rin ang kanilang pamilya dahil sa biglaang pagkawala ng ina. Dahil kapos rin sa buhay, hindi na nagawa pang magpaimbestiga ng kanilang pamilya kung ano nga ba ang tunay na nangyari sa kanilang ina.
Dahil sa nalaman ni Justin ay nagduda ito kung sila nga ba ang hinahanap na pamilya ng matandang babae sa overpass. Pero gusto pa rin makasigurado ni Justin, kaya agad itong nagtungo sa overpass para kuhanan ng litrato ang matandang babae. Ipinadala niya ito agad ito sa Sunshine na nakachat niya kanina, at laking gulat ng kaniyang ka-chat na ang inakala niyang nanay niya nawala na ay buhay na buhay sa litratong ipinadala ni Justin.
Agad-agad nagtanong si Sunshine kung paano makakarating sa overpass na iyon, upang kaniyang mapuntahan at masundo ang kaniyang ina. Tinuro naman agad ni Justin ang biyahe upang makarating sa overpass, ngunit dahil salat sa pera ay hindi agad makapunta si Sunshine dahil wala pa itong kinikitang pera para gamitin bilang pamasahe.
Nang malaman ni Justin na hindi makakarating agad si Sunshine para sunduin ang kaniyang ina, muli niyang nilapitan ang matanda at inakay muna pauwi sa kanila. Bigla kasi itong nag-alala na baka ay may hindi magandang mangyari sa matandang babae habang naghihintay ito kay Sunshine. Nang makarating sila sa kaniyang bahay, ay agad niyang tinawag ang kasambahay upang pakiusapan na paliguan ang matandang babae at bihisan.
Habang inaasikaso ang matanda ay nagchat naman ito kay Sunshine para ipaalam na sa kaniyang bahay na lamang nila sunduin ang matandang babae. Hinintay ni Justin ang pagdating ni Sunshine at ang muling pagkikita nilang mag-ina.
Maya-maya pa ay may nagdoorbell na sa labas ng gate ng bahay ni Justin. Dito ay nakita niya sa personal si Sunshine na kamukhang-kamukha ng matandang babae. Pinapasok niya at pinatuloy sa kanyang sala, kung saan naghihintay ang kaniyang ina.
“Nay…” malakas na sabi ni Sunshine at biglang tumakbo papalapit sa ina at niyakap ito.
Nang marinig naman ng matandang babae ang boses ni Sunshine at narinig ang sinabi nito ay kusa na lang pumatak ang mga luha ng matandang babae. Hindi man nito maaninag sa malayo si Sunshine ay alam pa rin nito ang boses ng anak.
Yumakap ng mahigpit si Sunshine sa kanyang ina, habang sila ay patuloy na nag-iiyakan.
“Akala ko wala na kayo, ‘nay. Patawarin mo ako dahil nagkulang ako at hindi kita pinilit na mahanapa pa at naniwala ako agad sa mga chismis at kwento-kwento. Kung nahanap lang kita, hindi mo sana mararanasan ang nangyari sayo sa overpass nay,” wika ni Sunshine na patuloy na humahagulgol sa iyak.
Dahil mahina na rin ang matandang babae, ay patuloy na lang itong umiiyak, niyayakap at niyayapos ang anak na si Sunshine.
“Uuwi na tayo, Nanay. At pangako, hindi na muli kita pababayaan dahil hindi ko kakayanin nay na mawala ka ulit,” ani Sunshine.
Bago umalis at tuluyan nang umuwi si Sunshine at ang matandang babae, nagkwentuhan muna si Sunshine at Justin tungkol sa mga nangyari. Walang humpay ang pasasalamat ni Sunshine sa tulong at kabutihan na ginawa ni Justin para sa kaniyang ina. Niyakap nila si Justin bago umalis, kitang-kita sa mga mata ng mga ito ang saya na naramdaman.
Nang makaalis, ay tuluyan na ring pumatak ang luha ni Justin at agad na tinawagan ang ina niyang nasa probinsiya. Kinausap niya ito, at walang sawang sinab kung gaano niya ito kamahal at kahalaga sa kanya.
Ang nangyari kay Justin ay nagsilbing paalala sa kanya na dapat ay palagi nating pinapahalagahan ang mga tao sa ating buhay, lalo na ang ating mga magulang. Higit sa lahat, dapat ay patuloy natin balutin ang mundo ng kabutihan kahit na gaano man ito kahirap o kagulo. Dahil sa bawat maliit na tulong o kabutihan na ginagawa natin, ito ay nagsasama-sama at unti-unti tayong tutulungan ng ito upang makabuo muli ng isang mundong mapayapa.